Facebook

Tagamanman

ELEKSYON 2022 Koalisyon – ito ang pangalan ng bagong koalisyon ng puwersang maka-demokrasya na magsisilbing private watchdog sa pampanguluhang halalan sa 2022. Trabaho ng grupong ito ang manmanan kung malinis, maayos, at matapat ang halalan. Sa maikli, hangad ng bagong grupo na maging totoong salamin ng damdamin ng sambayanan ang susunod na halalan. Layunin na maiwasan ang malawakang dayaan.

Pangunahing layunin ng Koalisyon ang voters’ education, o ang pagtuturo ng tamang pagpili ng mga ihahalal na lingkod bayan. Malaking suliranin sa bansa ang paghalal sa mga kandidatong hindi karapat-dapat. Kabilang ang marami sa kanila sa mga malalaking pamilyang pulitikal, o political dynasty. Responsibilidad sa halalan, ang hangad ng Koalisyon na ituro sa mga mamamayang botante.

Pinangungunahan ni Christian Monsod ang Eleksyon 2022 Koalisyon. Isang masugid na alagad ng demokrasya si Monsod. Bilang hepe ng Commission on Elections (Comelec), pinangunahan ni Monsod ang halalan ng 1992, ang unang halalan pampanguluhan ng ibalik ang demokrasya pagkatapos ng patalsikin ang diktador na si Ferdinand Marcos. Kasapi si Monsod sa komisyon na gumawa at bumalangkas sa Saligang Batas ng 1987.

Hindi pa buo ang Koalisyon bagaman inaasahan ang pagsama ng mga lider ng Simbahan sa ilalim ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at mga manananggol sa ilalim ng Legal Network for Truthful Elections (Lente) na itinatag sa pangangasiwa ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), ang pangunahing samahan ng mga abogado sa bansa. Hindi malayo ang National Movement for Free Elections (Namfrel), ang masugid na NGO (non-government organization) na laging sumusubaybay sa bawat halalan.

Inaasahan ang pagsama sa Koalisyon ng mga lider ng Simbahang Minorya, o mga Protestante at Christian Evangelical, organisasyon ng iba’t ibang sektor tulad ng paggawa, sakahan, negosyo, at grupong propsesyonal, lider sibiko, at iba pa. Isang malaking hanay ang inihahanda ng bagong Koalisyon upang masiguro na mababawasan ang dayaan sa halalan.

Isang malaking katanungan ang papel ng mga pribadong watchog sa panahon ng automated elections kung saan ang mga boto ay awtomatikong binibilang ng mga computers. Hindi ganap na naipapaliwanag ang silbi ng mga private watchdog kung ang resulta ng halalan ay nalalaman sa loob ng ilang oras pagkatapos isara ang mga polling precinct sa buong bansa. May mga pananaw na hindi na kailangan ang mga private watchdog.

Noong panahon na binilang isa-isa ang mga boto sa bawat balota sa ilalim ng sistemang manual, o manual counting system, kailangan ang mga private watchog upang magmanman at alamin kung sino ang nandaya. Katulong ng Comelec ang mga private watchdog Nagbago ang panahon nang ilunsad sa bansa ang sistemang automated counting simula noong halalan ng 2010.

Hindi opisyal na naipaliwanag ang mga dahilan ng pagbuo ng Koalisyon, ngunit mahihinuha na gustong iwasan ng mga lider ng bagong organisasyon ang “seven-hour glitch” noong halalan ng 2019. Biglang nawala sa ere ang itinakdang bilangan ng boto. Bumalik pagkatapos ng pitong oras, ngunit nanalo ang lahat ng kandidato ni Rodrigo Duterte sa pagka-senador. Hindi nakatanggi ang oposisyon sa resulta ng pitong oras na pagkawala sa ere.

Pinatunayan ng halalan ng 2019 na kayang manipulahin ang resulta ng halalan. May mga pananaw na maaring maulit ang seven hour-glitch sapagkat kontrolado ng grupong Davao City ang Comelec. Bukod dito, may mga paniniwala na nakikialam ang China upang makapandaya ang mga kandidatong kanilang susuportahan.

Hindi namin alam ang mga plano ng Koalisyon. Hindi pa nailatag sa publiko ang kanilang gustong gawin upang maiwasan ang mga dayaan sa halalan at maturuan ang mga tao na ihalal ang mga kuwalipikado at karapat-dapat na halal ng bayan. Hindi pa sinabi kung paano ang kikilos ang hanay ng mga volunteer sa gitna ng pandemya. Hindi naipaliwanag kung paano kokontrahin ang impluwensiya ng ibang bansa tulad ng China sa resulta ng halalan.

***

GANAP na nalusaw ang naghaharing koalisyon ni Rodrigo Duterte. Nagkanya-kanyang landas ang mga lapian sa ilalim ng koalisyon. Nabiyak ang naghaharing lapian, PDP-Laban, sa paksyon ni Ponso Cusi at Koko Pimentel. Ilalaban ng paksyon ni Cusi si Bong Go sa panguluhan at Rodrigo sa pangalawang pangulo. Kandidato ng paksyon ni Koko si Mane Pacquiao.

Samantala, naglalayag mag-isa si Sara Duterte, alkalde ng Davao City. Ayon sa ulat, suportado siya ng pitong grupo – Lakas-Christian Muslim Democrat ni GMA, Nacionalista Party ng mag-asawang Villar, Puwersa ng Masang Pilipino ng pamilya Erap.

Kasama ang National Unity Party ni political operator Ronnie Puno, People’s Reform Party ni Narsing Santiago, biyudo ni Miriam, Laban ng Demokratikong Pilipino ni Sonny Angara, at Partido Federalismo ng Pilipinas ni South Cotabato Gobernador Jun Tamayo. Hindi lang namin alam kung totoong may tao ang huling apat na grupo. Mapapansin na pawang ari ng mga pamilyang trapo ang mga lapian at grupo.

Hindi malaman kung saan pupunta ang pangkat ni Sara na Hugpong ng Pagkakaisa. Hindi malaman kung may itatagal ang koalisyon niya. Bagaman nangunguna siya sa mga survey, may mga alinlangan sa kanyang kakayahan na mapanatili ang pangunguna. Mukhang walang itatagal, ayon sa mga nagmamasid sa pulitika ng bansa.

***

QUOTE UNQUOTE: “Iyong dating PNP Chief na naging Senador na wala namang utak. Saan ka nakakita na bumbero may baril na hawak. Sunog ang pinapatay nila hindi po tao. Nagkalat talaga ang gago, tanga, at bobo sa administrasyong ito. Sorry for the foul words. Lakas maka-high blood sa totoo lang.’ – Yvette Navarro, netizen

“Yung walang nagawa sa Senado tatakbong presidente. At ang gustong bise yung walang nagawa sa Palasyo. Tonto Tandem.” – Nonoy Gallardo, netizen

“Hindi alam ni Leni ang pagkakaiba ng mga pulitikong nasa oposisyon at pumuposisyon. Kaya kinausap niya sina Ping, Dick, at Isko.” – PL, netizen

“Binaldehan lang ang Maynila dahil iniwan nanlilihamid ni Erap, ngayon, pang-presidente na?! Ang tapang naman ng taste nila!” – Archie Jose, netizen

The post Tagamanman appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Tagamanman Tagamanman Reviewed by misfitgympal on Agosto 09, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.