Facebook

BONG GO: GALAW NG MGA BAKUNADO, LUWAGAN NA

MULING iginiit ni Senator at Senate Committee on Health chairman Christopher “Bong” Go ang kanyang apela sa gobyerno na pag-aralan ang posibilidad na pagbibigay ng mga insentibo at pagluluwag sa galaw ng mga fully vaccinated individuals upang mahimok ang marami pang Filipino na magpabakuna kontra COVID-19.

Habang parami na nang parami ang bakuna, nanawagan si Go sa gobyerno at pribadong sektor na lumikha ng iba pang paraan para mabigyan ng insentibo ang mga tao na makatutulong upang maabot ng bansa ang population protection tungo sa herd immunity sa mas maagang panahon.

“Pag-aralan dapat natin nang mabuti ang pagbibigay ng insentibo sa mga bakunado, tulad ng mas maluwag na mga patakaran. Maaaring pwede sila kumain at pumasyal sa labas, makapagtrabaho at makagalaw nang walang restrictions para maenganyo at tumaas ang vaccine confidence,” ang suhestyon ni Go.

“Sa ibang bansa nga, pwede nang manood ang mga bakunado ng basketball, katulad ng ginagawa sa NBA sa US. Kung mas marami na ang nababakunahan, mas magiging normal na ang ating pamumuhay,” ang paliwanag ng senador.

Suportado rin ni Go ang panukala ng mga alkalde sa National Capital Region na irelaks ang ilang COVID-19 guidelines sa fully vaccinated individuals.

Kamakalawa ay naglabas ng apela ang Metro Manila Council ng Metro Manila Development Authority na humihiling sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na luwagan ang COVID-19 guidelines para sa fully vaccinated, batay sa pag-aaral at konsultasyon.

Isang katulad na inisyatiba ang inilatag naman ni Socioeconomic Planning Secretary at National Economic and Development Authority head Karl Chua ukol sa paglulunsad ng “Bakuna Bubble” sa NCR.

Matatandaan na noong Marsoi 22 hanggang April 4, nagsagawa ang IATF ng bubble sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal kung saan ang mga awtorisadong indibidwal lamang ang pinapayagang magbiyahe. Habang limitado ang galaw ng mga tao, pinapayagan naman ang ilang negosyo na makapagbukas.

“Malaking parte ng ating ekonomiya ang National Capital Region. Kung ma-relax natin konti ang mga travel restrictions at ibang protocols para sa bakunado na, inaasahan natin na mas maraming sektor ng ekonomiya ang mabubuksan. Mas maraming mga kababayan natin ang makapaghanapbuhay muli at makabalik sa kani-kanilang mga trabaho. Ibig sabihin, mas maraming pamilya ang makabangon mula sa hirap na dulot ng pandemya,” ani Go.

Subalit sinabi ni Go na dapat ay dahan-dahan itong gawin at huwag biglaing buksan lahat kaagad dahil baka muling tumaas ang bilang ng mga kaso at mahihirapan na naman ang ating healthcare system.

“Ayaw nating mag-back to zero na naman tayo. Kaya maingat lang dapat nating balansehin ang buhay at kabuhayan ng mga Pilipino,” ang paalala ni Go.

Sinusuportahan din ni Go ang hiling ng Union of Local Authorities of the Philippines na palawakin ang kanilang vaccination rollout.

Sa liham sa National Task Force on COVID-19, hiniling ni Quirino Governor at ULAP President Dakila Cua, na ang bawat local government units ay payagang makapagpalawak ng pagbabakuna sa kanilang constituents sa pamamagitan ng hindi paglilimita sa prioritization scheme.

“Nabasa ko rin po ang sulat ng ating mga governors, requesting na buksan po ‘yung pagbabakuna sa general public dahil marami naman po ang mga gustong magpabakuna sa ngayon,” ani Go.

Sa kasalukuyan ay may naituturok nang 37.2 million doses ng COVID-19 vaccines, hanggang nitong Setyembre 8. At sa nasabing doses, nasa 21.3 million individual na ang nakatatanggap ng unang dose, habang 15.8 million na ang fully vaccinated.

The post BONG GO: GALAW NG MGA BAKUNADO, LUWAGAN NA appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
BONG GO: GALAW NG MGA BAKUNADO, LUWAGAN NA BONG GO: GALAW NG MGA BAKUNADO, LUWAGAN NA Reviewed by misfitgympal on Setyembre 10, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.