INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ang lahat ng ating mga gawa, hayag man o lihim, mabuti man o masama, ay ipagsusulit natin sa Diyos…” (Mangangaral 12:14, Ang Tanging Daan Bibliya)
***
BATUHAN NG MGA BAHO NINA PANGULONG DUTERTE AT NG OPOSISYON AT MGA KRITIKO, DAPAT I-WELCOME NG SAMBAYANG PILIPINO: Makakabuti sa bayan ang pagbubunyag ng Pangulong Duterte at ng mga opposition senators gaya nina Sen. Richard Gordon at Sen. Panfilo Lacson, at maging ng iba pang mga kritiko ng Pangulo, ng mga diumano ay kabulukan, kapalpakan, at korapsiyon ng bawat isa sa kanila.
Dahil kasi sa mga pagbubunyag na ito, nalalaman tuloy ng sambayanan na wala pala talaga sa mga opisyales ng gobyerno at ng mga kritiko, mapa-administrasyon o mapa-oposisyon, ang tunay malinis sa paglilingkod sa mga Pilipino. Batay sa mga inilalabas na impormasyon ng magkabilang-panig, nailalabas sa mga Pilipino na walang mapagkakatiwalaan sa kanila, dahil lahat pala sila ay pare-parehong nakukulapulan ng putik.
Pare-parehong bugok, pare-parehong bulok, pare-parehong tiwali, ang lahat sa kanila, kung ang pagbabatayan ay ang mga pagbubunyag na nangyayari sa ngayon. Ayon sa mga mamamayang nakipag-usap sa Kakampi Mo Ang Batas Lunes ng umaga, Setyembre 13, 2021, marapat i-welcome ng mga Pilipino, sa lahat ng antas ng lipunan, ang labasan ng mga baho ng mga nasa administrasyon, ng mga nasa oposisyon, at maging ng mga nangangahas bumatikos sa mga nanunungkulan sa ngayon.
Ang bayan ang makikinabang sa pagkakaroon nila ng kaalaman sa mga inililihim na katiwalian, korapsiyon, o lantarang pagpapabaya o kawalan ng sapat na kakayahan ang mga opisyales sa kani-kanilang mga posiyon, lalo na sa paghawak sa pondo ng bayan. Kung hindi nangyayari ang kasalukuyang batuhan ng putik sa pagitan ng administrasyong Duterte at ng mga oposisyunistang mambabatas at mga kritiko ni Duterte, mananatiling lihim ang kabulukan ng maraming pulitiko.
Sinasabi ng mga nagmamasid sa pulitika na mahalaga ang mga palitan ng akusasyong ito sa ngayon sa harap ng paparating na Halalan 2022. Sa napakatagal ng panahon, lagi ng ang inihahayag ng mga tumatakbo sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno ay ang kalinisan ng kanilang mga hangarin sa paglilingkod sa pamahalaan at sa bayan.
***
MAKAKABUTI SA MGA PILIPINO ANG PALITAN NG MGA AKUSASYON NG ADMINISTRASYONG DUTERTE AT NG OPOSISYON: Ganundin, parating ipinangangako ng mga kandidato, lalo na yung mga naghahangad sa mga national positions na sila ang magpapabago sa kalakaran ng buhay sa Pilipinas kapag sila ang nanalo. Ang problema lamang ng bayan, ni isa sa mga pulitikong nangako ng pagbabago para sa mga Pilipino ay bigo sa pagpapatupad ng mga pagbabagong mag-aangat sa buhay ng sambayanan.
Hindi na lamang napapako ang mga pangako ng mga pulitikong ito, kundi tuwirang panlalansi at panlilinlang lamang pala ang kanilang mga sinabi noong kampanya. Political scam pala ang dumating, hindi beneifical change, ayon pa sa mga netizens.
Nag-umpisa ang mga batuhan ng akusasyon ng Pangulong Duterte at nina Gordon at Lacson, at maging ng dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, noong ilabas ng Commission on Audit o COA ang kaniyang 2020 Audit Report. Isa sa mga inaakusahan ng COA sa nasabing 2020 Audit Report ang diumano’y pagwawaldas ng halagang P67 bilyong piso ang Department of Health na nakalaan sana na panlaban sa COVID 19 pandemic.
Lumitaw sa nasabing COA Audit Report na halos P42 bilyong piso sa nasabing P67 billion pandemic funds ng DOH ang inilipat sa Office of the President, sa pamamagitan ng Department of Budget and Management Procurement Service. Dahil dito, nagsulong at nagsasagawa na ang Senate Blue Ribbon Committee sa pangunguna ng kaniyang Chairman, si Senador Richard Gordon, at ni Senador Panfilo Lacscon.
Nagalit si Duterte sa takbo ng imbestigasyon nina Gordon at Lacson, kaya’t naglabas naman ito ng mga sinasabi niyang katiwalian din nina Gordon at Lacson. Nauna ng nagalit ang Pangulo sa ginawang pagpapalabas sa media ng COA Audit Report 2020. Binatikos ni Duterte ang COA, sa pagsasabing wala itong karapatang magpahayag sa publiko ng kaniyang mga findings, lalo na at kung ang mga ito ay hindi pa naman pinal.
***
MGA IMPORMASYON SA KATIWALIAN NG MGA NAKALUKLOK SA GOBYERNO, IMPORTANTE SA PAPARATING NA HALALAN 2022: Nailabas pa nga ang isyu na ang nagluklok sa kasalukuyang pinuno ng COA, si Chairman Miguel Aguinaldo, ay ang namayapa ng Pangulong Noynoy Aquino. Nakuwestiyon din ng Pangulo at ng kaniyang mga kaalyado sa pulitika ang diumano ay pananahimik ng COA noong matuklasan din nito na sa panahon ni Noynoy Aquino, naitala din ang sinasabing overpricing ng mga personal protective equipment, o mga PPEs.
Naging target din ng Pangulo sa kaniyang mga kontra-batikos si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio (na nauna ng bumatikos sa pasya ni Duterte na payagan ang mga casino sa Boracay). Ayon sa Pangulo, gumawa din ng ilegal na pagpapatitulo ng mga lupa sa Boracay si Carpio at ang kaniyang pamilya.
Sa kasalukuyan, marami ang nananalangin na maging tuloy-tuloy sana ang batuhan ng mga akusasyon ng magkabilang panig. Inulit ng mga netizens na bayan ang makikinabang sa mga pagbubunyag na ito dahil matatanggal ng maskara ng pagkukunwari ang mga pulitiko. Ipinahayag naman ng mga mananampalatayang Kristiyano na nakasulat sa Bibliya ang katotohanang walang lihim, lalo na ng kasamaan, katiwalian, at kasalanan, ang mananatiling lihim.
Mabubunyag at mabubunyag ang mga ito dahil, ayon sa Mangangaral 12:14, ang lahat ng mga gawa ng tao, hayag man o lihim, mabuti man o masama, ay ipagsusulit nila sa Diyos sa takdang panahon. Wala ng iba pang pananggalang laban sa katiwalian kundi ang tapat, maka-Diyos at maka-taong paglilingkod, isang paglilingkod na hindi nag-iimbot at nagnanakaw sa kaban ng bayan.
***
REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, https://ift.tt/3jq7483, https://ift.tt/2Vmhld1, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.
The post Batuhan ng baho ng Pangulo at oposisyon, makakabuti sa bayan appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: