Facebook

Dinastiya sa pulitika

DALAWAMPU’T apat ang kasapi ng Senado, ngunit huwag magtaka kung sa susunod na Senado sa 2022, ito ay bubuuin ng isang pares na mag-ina, isang pares ng mag-ama, at isang pares ng magkapatid, ayon kay Alex Lacson, manunulat at abogado. Sisihin ang kawalan ng batas na magpapatupad sa probisyon sa Saligang Batas ng 1987 na nagbabawal sa dinastiya sa pulitika, o ang pagdodomina ng mga makapangyarihang pamilya sa mga pwestong pulitikal ng bansa.

Sa panayam ni Jun Urbano, kilala bilang karakter na Mr. Shooli sa “Mongolian Barbecue,” isang palabas sa telebisyon, sinabi ni Alex Lacson na mangyayari ang ganyang tagpo dahil plano ng mga kamag-anak ng mga nakaupong senador na tumakbo sa halalan sa 2022. Tatakbo si Jejomar Binay, dating bise presidente at alkalde ng Makati City, ani Lacson. Kilala siya ng publiko at malamang na manalo, aniya. Makakasama niya ang kanyang anak na si Nancy na kasalukuyang senadora, aniya. Iyan ang pares na mag-ama.

Papalaot sa 2022 si Mark Villar, ang kasalukuyang kalihim ng DPWH. Sapagkat masalapi dahil isa sa pinakamayaman ang kanilang pamilya sa Filipinas, malaki ang tsansa na manalo. Kaya makakasama niya ang ina na si Cynthia Villar upang buuin ang pares ng mag-ina. Hindi tapos ang kuwento, ani Lacson. Kapag hindi nag-click si Alan Peter Cayetano sa balak na tumakbo para presidente, tatakbo siya bilang senador at kung mananalo, buuin nila ni Pia Cayetano ang pares ng magkapatid, aniya. Palasak ang labo-labo ng pamilya tuwing eleksyon.

Dahil sa pagdodomina ng mga makapangyarihan at masalaping pamilya sa mga puwesto sa pulitika, halos walang tsansa ang mga mahihirap ngunit karapat-dapat na maglingkod. Tanging ang mga masalapi ang may tsansa. Itinuturing ni Lacson na kinakatawan ng mga malalaking pamilyang pulitikal ang ugat ng kanser panlipunan ng bansa. Makasariling liderato ang kanilang dala at isa ito sa mga malalaking suliranin ng bansa.

***

MAY ibinigay si Lacson na walong solusyon para matupad ang probisyon ng Konstitusyon na nagbabawal sa ,mga dinastiya sa pulitika. Tatlo sa walong solusyon na kanyang iniisip ay hindi gagawin ng Kongreso sapagkat maraming mga mambabatas ang kabilang sa dinastiya pulitikal. Una, hindi magpapasa ng isang “enabling law” ang Kongreso sapagkat isang pagpapatiwakal sa kanila ang magpasa ng batas na magpapatupad ng probisyon ng Saligang Batas.

Pangalawang solusyon: maaaring susugan ang probisyon sa Saligang Batas sa pamamagitan ng pagpapatawag ng constituent assembly, ngunit maaaring walang mangyayari sapagkat kabilang sa mga malalaking pamilya ang bubuo ng constituent assembly, aniya. Pangatlo, ani Lacson, ang pagpapatawag ng halalan upang bumuo ng constitutional convention. Gayunpaman, mga kabilang sa mga malalaking pamilya ang maaaring mahalal at walang mangyayari, aniya.

Iginiit ni Lacson na may pag-asa sa pang-apat na solusyon. Tungkol ito sa voters’ education, o pagtuturo sa mga botante kung sino ang dapat ihahal. Inirekomenda niya na gawin ang voters’ education bilang isang subject sa Grade 10. Ituturo sa mga kabataan ang pangangailangan na ihalal ang mga karapat-dapat. Kung may matinong kalihim ang Deped, maaaring ayusin ang curriculum ng Grade 10 upang isama ang voters’ education na naka-focus sa dinastiya pulitikal. Maaaring isama ito sa mga mungkahing reporma sa sistemang edukasyon ng bansa, aniya.

Panglima ang mas malawak na kampanya sa media upang magkaroon ng kamulatan o awareness ang mga mamamayan tungkol sa diwa ng halalan. Ginagawa na ito noong mga nakaraang halalan ngunit kulang pa, aniya. Kailangan na pag-ibayuhin ang kampanya sa media, ani Alex Lacson.

