
Umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa mga kapwa opisyal ng gobyerno, lalo sa mga kakandidato sa 2022 elections, na iprayoridad ang kapakanan ng mga Filipino imbes na ang pansariling pampulitikang interes.
“Nalalapit na ang filing ng certificate of candidacy para sa halalan sa susunod na taon. Patungo muli tayo sa sagradong proseso sa ating demokratikong sistema kung saan pipili na naman ang taumbayan ng mga taong mamumuno at magsisilbi sa kanila,” sabi ni Go sa kanyang video message.
“Bilang isang mamamayang Pilipino at representante ninyo sa Senado, umaapela ako sa mga gustong tumakbo para sa susunod na halalan na palaging isaalang-alang ang interes at kapakanan ng ating mga kababayan,” idinagdag ng senador.
Ipinaalala ni Go sa mga kapwa niya pulitiko na ang paglilingkod sa bansa ay dapat na laging nakatuon sa interes ng sambayanan at kapakanan ng nakararami, hindi sa pampulitikang ambisyon.
“Sa pag-file ng COC, isipin dapat natin kung paano tayo makakatulong sa taumbayan na malampasan ang kasalukuyang pandemya at mga krisis na dulot nito o mga susunod pa.”
“Unahin natin ang ating tungkulin na magserbisyo at proteksyonan ang buhay ng ating kapwa bago ang ating pansariling interes,” ani Go.
Iginiit din niya sa mga pampublikong opisyal na magpokus sa kanilang mandato na paglilingkuran ang taongbayan habang papalapit na ang halalan.
“Para naman sa mga opisyal ngayon, dapat tandaan natin na mayroon po tayong trabahong dapat gampanan. Hindi dapat mawala ang ating focus sa ating tungkulin lalo na para maiahon sa hirap ang mga kababayan nating nangangailangan,” ang paalala ni Go.
“Anuman ang ating kulay pulitika, iisa lamang ang ating layunin na malampasan ang pandemya. Bakuna muna bago pulitika,” idinagdag ng mambabatas.
Sinabi niya na ito ang panahon para magtulungan sa isa’t isa o magbayanihan, sa halip na magbatikusan o magsisihan.
“Ito ang panahon ng pagtutulungan at bayanihan, hindi ng sisihan at siraan,” ani Go.
Pinayuhan din niya ang mga Filipino na huwag sayangin ang oportunidad sa pagpili ng tamang susunod na mamumuno sa bansa.
Ayon kay Go, ang halalan ang pinakamahalagang kapangyarihan na mayroon ang bawat Filipino kaya gamitin ito nang tama.
The post Bong Go sa mga kakandidato… ‘WAG SARILI, UNAHIN KAPAKANAN NG FILIPINO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: