“ANG patuloy na pagpapakalat ng fake news laban sa akin ay hindi na bago lalo na’t papalapit na ang eleksyon. Nasa taumbayan na ang paghuhusga kung maniniwala sila sa mga naninira lamang.”
Inihayag ito ni Senator Christopher “Bong” Go bilang babala sa publiko na huwag magpapabiktima sa mga fake news at mga maling impormasyon na itinutulak ng mga nais magsamantala sa kahinaan ngyon ng mga Filipino na nahaharap sa hamon ng kasalukuyang krisis.
Ayon kay Go, may mga grupo na tinatangkang magtanim ng galit at pagkakahati-hati sa bawat isa para maisulong ang kanilang political agenda at pansariling interes.
“Inaasahan ko na ‘yan ngayong papunta na tayo sa eleksyon. Walang katapusang kasinungalingan at pagpapakalat ng fake news na naman mula sa mga grupong walang ginawa kundi manira ng kapwa. Wala pong katotohanan lahat yan,” ani Go.
“Asahan niyo na lang kung may lalabas pa na ganyang litrato, tsismis, o haka-haka, puro na ‘yan fake news. Ano pa ba mai-expect natin sa kalaban na walang magandang maipagmamalaki kaya pilit na nanghihila ng kapwa pababa para sila ang umangat,” idinagdag ng senador.
Kaya naman pinaalalahanan niya ang mga Filipino na manatiling mapagbantay at i-validate muna ang mga impormasyong kumakalat sa iba’t ibang communication channels upang hindi mabiktima ng mga black propaganda.
“Hayaan na lang natin ang taumbayan na ang humusga kung sino ang tunay na nagtatrabaho, sino ang nagmamalasakit, at sino ang talagang nagseserbisyo sa bayan,” sabi ni Go.
“Hindi niyo na po maloloko ang mga Pilipino. Alam ng mga tao kung sino ang mga naninira lamang — yung mga gustong pinturahan kami ng itim at dumihan ang pangalan namin ni Pangulong Duterte para sila ang magmukhang malinis at maputi,” ayon sa mambabatas.
Sinabi ni Go na hindi na siya masosorpresa sa paglabas ng marami pang kasinungalingan sa mga darating na araw lalo’t estilo na ito ng maruming pulitika ng mga nais sirain ang mga nagawa ng gobyerno.
“Palibhasa yan naman ang nakagawian nila noon na istilo ng pamumulitika. Huwag niyo po kaming isama sa kalokohan ninyo dahil kami po ni Pangulong Duterte at ang buong administrasyon na ito ay patuloy na magseserbisyo sa kapwa namin Pilipino. Hindi po namin sasayangin ang oras namin sa inyo,” idiniin ni Go.
Muling idiniin ni Go na wala siyang interes tumakbong presidente sa darating na halalan kaya hindi dapat sinasayang ng ilang grupo ang kanilang oras sa pagwakwak sa kanya.
Ngunit tiniyak ng senador sa mga Filipino na sa kabila ng mga putik na ibinabato sa kanya at sa administrasyon ay nananatili silang nakapokus sa pagtupad sa mandatong maibangon ang bansa mula sa pandemya.
“Nandito po kami para magserbisyo, magbigay ng solusyon sa mga problema, at tumulong sa mga nangangailangan. Iyan ang pangako namin sa taumbayan. Kahit anong putik ang itapon ninyo sa amin, hindi matitinag ang aming prinsipyo na gawin ang tama at ipaglaban ang kapakanan ng bawat Pilipino,” sabi ni Go.
Binatikos ni Go ang mga kritiko na desperado na dahil walang maiprisintang mahusay sa taumbayan kaya paninira na lang ang ginagawa.
“Dahil walang naitutulong, naninira na lang. Wala na ngang maiambag para sa ikabubuti ng kapwa, dumadagdag pa sa pahirap ng bayan,” anang senador.
Ayon kay Go, gusto lamang ng mga deperado na putulin ang magagandang programa at nagawa ni Pangulong Duterte sa bayan sa pamamagitan ng paglalabas ng mga mapanirang impormasyon.
“Bahala na ang mga tao. Magpapatuloy lang kami sa pagseserbisyo. Hindi po ito panahon ng siraan at sisihan. Panahon ito ng pagmamalasakit at bayanihan!”
The post ‘WINAWASAK NA KAMI’ – BONG GO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: