Facebook

Fake news sa social media, ‘wag paniwalaan – Isko

NANAWAGAN si Manila Mayor Isko Moreno sa publiko na huwag paniwalaan ang nagkalat na fake news sa social media na nagsasabing hindi welcome ang mga taga-Visaya at Mindanao sa Maynila. Binigyang diin ng alkalde na ang serbisyong pangkalusugan sa lungsod ay bukas para sa lahat, hindi lamang sa mga taga-Maynila kundi maging sa mga hindi residente ng kabisera ng bansa kabilang na ang mga nasa lalawigan.

Sa katunayan aniya, maging mga rehiyon sa Mindanao at Visaya ay naserbisyuhan na sa Manila COVID field hospital sa pamumuno ni Director Dr. Arlene Dominguez at nabenepisyuhan na rin ang mga ito ng libreng swab tests at nabigyan ng libreng Tocilizumab at Remdesivir ng lokal na pamahalaan.

Sa kasalukuyan ang mga tumanggap ng napakamahal na life-saving drugs para sa severe at kritikal na mga pasyente ng COVID ay umabot na sa 622. Sila ay nagmula sa Bacolod, Negros, Cebu, Iloilo, Davao del Sur, Cotabato at Lanao del Sur.

Maging ang mga ospital na pag-aari ng lungsod ay nag-aalaga ng mga pasyenteng nagmula sa Visaya at Mindanao dahil naging polisiya na ng administrasyon ni Moreno na buksan ang pintuan ng lungsod para sa mga hindi Manileño.

Dahil dito, sinabi ni Moreno na inulat ni Vice Mayor Honey Lacuna, na siyang in charge sa health cluster ng lungsod na may tatlong ospital na pag-aari ng lungsod ang umabot na sa critical level at ito ay ang mga Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) sa District 3, Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) sa District 1 at Ospital ng Sampaloc sa District 4.

Sinabi ni Lacuna sa alkalde na base sa ulat ni GABMMC Director Dr. Ted Martin at JJASGH Director Dr. Merle Sacdalan, ang bilang ng mga pasyenteng tinanggap sa nasabing pagamutan ay higit na sa itinakdang bed capacity ng dalawang ospital.

Ayon pa sa alkalde, maging ang emergency room at holding tents ay puno na rin.

Sinabi ni Moreno na maging ang pangasiwaan ng JJASGH ay nagpauwi na ng mga pasyteng kwalipikadong kumpletuhin ang kanilang pagpapagaling sa bahay, upang makatanggap naman ng bagong pasyente. Humingi rin ng pangunawa ang mga pangasiwaan ng ospital.

Ayon kay Lacuna, ang mga pasyenteng nagsisiksikan sa mga ospital ay pinaghalong mga pasyenteng may COVID at may iba’t-ibang sakit.

Nabatid na ang anim na pagamutan ng lungsod ay nagko-coordinate sa bawat isa para makapagpalipat ng mga pasyente na karamihan ay hindi mga residente ng Maynila.

Sinabi din ni Lacuna sa alkalde na ang mga medical frontliners ay nahahawa rin ng COVID at kailangang magpagamot at magpagaling kaya naman apektado ang ratio sa pagitan ng frontliners at mga pasyente.

Hanggang September 13, 2021, ang lungsod ay nakapagtala ng kabuuang 311 bago at kumpirmadong aktibong COVID cases.

Nanatiling Sampaloc ang may pinakamaraming COVID infections sa bilang na 321, sunod ang Tondo na may 157 at Sta. Cruz na 125 mga kaso. (ANDI GARCIA)

The post Fake news sa social media, ‘wag paniwalaan – Isko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Fake news sa social media, ‘wag paniwalaan – Isko Fake news sa social media, ‘wag paniwalaan – Isko Reviewed by misfitgympal on Setyembre 14, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.