Facebook

‘PANGAKONG NAPAKO’ KAY ONYOK TINUPAD NINA BONG GO, PRRD

MATAPOS malaman ang hinaing ni dating Olympian Mansueto “Onyok” Velasco kaugnay ng mga pangakong napako sa kanya nang magwagi ng silver medal sa Olympics, higit dalawang dekada na ang nakararaan, tiniyak ni Senator Christopher “Bong” Go na hindi ito mangyayari sa Duterte administration, lalo ngayong humakot ng medalya ang ilang atletang Filipino na sumabak sa Tokyo Olympics.

“Sa panahon ni Pangulong Duterte, binibigyan natin ng importansya, suporta at insentibo ang mga atleta natin lalo na ‘yung mga nagtagumpay sa Olympics ngayon. Bigyan rin dapat natin ng karampatang pagkilala ang mga atleta nating katulad ni Onyok na nangangailangan ng tulong natin ngayon,” ayon kay Go.

Sinabi ni Go na ipinabatid niya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang hinaing ni Onyok at inirekomendang bigyan siya ng financial aid para matugunan ang hindi naibigay na mga pangako sa boksingero ng iba’t ibang kompanya at personalidad.

Sa ngayon ay pinoproseso na ng Office of the President ang financial assistance na nagkakahalagang P500,000 para kay Onyok.

“Kapag may binitawang salita, dapat tuparin! Iyan po ang ugali namin ni Pangulong Duterte. Bagama’t nangyari naman ito more than twenty years ago at wala naman kaming kinalaman sa mga napangako sa kanya noon, nais ko lang hanapan ng paraan na maresolba ito sa panahon ni Pangulong Duterte,” ani Go.

“Nakapagdala po ng honor si Onyok sa ating bansa. Napaglipasan lang po ng panahon ang ibang mga ipinangako sa kaniya. Kaya po ako nakikiusap sa gobyerno na mabigyan siya ng konting tulong bilang pagkilala rin sa kanyang accomplishment noon,” ang paliwanag ng senador.

Si Onyok ay nagwagi ng silver medal sa boxing noong 1996 Summer Olympic Games. Ayon sa boksingero, maraming personalidad at pulitiko na nangakong bibigyan siya ng gantimpala at insentibo pero hindi naman natupad.

Ani Velasco, hanggang ngayon ay hindi pa niya natatanggap ang P2.5 million pledge mula sa ilang miyembro ng Kongreso at ang pinakamasaklap ay maging ang scholarship grants para sa kanyang mga anak.

Isang hindi tinukoy na negosyante ang nangako ng lifetime monthly allowance na P10,000 kay Onyok pero naputol ito, makaraan ang isang taon.

“Napag-alaman ko base sa records na naibigay naman ng gobyerno noon ang mga insentibo na dapat maibigay kay Onyok sa kanyang pagkapanalo. Kaya lang may mga ibang nangako na bukod pa sa dapat ibigay ng gobyerno na hindi ginampanan ang kanilang pangako,” ayon kay Go.

“Bagama’t hindi natin maibibigay lahat ng ipinangako sa kanya noon, kahit papaano ay bigyan natin si Onyok ng pagkilala ngayon at dagdag na tulong. Tandaan natin na ang kanyang pagkapanalo ilang dekada na ang nakalipas ay naging inspirasyon rin para sa mga atleta nating nagtagumpay ngayon,” idinagdag ng senador.

Noong Agosto 5, inanunsyo ng Malacañang Palace sa press briefing na sisikapin nito ang posibilidad na mabigyan ng insentibo ang Filipino boxer.

“Kawawa naman ang mga atletang Pilipino na halos nagbubuwis ng buhay upang mabigyan ng dangal ang ating bansa pagkatapos pinaasa lang. Marami ang nagsisikap at nanggaling pa sa malalayong lugar. Malaki ang kanilang sakripisyo kaya dapat suportahan natin sila hanggang sa huli,” sabi ni Go.

Aniya dapat ibigay ang lahat ng suporta na pwedeng maibigay sa ating mga atleta, hindi lang sa mga atleta nating nanalo ngayon, kundi pati rin sa mga aspiring athletes na nais sumunod sa yapak nina Hidilyn, Nesthy, Carlo, Eumir, at iba pa.

“Huwag rin natin kalimutang tulungan ‘yung mga atleta noon na nagbigay dangal sa bansa tulad ni Onyok. Sila ang nagbukas ng pinto para magtagumpay tayo ngayon at sa susunod pang mga henerasyon,” anang mambabatas.

Tiniyak ni Go na ang nangyaring pagpapaasa kay Onyok ay hindi mangyayari kina Hidilyn Diaz, Carlo Paalam, Nesthy Petecio at Eumir Marcial na nagwagi ng medalya sa Tokyo Summer Games.

The post ‘PANGAKONG NAPAKO’ KAY ONYOK TINUPAD NINA BONG GO, PRRD appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
‘PANGAKONG NAPAKO’ KAY ONYOK TINUPAD NINA BONG GO, PRRD ‘PANGAKONG NAPAKO’ KAY ONYOK TINUPAD NINA BONG GO, PRRD Reviewed by misfitgympal on Agosto 10, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.