Ikinababahala ni Senator Christopher “Bong” Go ang ulat ng pagtaas ng kaso ng mga kabataan nahahawahan ng COVID-19 sa bansa kaya isinuhestyon niya sa mga awtoridad ang posibilidad na magkaroon din ng pagbabakuna sa mga mas batang edad kapag natiyak na ito ay ligtas para sa kanila.
“Mga kababayan ko, kamakailan naiulat na halos umaabot ng 30 porsyento ang pagtaas sa bilang ng mga batang natatamaan ng COVID-19 nitong nakaraang linggo ayon sa datos ng DOH,” ani Go.
Dahil dito, hiniing ng senador sa mga awtoridad na pag-aralan ang posibilidad na palawakin pa ang vaccine rollout para mabigyan ang younger population sa oras na matiyak ng health experts na ito ay ligtas sa kanila at maisama sila sa bagong priority group.
“Bilang Chair ng Senate Committee on Health, ako ay lubhang nababahala kung hindi natin maagapan at magawan ng paraan upang mapigilan ang mabilis na pagtaas ng bilang — baka mapilitang gawing panibagong priority group ang mga bata at teenagers,” ani Go.
“Hirap na nga tayo sa pagkuha ng bakuna para sa may edad sa kabila ng limitadong supply, baka kailangang maghanap na naman tayo ng mga bakuna para sa mga menor de edad,” anang mambabatas.
Batay sa datos ng Department of Health, ang insidente ng paglobo ng kaso ng COVID-19 sa mga kabataan sa Piipinas ay tumaas nang 30 porsiyento.
Noong Agosto 3, mayoon nang naitatalang 6,879 bagong COVID-19 cases. May 10.78 porsiyento o 742 kaso nang nairekod na kabataang 17-anyos pababa na sinasabing nahawahan ng virus.
“Nakakabahala po ang mga naiuulat na tumataas na kaso na mga minors sa mga nahahawa ng COVID-19, dapat po’y maagapan kaagad ito,” sabi ni Go.
Kaya naman umapela siya sa publiko na patuloy na sumunod sa health protocols, kahit pa ang mga nabakunahan na.
“Sa patuloy na pananalasa ng mas nakakahawang Delta variant, ako ay umaapela sa kapwa ko Pilipino sundin po natin ang mga health protocols, parati pong magsuot ng face mask, face shield, social distancing at hugas ng kamay, at kung hindi naman po kailangan, huwag munang umalis ng inyong pamamahay dahil delikado pa po ang panahon,” sabi ni Go.
“Ugaliing sundin ang mga ito kahit na ikaw ay bakunado. Porket ikaw ay nabakunahan na hindi ibig sabihin hindi mo na madadala ang virus sa pag uwi mo sa inyong bahay. Maaaring makakahawa ka doon sa mga hindi pa bakunado katulad ng mga bata,” idinagdag ng mambabatas.
Para naman sa mga eligible nang makatanggap ng COVID-19 jabs, iginiit ng senador na huwag sayangin ng mga ito na magpabakuna sa lalong madaling panahon.
“Sa mga qualified na hindi pa nabakunahan, kung schedule niyo na po sa inyong komunidad huwag na kayong mag-alinlangan na magpabakuna kaagad… Kung mahal niyo po ang inyong mga pamilya at ang inyong mga anak, magpabakuna na ho kayo.”
“If you are not protected against COVID-19, the virus will find you and it will infect you. Delikado po itong COVID-19, lalung-lalo na po itong Delta variant na 4 times more contagious, mas nakakahawa po ito. Please lang po, kailangan po ang kooperasyon ng bawat isa at disiplina po ng bawat Pilipino,” ani Go.
Sinabi ni Go na huwag na nating hayaang umabot sa puntong bumagsak ang ating healthcare system at makitang namamatay na lang sa mga hospital parking lots ang mga pasyente dahil hindi maasikaso dahil puno na ang mga ospital.
“Nangyari na po ito sa ibang bansa, ‘yung napupuno ‘yung ospital, at ayaw po nating mangyari dito sa ating bansa na napupuno po ‘yung ospital at hindi na po naasikaso ‘yung mga pasyente.”
“Hindi biro ang magkasakit sa panahong naghihirap pa rin ang ating ekonomiya. Mas lalong hindi biro kung kailangan tubuhan ka para makahinga habang mag isa kang lumalaban na wala po ang iyong pamilya sa iyong tabi. Huwag tayong maging kumpiyansa dahil mas nagiging mabagsik ang kalabang COVID-19 na hindi natin nakikita,” idiniin ng senador.
The post Paglobo ng kabataang nadale ng COVID-19, ikinabahala ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: