ISINULONG ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagtatayo ng “super health centers” sa iba’t ibang panig ng bansa upang lalo pang pag-ibayuhin o mailapit sa mga Filipino ang serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan, partikular sa panahon ng krisis at pandemya
“Layunin po ng mga centers na ito na mas ilapit pa sa ating mga kababayan ang mga serbisyong medikal ng gobyerno, lalo na sa nasa liblib na lugar at pinakanangangailangan ng mga ito,” ayon kay Go.
Ayon sa senador, napakahalagang maisakatuparan ito, may pandemya man o wala, dahil hindi naman nawawala ang pangangailangan ng mga Filipino pagdating sa aspeto ng kanilang kalusugan.
Ang panukala ni Go na super health center ay medium version ng isang polyclinic o improved version ng rural health unit.
Dapat ay may land area na 514.3 square meters ang pagtatayuan ng super health center, batay sa inisyal na plano at ito ay may mga sumunod na serbisyo: lab facilities, pharmacy, birthing facilities, out-patient department, dental services, comprehensive PhilHealth out-patient department at iba pang minor services.
Isinuhestyon din ng mambabatas na ang super health centers ay gamiting satellite vaccination sites para sa mga kababayan nating naninirahan sa malalayo at urban centers.
Ani Go, ang human resource na kakailanganin sa super health center ay magmumula sa rural health units.
Ipapasailalim naman sa Health Facilities Enhancement Program ng Department of Health ang konstruksyon at pagbibili ng mga gamit sa nasabing centers.
Sinasabing kasama na sa panukalang budget ng DOH sa susunod na taon ang pondong kakailanganin sa pagtatayo ng inisyal na super centers.
“It is critical to reinforce our current health centers not just to meet health requirements of individuals or families, but also to tackle public health issues and the demands of the community,” ani Go.
“People in their communities are entitled to the best possible treatment. These centers will be able to meet their healthcare needs, which include the prevention of diseases, provision of treatment, as well as palliative care and health promotion,” idinagdag ng senador.
Si Go, chairman ng Senate Committee on Health, ay dati nang isinusulong sa Senado ang mga panukalang magpapabuti sa healthcare system ng bansa.
Nagpasa siya ng Senate Bill No. 2155 na layong magtatag ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines (VIP) para sa proactive approach o pagharap sa future pandemics.
Inihain din niya ang SBN 2158 na magtatatag ng Philippine Center for Disease Control and Prevention na magsisilbing lead agency sa pag-develop ng communicable disease control and prevention initiatives. Ito ang magiging pangunahing responsable sa pagkontrol sa pagkalat ng infectious diseases sa Pilipinas.
“Katulad ng polisiya ng administrasyong Duterte na dapat one-step ahead tayo kung mayro’ng paparating na mga kalamidad at sakuna, nais nating mas pagbutihin pa ang hakbang ng gobyerno upang mas magiging ligtas ang buhay at kalusugan ng mga Filipino mula sa mga banta ng nakahahawang mga sakit,” ani Go.
The post BONG GO: SUPER HEALTH CENTERS, IKAKALAT SA ‘PINAS appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: