Facebook

Show-cause order vs Isko, binawi!

HINAMON ni Manila Mayor “Isko Moreno” Domagoso ang Department of Interior and Local Government (DILG) na kasuhan na lamang siya kasunod ng inilabas na show cause order laban sa kanya hinggil sa kabiguan ng lungsod sa paglaban kontra iligal na droga noong 2018.

Gawin na, aniya, ng DILG ang nais nitong gawin gayong mayroon namang demokrasya sa Pilipinas at wala namang haharang sa kagawaran kung ito ang talagang gusto nilang gawin.

Pero kung siya ang kukumustahin, sinabi ng alkalde na masyado siyang busy sa pagtugon sa mga problemang dulot ng Covid-19, partikular na sa kanyang mga nasasakupan sa Maynila.

Nauna nang pumalag ang alkalde sa memorandum na inilabas ng DILG, kung saan sinabi niyang nahalal siyang alkalde ng Manila City noon lamang 2019.

Nakasaad sa dokumento na kailangan magpaliwanag ni Domagoso kung bakit hindi siya at iba pang mga opisyal dapat mapatawan ng administraive charges dahil sa kabiguan ng naunang administrasyon.

Lumutang ang show-cause order laban sa alkalde matapos na dagsain ng maraming tao ang ilang vaccination sites sa Manila at iba pang lungsod.

Samantala, agad naman binawi ng DILG ang inilabas na show-cause order laban kay Domagoso.

Sa isang memorandum na pirmado ni Interior Undersecretary Ricojudge Janvier Echiverri, nakasaad na ang nailabas na show-cause order ay isang “inadvertent re-issuance.”

Dahil sa error na ito, at base narin sa kanilang polisiya at procedures na sinusunod sa kagawaran, sinabi ni Echiverri na kanilang binabawi ang show-cause order laban sa alkalde.

Base sa memorandum, may nauna nang show-cause order na pinadala sa Manila City government noon pang 2019 dahil sa bagsak ang lungsod sa Anti-Drug Abuse Council audit noong 2018.

Pero ayon kay Echiverri, ang tinutukoy sa naturang memorandum ang mahinang performance ng local government unit sa ilalim ng liderato ni dating Mayor Joseph Ejercito Estrada.

Ang show-cause order naman na inilabas noong Hulyo 9, 2021 ay ikalawang dokumento nang ipinadala ng DILG sa LGU.

Dito nakasaad naman na base sa kanilang assessment at sa verification sa 2018 Anti-Drug Abuse Council performance audit, bigo ang Manila LGU na makapag-comply sa policy at program na nakaatas dito, lalo na sa standards at pagsunod din sa mga hakbang na inilatag ng National Anti-Drug Abuse Council Audit.

The post Show-cause order vs Isko, binawi! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Show-cause order vs Isko, binawi! Show-cause order vs Isko, binawi! Reviewed by misfitgympal on Agosto 06, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.