LAGUNA – Natagpuan sa masukal na bahagi ng gilid ng kalsada ang bangkay ng 36-anyos na lalaki na nakasilid sa sako makaraan ang dalawang araw na paghahanap ng kanyang pamilya sa Barangay Sto. Angel Norte, Sta. Cruz, Martes ng hapon.
Sa ulat ng hepe ng Sta. Cruz Police na si Lt. Col. Chitadel Gaoiran, kinilala ang biktimang si Mark Benjamin Valenzuela, binata, hair dresser, residente ng Lynville Subdivision, Bgy. Bagumbayan, Sta. Cruz.
Nabatid na 5:40 ng hapon nang madiskubre ng isang Michael Manalo, medical representative, ng Bgy. Duhat, ang bangkay ni Valenzuela sa lugar na nakasilid sa puting sako na may tatak na “Rose Brand” at may logo ng Philgro Industrial Corporation.
Sinabi ni Manalo na hinahanap niya sa lugar ang kanyang kaibigan nang hindi inaasahang matuklasan ang bangkay ng biktima.
Sa pamamagitan ng kapatid ng biktima na si Janet Marie, 36, positibong kinilala nito sa harap ng pulisya ang bangkay ng nawawalang si Mark Benjamin.
Umalis ang biktima sa kanila noong Linggo (August 8) bandang 1:00 ng madaling araw lulan ng kanyang minamanehong kulay itim na Honda Beat na motorsiklo at hindi na nga ito nakabalik hanggang sa matagpuang naka-sako. Hinahanap pa ng pulisya ang motorsiklo nito.
Ayaw namang magbigay ng anomang pahayag ang kapatid ng biktima tungkol sa mga ginagawa ng huli. Ipapaubaya na lamang aniya sa pulisya ang paglutas sa krimen.(Dick Garay)
The post Nawawalang binata natagpuan naka-sako sa Laguna appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: