HINILING ni Manila Mayor Isko Moreno sa Manila City Council sa pangunguna ng presiding officer nito na si Vice Mayor Honey Lacuna na pag-aralan ang posibilidad na huwag ng gumamit ng face shield ang mamamayan ng lungsod.
Sa isang panayam, sinabi ni Moreno na ang mandato na gumamit ng face shields ay dagdag na gastos lang para sa mamamayan ng kabisera ng bansa na naghihirap na bunga ng pandemyang dala ng coronavirus disease.
“Pinaaaral ko na sa konseho kasi gastos lang yan sa tao eh. Antabayanan ninyo,” sabi ng alkalde.
“Ginagawa lang headband, tumatalsik, yung matatanda nadadapa nahihirapan huminga tapos basura pa. Last year lito tayo lahat naiiintindihan ko pero ngayon me siyentipikong pag-aaral na eh, ” dagdag pa ni Moreno.
Samantala, sinabi ni Moreno na patuloy na nagbibigay ang pamahalaang lungsod ng Remdesivir, isang life-saving drug para sa severe o kritical ng mga kaso ng COVID-19.
Sa kabilang banda naman ay sinabi rin ng alkalde na ang stocks ng lungsod na Tocilizumab ay papaubos na, gayunman ay sinigurado ni Moreno na gumagawa ng paraan si Lacuna para sa resupply ng nasabing gamot.
Ang lokal na pamahalaan ng Maynila ang nagbibigay ng libreng Tocilizumab sa mga Manileño at ‘di taga-Maynila. Katunayan ay umabot na ang pamimigay ng libreng Tocilizumab sa Baguio, Pampanga, Batangas, at iba pang lalawigan. Ang life-saving drug na ito ay lubhang mahal at hindi agad nabibili.
“August pa tayo bumili but it is not guaranteed na makakakuha tayo sa October. Si Vice Mayor Honey Lacuna talagang inaantabayanan niya ‘yan,” pagtitiyak ni Moreno sa mga Manileño.
Hinikayat din ng alkalde na ang mga edad 17-anyos pababa na magparehistro na sa https://ift.tt/3cQKROp para kapag may go signal na ay mabakunahan na sila kaagad.
Sinabi pa ni Moreno na ang mga nasa hustong edad na nakapagparehistro na ay maari na lamang idagdag ang kanilang mga menor-de-edad na miyembro ng pamilya sa pamamagitan ng pag-click sa ‘add family’ . Maari din magrehistro ang mga menor-de-edad ng sarili nila. (ANDI GARCIA)
The post ‘Di paggamit ng face shield sa Maynila, hiling na pag-aaralan ng Konseho – Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: