Facebook

Debate sa madla

WALA pa ang yugto kung saan isa-isa isinasalang sa publiko ang mga kandidato sa panguluhan sa 2022. Nasa yugto tayo ng deklarasyon. Humaharap ang mga kandidato na nais maglingkod bilang pangulo. Kapag deklarado sila, mistula mga karne na gigilingin sila sa debate sa publiko. Matira ang matibay.

Apat ang pangunahing isyu: Una, ang pagsugpo sa pandemya; ikalawa ang pamimigay ng teritoryo ng Filipinas sa Tsina; pangatlo, ang malawakang korapsyon na umaabot sa P1 trilyon (o isang libong P1 bilyon) ang nawawala sa kaban ng bayan: at ikaapat, ang malawakang patayan sa ilalim ng madugo pero bigong digmaan kontra droga.

Sila ang mga magtutunggali. Sasabak si Bong Go, alalay ni Rodrigo Duterte, para sa PDP-Laban (paksyon ni Al Cusi); Ping Lacson, Reporma; Mane Pacquiao, PDP-Laban (paksyon ni Koko Pimentel). Kakatawanin ang puwersang demokratiko ni Leni Robredo ng Liberal Party kung (isang malaking kung) magdesisyon na lumaban, o Sonny Trillanes ng 1Sambayan kung hindi tatakbo si Leni. Tatakbo si Isko Moreno ng Aksyon Demokratiko.

Walang masasabing matino kay Bong Go sa apat na isyu sa halalan. Kampi sa Tsina si Bong Go at payag siya sa maramihang patayan. Sapagkat isa siya sa haligi ng gobyernong Duterte, wala siyang iaalay sa pagsugpo ng pandemya kundi kabiguan. Bahagi umano si Bong Go ng iskandalo sa Pharmally kung saan mahigit P8.5 bilyon ang kuwestiyonableng inubos ng gobyerno sa isang maliit na kumpanya na pag-aari ng mga Intsik.

Tanging si Sonny Trillanes ang may karapatan magsalita sa usapin ng malawakang patayan, o EJKs. Kasama ni Trillanes si Gary Alejano na nagharap noong 2017 ng sakdal na crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte at mga kasapakat. Sumulong ang kaso at maaaring umpisahan anumang oras ang preliminary investigation na inirekomenda ng Office of the Prosecutor ng ICC. Hindi ito naisip ng kahit sino at oposisyon.

Walang karapatan na magsalita si Ping sapagkat ininsulto niya si Trillanes at hindi tinulungan. Sinabi niya sa basurahan mapupunta ang sakdal. Hindi ito nagkatotoo. Kinampihan ni Ping si Duterte sa mga patayan ng mga sangkot umano sa droga. Walang karapatan si Leni Robredo sa isyu sapagkat hindi siya tumulong kay Trillanes bilang lider ng oposisyon. Kampi sa mga patayan sina Mane at Isko. Kampi sila sa madugong palakad ni Duterte sa bansa. Pare-pareho silang bahagi ng madilim na gobyerno ni Duterte.

Hindi oposisyon si Isko kahit minsan sa kanyang political career. Palagi siya sa lapian ng nasa poder sapagkat oportunista siya. Hindi siya kumokontra sapagkat hindi kaya ng kanyang utak ang pulitika ng oposisyon. “Swing and sway” politics ang kanya. Hindi oposisyon si Mane dahil mas marami siyang absent kesa present sa sesyon ng Senado. Hindi nakisangkot si Mane. Mahilig ang magpanggap pero wala masyadong alam tulad ni Isko.

Maganda malutas ang pandemya sa taong ito, ani Trillanes, upang maatupag ang pambansang ekonomiya. Lugmok ang ekonomiya, marami ang walang trabaho, aniya. Walang marinig kay Bong Go, Ping, Isko, at Mane kung ano ang gagawin. Hindi sila oposisyon. Pumoposisyon lang.

***

MAY isinulat ang aming kaibigan Rodolfo Hilado Divinagracia sa Pharmally isyu. Pakibasa:

Phambihirang Pharmally

Ano ang nangyari sa Senate hearing ngayong araw tungkol sa mga anomalya ng DOH at PS DBM? Marami. Partial update muna.

1. Ang main question talaga ng mga senador ay paano nabigyan ng bilyon-bilyong pisong kontrata ang isang kumpanya na bagong-tayo lang, walang track record sa government procurement, walang importation permit, at napakaliit lang ng puhunan na P625,000 lamang? Sabi nga nung accountant na tumestigo, 42,000% ang ROI ng Pharmally. Galing ng business model siguro nila. Invest P625,000 and get P8.6 billion in contracts. Business schools should really be paying attention, ano?

2. Simple lang ang tanong ng mga Senador sa Pharmally, saan kayo kumuha ng pinambayad nyo sa mga suppliers? Wala sa audited financial statements nyo na nangutang kayo. Hindi malinaw kung may bangko ba kayo at kung may letter of credit kayo at nakaka-utang. Sang lupalop nyo kinuha ang napakalaking halaga? At ano ang ginagawa ng PS-DBM na nagbibigay ng negotaited contract sa isang kumpanya na wala palang kapasidad na mag-supply?

3. Ang daming paligoy-ligoy sa mga sagot. Kesyo daw may konek ang Pharmally sa mga suppliers. Kesyo daw pumayag ang suppliers na bayaran na lang sila kapag nakasingil ang Pharmally sa gobyerno (take note sa panahon na napakataas ang demand, sinong supplier ang papayag sa ganitong areglo?) Kesyo daw nangutang sa mga kaibigan at investors ang Pharmally para makabayad sa supplier. Ano ito, “Mars, papatak naman ng P54 million para mabayaran namin yung supplier sa China?”

4. Hanggang sa lumabas ang totoo. Inamin ni Huang Tzu Yen ng Pharmally ang ayaw aminin ni Lincoln Ong at ni Michael Yang – na nang nanalo ang Pharmally ng kontrata, wala itong financial capacity para magbayad sa suppliers sa China, kaya umutang ito kay Michael Yang, ang dating presidential adviser. Nauna nang todo-deny si Yang na may kinalaman siya sa Pharmally. Pero kita sa video ng RTVM na sya ang nagpakilala sa Pharmally kay Duterte sa Davao noong 2017. Facilitator lang daw si Yang sa pagitan ng Pharmally at mga Chinese suppliers. Wala na raw syang ibang papel. Hanggang sa unti-unting lumabas ang totoo. Noong una, sabi ni Lincoln Ong, guarantor daw si Yang sa mga Chinese suppliers. Pero nagtaka ang mga senador, anong klaseng guarantor ito? Laway lang, sapat na? Kasi ganun din ang pinapalabas ni Yang, “Chinese way of doing business” daw. Pero nang nagbanta na ang Senado na ipapa-contempt at ipapa-aresto sina Ong at Yang, nilabas na ni Huang ang totoo. Si Michael Yang ang nagpaluwal ng pera sa Pharmally para mabayaran ang mga supplier ng PPE. Gaano kalaki? DI nila masabi.

5. Tanong ngayon – bakit nila kailangang magsinungaling sa committee? At ang pagpapaluwal ni Yang ng pondo ay wala bang kapalit? Bakit sya maglalabas ng bilyong piso nang ganun-ganun lang? Ang papel ba ni Yang ang dahilan kung bakit nakuha ang Pharmally ng kontrata in the first place? Pansinin na napaka-defensive ni Huang sa iysu na hindi sila dummy corporation ni Michael Yang. Wala namang senador ang nagsabi na dummy sila pero lumabas sa bibig ni Huang yung defense. Pero di ba weird? Si Yang ang nagpakilala ng suppliers, sya din ang nagpaluwal ng pera pambayad. Ang Pharmally ay may P625,000 na puhunan at 7 empleyado lamang. Hmm….

6. Meanwhile, pinpilit pa rin ng PS DBM na walang mali sa kontrata at walang mali na nagbigay sila ng bilyones na kontrata sa isang kumpanya na walang kapasidad na magbayad sa suppliers. Ang tanong, bakit? Very obvious na pinapaboran. Pero bakit? Sino ang totoong nakikinabang dyan? Yun ang dapat malaman sa pagpapatuloy ng hearing. Nakakasuka na ganito lang pinaglalaruan ang pera ng bayan, sa panahon ng pandemya, para makinabang ang iilang may konek sa kapangyarihan.

***

Email:bootsfra@yahoo.com

The post Debate sa madla appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Debate sa madla Debate sa madla Reviewed by misfitgympal on Setyembre 12, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.