Pang-anim na solusyon, ani Lacson, ang pagpapasa ng mga pira-pirasong batas upang mabawasan ang pananatili ng mga dinastiya pulitika sa bansa. Hindi ibibigay ng mga pamilya na itigil ang pagpapalit ng puwesto. Hindi papayag ang mga pamilya na kung tapos na ang termino ng ama, hindi makakapalit ang ina, o anak, o kahit ang kabit. Hindi isusuko ng mga pamilya ang sabay-sabay na pagtakbo ng mga kasapi sa pamilya, ani Lacson. Ngunit papayag sila na bawalan ang “running-in-tandem” kung saan ang ama ang tatakbong alkalde ngunit ang ina o anak ang bise alkalde. Papayag sila na ipagbawal ang running-in-tandem.

Iminungkahi ni Lacson bilang pampito ang paggamit ng people’s initiative sa pagsusog ng Saligang Batas. Kinilala ni Lacson ang kapangyarihang ito kung saan maaaring diretsong magpanukala ang mga mamamayan ng mga enmiyenda sa Konstitution kung makakuha ng lagda ng tatalong porsiyento (3%) sa bawat congressional district at 12% sa buong bansa.

Pangwalo, ngunit hindi naman panghuli, ipinanukala ni Alex Lacon ang paghalal ng pangulo na naniniwala sa probinsyon ng Saligang Batas kontra dinastiya sa pulitika. Ayon sa kanya, hindi kabilang sa anumang political dynasty ang alinman kay Leni Robredo at Ping Lacson bagaman hindi niya inendoso ang sinuman sa kanila.

***

HUWAG magkamali. Iba ang PKP sa CPP. Ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ay ang orihinal na organisasyon na itinatag noong 1930. Hitik sa kasaysayan ang PKP, ngunit dahil sa tindi ng pananalasa ng estado, humina ang PKP noong dekada 1950 at nalusaw noong dekada 1960. Dito pumasok si Jose Ma. Sison, isang propesor sa University of the Philippines. Kasama ang ilang intelektwal, muli nilang itinatag ang PKP at binigyan ng bagong pangalan: Communist Party of the Philippines (CPP).

Hindi madaling naitatag ang unang PKP sa huling mga taon ng 1920 at 1930. Tinulungan ng Communist International (Comintern), ang pandaigdigang samahan na nagpakilos sa kilusang komunista noon, upang pagbuklurin ang mga lider manggagawa at itinatag ang PKP. Itinuturing na itinatag ang PKP noong nagdaos ang mga kasapi ng isang pagkilos sa Plaza Moriones noong ika-7 ng Nobyembre, 1930.

Sa mga ilang akda, itinuturing na hinog sa pilit ang PKP. Hindi kalakasan ang uring manggagawa noong 1920 at 1930 at sumisilang pa lang ang maraming manggagawa sapagkat pausbong ang kapitalismo sa bansa. Sa maikli, kinalburo ang PKP kaya masasalamin ang kakulangan ng mga paghahanda upang harapin ang lupit ng estado. Itinuturing si Crisanto Evangelista na tagapagtatag ng PKP. Pinatay siya ng mga Hapon noong kasagsagan ng digmaan.

***

TROPANG BASAG ANG PULA. Gusto ni Francis Tolentino na ratipikahan ng Senado ang kasunduan umano sa pagitan ni Xi Jinping at Rodrigo Duterte noong 2019. Nang hingin ni Frank Drilon ang kopya ng kasunduan, walang naipakita si Tolentino. Nang hingan ng paliwanag at mga detalye ni Drilon, walang naipaliwanag si Tolentino. “Basta magtiwala kay Duterte,” ani Tolentino. Sa harap ng United Nations General Assembly, ipinahayag ni Alan Peter Cayetano na may pitong milyong adik sa Filipinas. Nang hingin ng international media ang batayan ng kanyang numero, walang naipaliwanag si Cayetano. Siniraan lang ang bansa ng kanyang pinaglingkuran bilang foreign affairs secretary noon. Nang kumalat ang Covid-19 sa Filipinas at hingin ng maraming sektor ang pagsasara ng bansa sa mga turistang Intsik, tumutol si Francisco Duque III. “Baka magtampo ang China sa Filipinas,” aniya. Nang kumalat, wala siyang nagawa bilang kalihim. Nagkaroon lang ng mga katiwalian.

The post Dinastiya sa pulitika appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Dinastiya sa pulitika Dinastiya sa pulitika Reviewed by misfitgympal on Setyembre 13, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.