
KINUMPIRMA ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na target nilang umpisahan na ngayong Sabado, Agosto 7, ang pamamahagi ng ayuda para sa mga residenteng apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR).
Saad ni DSWD spokesperson Irene Dumlao, sa ilalim ng memorandum na inilabas ni Executive Secretary Salvador Medialdea, ang pondo para sa ayuda ay direktang ililipat sa local government unit (LGUs).
Sa oras na mailabas na ang circular at notice of cash allocation, na inaasahang maibibigay ngayong araw, maari nang simulan ng LGUs ang pamamahagi ng ayuda sa sumunod na araw mismo.
Giit pa ni Dumlao depende na sa mga local government units kung paano nila ibibigay ng mabilis ang ayudang ito.
Pero para kay Dumlao, wala namang malaking pagbabago sa prosesong ginamit ng pamahalaan nang unang umiral ang ECQ sa rehiyon.
Nauna nang pinaboran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamamahagi ng ayuda na nagkakahalaga ng P1,000 kada indibidwal pero hindi naman lalagpas ng P4,000 kada household sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ.
Sa isang panayam nitong Biyernes, sinabi ni DILG Usec. Jonathan Malaya, nagpalabas na ang Department of Budget and Management (DBM) ng ‘cash allocation’ para sa “ayuda”.
Samantala sinabi ni Malaya na makikipagpulong sila sa LGUs ngayong Sabado upang talakayin ang ‘cash distribution’ at himukin na simulan na ito agad.
Sinabi sa ulat na aabot sa P13.1 billion ang ipapamahagi sa 10.7 milyon residente sa Metro Manila, na nasa ilalim ngayon ng dalawang linggong ECQ upang pigilan ang pagkalat pa ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19.
Ang Laguna at ilang lungsod sa Cagayan de Oro at Iloilo ay nasa ilalim din ng ECQ subalit tatagal lamang ito ng hanggang August 15. (Josephine Patricio/Jonah Mallari/Boy Celario)
The post Pamamahagi ng ayuda sa NCR posibleng masimulan bukas – DSWD appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: