Ni GERRY OCAMPO
HINDI na napigilan ng character actor na si John Arcilla ilabas ang nadaramang galit sa kanyang post.
“NAKAKAPUNYETA ang Pulitikong mas INUUNA PA ANG RAKET kesa kapakanan ng mga Pilipino at Buhay ng TAO. Palipasin nyo man lang ang PANDEMYANG ito tsaka nyo na balikan ang KAGARAPALAN kung di kayo maawat!
“Nangangamatay na ang mga TAO! Mahiya naman tayo! Nakakagalit na ng husto!” say ng magaling na character actor na walang binanggit na pangalan kung sino.
Pero sabi nga ng karamihan ay walang saysay ang galit ng mga tao dahil walang paki talaga ang mga suwapang na pulitiko.
Kaya nga dapat ay huwag nang iboto ang mga wala naman nagawang pulitiko sa bayan, kundi mangurakot lang ng kaban ng bayan.
***
NAKA-relate si Beauty Gonzales sa ginampanan niyang character sa isang May-December affair relationship sa seryeng Stories From The Heart: Loving Miss Bridgette ng GMA 7, dahil sa halos ganoon din ang relasyon niya sa tunay na buhay.
Ang pagkakaiba lang, sa tunay na buhay ay mas matanda sa kanya ang partner in life kumpara sa serye na magsisimula sa Sept. 13 at 3:25 pm na mas bata sa kanya ang makakarelasyon.
Dahil nga in real life ay mas matanda sa kanyang partner ay hindi na siya nahirapan sa character na ginampanan. Sa tunay buhay ay hindi talaga nagkaroon ng relasyon sa mas bata sa kanya, pero marami siyang younger suitor na hindi niya sinagot.
Kahit may edad na si Beauty ay halos hindi naman nagbabago ang younger look nito at kaseksihan. Mas lalo pa nga itong gumanda at sumeksi sa ngayon. Kaya hindi maiiwasan na may mainggit kay Kelvin Miranda na si Beauty ang nagbinyag sa kanya.
Sa serye kasi ay may love scene (bed scene) sina Beauty at Kelvin na ayon na rin mismo sa bagong Kapuso actress ay hindi siya nahirapan dahil nagawa na niya ito sa mga nauna niyang project.
Para lang daw choreography ang love scene na parang nagsasayaw at hindi dapat minamadali at kailangan namnamin.
Masuwerte nga raw si Kelvin na si Beauty ang nagbinyag sa kanya na bukod sa maganda at seksi ay pinagpapantasyahan pa rin ng mga kalalakihan.
Maganda at maayos naman daw nakunan ang love scene nila sa tulong ni Direk Adolf Alix Jr. Pasado kay Beauty kaeksena sa love scene si Kelvin.
***
NAGLABASAN ang mga larawan nina Paolo Contis at Yen Santos sa Baguio.
May mga netizen ang nagalit kay Ms. Annette Gozon-Valdez dahil tila kinakampihan pa raw si Paolo at may nag-comment pa na baka ang GMA ang gumawa ng “sorry post” ni Paolo na humihingi ng sorry sa mga anak at kina LJ Reyes at Lian Paz.
Hindi nagustuhan kay Annette na tila kinakampihan pa raw nito si Paolo at dapat daw ay maging neutral dahil talent din nila si LJ. Tinawag pang kunsinditora si Ms Annette dahil sa pagsuporta kay Paolo.
Ipinaalala ng netizens kay Ms Annette ang tagline ng 24 Oras na dapat walang kinikilingan, walang pinoprotektahan at serbisyong totoo lamang.
Marami pa rin ang galit kay Paolo sa sorry post nito at hindi naniniwala sa mga naging paliwanag nito, lalo na raw sa sinabing one day lang silang magkasama ni Yen sa Baguio City.
May larawan kasi na nasa Baguio sila nung Aug. 25 na nakita sila sa Agara Ramen at noong September 3 naman ay nasa Lemon and Olive resto naman daw sila. Katunayan sa Agara Ramen ay nagpaunlak pa raw si Paolo na magpakuha sa isang staff ng resto at ibinaba pa ang suot na face mask kaya kita ang mukha ng actor.
Pareho naman daw walang face mask sina Paolo at Yen sa Lemon and Olives dahil kumakain. Ang punto ng netizens ay dalawang petsa nakita ang dalawa sa Baguio kaya malabo raw ang sinabi ni Paolo na isang araw lang silang magkasama ni Yen.
Well, kung totoo man o hindi ay malalaman din naman ang katotohanan dahil walang lihim na hindi nabubulgar.
Pero sana ay maayos din ang gusot nina LJ at Paolo at muling mabuo ang kanilang pamilya.
The post Beauty Gonzales bininyagan sa serye si Kelvin Miranda appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: