Facebook

P100M modern sports complex, pinasinayaan nina Isko at Honey

PINASINAYAAN nina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang may P100-million halaga ng modernong sports complex na magbibigay benepisyo sa may 215,000 residente ng ikalawang distrito ng Tondo, Manila. Kasama rin sa nasabing pagpapasinaya si Congressman Rolan Valeriano.

Ang bagong “Patricia Paraiso Sports Complex,” na resulta ng kolaborasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at tanggapan ni Valeriano ay kumpleto ng swimming pool, function hall, basketball court, chapel at clinic para magamit ng team na ia-assign dito ng Manila Health Department sa pamumuno ni Dr. Arnold Pangan.

Pinasalamatan nina Moreno at Lacuna si Valeriano, na nangako din na ire-rehabilitate ang Ospital ng Tondo, isa sa anim na pag-aaring ospital ng lungsod at nagsisilbi sa mga residente ng District 2 ng Tondo

Sinabi din ng alkalde na tutulong si Valeriano sa pagtatayo ng kauna-unahang Universidad de Manila (UDM) annex sa District 2 sa 2022.

“Hindi po kami mapapagod tupdin lahat ng ipinangako sa inyo, bagamat tayo ay hinagupit ng pandemyang ito.. galing kami ng Sta. Ana Hospital wala pang dalawang linggo maihatid lamang lahat ng programa at proyekto para sa lahat ng Batang Maynila,” sabi ni Lacuna. Siya at si Moreno ay nahawa ng COVID-19 at kagagaling lamang ng dalawa.

Sa kanyang bahagi, sinabi ni Moreno na lahat ng accomplishments ng kanyang administrasyon ay hindi magaganap kung walang suporta si Lacuna at ang mga miyembro ng Manila City Council na siyang pinamumunuan ng bise alkalde bilang presiding officer, mga congressmen tulad ni Valeriano at maging ng mga residente.

“Commitment naman namin ni Vice Honey, pilit na maging masinop sa tustusin ng ating pamahalaan. Kulang na gabi, gawin naming araw. Sa pandemya, kahit me suliranin ang tao, di makatakbo sa kamag-anak dahil pareho ang suliranin nila. Lahat tinamaan kaya gusto ko, ang pamahalaang-lungsod ang inyong kaagapay,” pagbibigay diin ng alkalde.

Nanawagan din si Moreno ng pagkakaisa at sinabing mayroong lakas na matatamo sa pagkakaisa upang labanan ang tunay na kaaway na walang iba kundi ang coronavirus.

Pinasalamatan din ni Moreno ang mamamayan ng Tondo sa kanilang pagtugon sa panawagan ng pamahalaang lungsod na pairalin ang sariling disiplina.

“Diyan (discipline) lang tayo magtatagumpay. Ngayon, halos wala na mabakunahan dahil we moved fast. Salamat sa pakikinig ninyo sa panawagan. ‘Wag tyo malilito, ang kalaban ay COVID-19,” dagdag pa ng alkalde.

Ayon pa sa alkalde ay dapat matututo tayo sa aral na iniwan ng mga nasawi dahil sa coronavirus kung kaya’t dapat na magpabakuna agad.

“Matuto tayo sa aral ng buhay, ng kapit-bahay, kakilala o kamaganak natin. Di kaila me nangamatay dahil di bakunado, me nangabuhay kahit severe o kritikal dahil bakunado,” paliwanag nito. (ANDI GARCIA)

The post P100M modern sports complex, pinasinayaan nina Isko at Honey appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
P100M modern sports complex, pinasinayaan nina Isko at Honey P100M modern sports complex, pinasinayaan nina Isko at Honey Reviewed by misfitgympal on Setyembre 12, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.