Facebook

VM HONEY, NAGPOSITIBO SA COVID-19

SA kabila na fully vaccinated na ng Sinovac ay nagpositibo pa rin sa COVID-19 si Manila Vice Mayor Honey Lacuna. Nag-negatibo naman Manila Mayor Isko Moreno.

Mismong si Lacuna ang nagbunyag ng kanyang kundisyon at nagsabi rin na nalaman niya ang resulta na positive siya sa test noong gabi nang Aug. 8 (Linggo).

“Sa kabila ng matinding pag-iingat ay hindi ko lubos na inaasahan ang nakalulungkot na resulta. Dahil dito, kinakailangan kong pangsumandaling magpahinga at magpagaling. Inaasahan ko po ang inyong pag-unawa at hinihiling ko ang inyong panalangin para sa ating lahat,” sabi ni Lacuna.

Umapela rin ang bise alkalde sa publiko na maging mas lalong maingat at ipagpatuloy ang pagsunod sa minimum health at safety protocols.

Lubhang napakaingat ni Lacuna lalo na sa pagsunod sa safety protocols, dahil lagi siyang nagsa-sanitize ng kanyang kamay, nagsusuot ng dobleng face mask kaya naman nagtataka siya kung paano siya nahawahan

Nabatid na ang kanyang kapatid na Councilor Philip Lacuna ay nagkaron din ng COVID at ngayon ay nagpapagaling na matapos na gamutin sa Manila COVID-19 Field Hospital.

Ayon kay Lacuna nagsimula niyang maramdaman ang sintomas nang pagkapagod noong Biyernes. Nang sumunod na araw ay nagkaron na siya ng sore throat at pananakit ng katawan kaya naman nagdesisyon na siyang magpa-swab noong Linggo. Sinabi pa ni Lacuna na mapait rin ang kanyang panlasa.

Hinala ni Lacuna ay nahawa siya noong Huwebes nang pangunahan niya ang pagbabakuna na karaniwan na niyang ginagawa. Maliban sa pagiging presiding officer ng Manila City Council, si Lacuna ang in charge ng health cluster ng pamahalaang lungsod.

Dahil dito siya ang nagsu-supervise sa lahat ng city-run hospitals ng Maynila at siya rin ang punong namamahala ng mass vaccination program ng lungsod kasama si Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan.

Bilang isang doktor, personal na pinamamahalaan ni Lacuna ang pagbabakuna lalo na ang pagtuturok ng bakuna sa mga bedridden at physically-challenged na hindi makakapunta sa mga vaccination sites.

Habang sinusulat ang balitang ito ay nasa Sta. Ana Hospital na si Lacuna sa pangangalaga ni director, Dr. Grace Padilla at umaasang gumaling sa lalong madaling panahon upang makabalik sa kanyang trabaho.

Samantala ay humiling naman ng panalangin si Moreno para sa maagang paggaling ng kanyang bise alkalde dahil napakahalagang bahagi aniya ni Lacuna sa tagumpay ng mass vaccination program ng lungsod dahil hands-on leader ito. (ANDI GARCIA)

The post VM HONEY, NAGPOSITIBO SA COVID-19 appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
VM HONEY, NAGPOSITIBO SA COVID-19 VM HONEY, NAGPOSITIBO SA COVID-19 Reviewed by misfitgympal on Agosto 09, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.