Facebook

Mensahe kay Mane!

Eka ng balana ay matanda na. Sabi ng ilan ay over-confident kay Yordenis Ugas o kaya ay kulang sa preparasyon sa kapalit ni Errol Spence. May iba rin nagturan na kinalawang dahil 25 na buwan natigil sa ring.

Kung ano pa man ang tunay na dahilan ay bahala na kayo ang mag-analisa kung bakit natalo ng Cubano si Manny Pacquiao.

Heto lang mga obserbasyon natin.

Bale August 21 ang opisyal na araw ng laban. Pareho ng pagbomba sa Plaza Miranda (1971) at pagpaslang kay Sen Ninoy Aquino (1983).

Kawawa naman ang asawa ni Jinkee kasi nawala na sa kanya ang PDP na lapian tapos naolat pa kay Ugas sa Las Vegas.

Napatanong tuloy si Ka Berong kung ano ang pahiwatig ng langit sa anak na kampeon ni Aling Dionesia.

Ano raw kaya ang mensahe ng nasa itaas sa ating pambansang kamo?

Ayon kay Pepeng Kirat ay una dapat magretiro na siya sa boksing. Noong nangangampanya bilang senador ay nangako ang taga-GenSan na hihinto na siya sa hanapbuhay at magpokus na lang sa gawain sa Mataas na Kapulungan.

Hindi niya tinupad ang campaign promise. Ilang ulit pa siyang nakipagbakbakan. Sinungaling pala!

Kung sabagay ganyan ang karamihan ng boxer. Ayaw tumigil hangga’t may bout na naisasalang.

Pangalawa, kailangan daw na kalimutan na ang ambisyon na maging pangulo ng bansa. Hindi para sa kanya. Hindi kaya.

Masyadong mabigat ang responsibilidad.

Maaaring lisanin na ang pulitika at tahimik na tumulong na lang sa mga kababayan. Pwede rin tumakbo na lang para sa 2nd term bilang kagawad ng Senado. Tapos suportahan ang pinakakwalipikadong kandidato sa 2022.

Yung maging servant leader o statesman para sa Pilipinas. Gamitin niya kanyang kasikatan para sa kabutihan. Yung palagi na ang bayan ang una bago ang sarili.

Maigi rin magdevelop pa ng mas maraming Pinoy na prizefighter at amateur para sa Olympics. Magandang legacy yan kaysa kanyang MPBL na pang lokal lamang.

Yan iba’t ibang option para kay Pacquiao pagbalik ng Pinas. Nguni’t nasa kanya pa rin ang desisiyon.

***

Ire palang si Akiko Thompson-Guerrero na naging bisita natin sa Boomers’ Banquet ay bahagi ng Phil Olympians Association (POA). Pangulo ang retiradong swimmer at pinalitan niya sa POA si shooter Art Macapagal. Sinusulong nila ang kapakanan ng ating mga naipadala sa mga Olympics. Nakikipag-ugnayan sila sa POC at PSC pati sa IOC.

Ang mga Fortaleza Bros na sina Rey at Ric ay mga aktibong kasapi ng asosasyon.

Pwede na nila idikit sa dulo ng kanilang mga pangalan ang Oly na para sa Olympian. Kaya pala si Rey Fortaleza may Oly sa kanyang Facebook account.

The post Mensahe kay Mane! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Mensahe kay Mane! Mensahe kay Mane! Reviewed by misfitgympal on Agosto 23, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.