![](https://www.policefilestonite.net/wp-content/uploads/2021/08/pacquiao_ugas.jpg)
GENERAL SANTOS CITY – Nabalot ng lungkot ang pamilya Pacquiao sa pagkatalo ni Senador Manny Pacquiao kontra kay Cuban boxer Yordenis Ugas sa laban nito sa T-Mobile Arena Las Vegas Nevada, USA.
Ayon kay Mommy Dionesia Pacquiao, ina ng fighting senator na tanggap nito ang resulta ng laban kung saan pumabor aniya ang mga judges kay Ugas.
Aminado rin si Mommy Dionsesia na noong nakaraang araw pa ay mayroon na itong nakitang ‘signs’ na matatalo si Manny ngunit ipinagpatuloy pa rin ang pagro-rosaryo hanggang sa matapos ang bakbakan.
Bago sa laban kay Ugas kanina, hangad ni Mommy D na hanggang 3 rounds lamang tatagal ang laban kung saan papabor sa anak ang resulta.
Aniya noon pa ay kinausap niya ang anak na tumigil na sa pagboboksing subalit humiling si Manny na magreretiro lang kung makaka-tatlong sunod-sunod na panalo.
Bagaman nangyari ito matapos na talunin ni Pacman noong 2018 si Lucas Matthysse, at Adrien Broner at Keith Thurman noong 2019 ay hindi ito nagpaawat at lumaban pa rin kay Ugas.
Sa tingin nito na hindi umano pumantay si Manny, 42 anyos sa lakas sa mas bata sa kanya na si Ugas, 35 yrs. old.
Muling iginiit ni Mommy D na handa ang kanyang puso sa pagkatalo ng anak dahil alam naman nitong sa lahat ng laban ay may panalo at may talo rin.
Habang sa tingin nito na ang talo ni Manny ay senyales na umano na dapat na itong isabit ang kanyang boxing gloves.
Pinayuhan naman ni Mommy D ang mga fans ng fighting senator na huwag panghinaan ng loob.
Napag-alaman na maraming taga-GenSan at Sarangani Province ang malungkot sa pagkakatalo ni Manny sa Cuban boxer.
The post Pamilya, mga residente sa GenSan at Sarangani malungkot sa pagkatalo ni Sen. Pacquiao appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: