INSPIRASYON SA BUHAY: “… Kung ang pinuno ay matuwid, nagdiriwang ang bayan; kung ang namamahala ay tiwali, ang sambayanan ay namimighati…” (Mga Kawikaan 29:2, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
PAGBABAWAL NG PANGULONG DUTERTE SA PAGHARAP NG KANIYANG CABINET SECRETARIES SA SENATE HEARINGS SA DOH COVID 19 FUNDS LABAG SA SC DECISION: Hindi pupuwedeng basta pipigilin na lamang ng Pangulong Duterte ang pagharap ng kaniyang Cabinet Secretaries sa mga legislative inquiries, pag sila ipinagtawag ng mga mambabatas, sa Kongreso at sa Senado, ukol sa mga nai-uulat na kaganapan sa kani-kailang mga departamento.
May nauna na kasing desisyon ang Korte Suprema sa ganitong mga kautusan ng pangulo ng bansa, sa kasong kinasasangkutan noon ng kinikilalang pinaka-malapit niyang tagapayo at kaalyado sa pulitika, ang dating Pangulong Gloria Arroyo.
Noong umaga ng Martes, Setyembre 14, 2021, inihayag ng Pangulong Duterte sa kaniyang taped television address na nag-utos na siya sa kaniyang mga kalihim na huwag agad haharap sa mga legislative inquiries dahil kailangan muna nilang humingi ng paunang pahintulot mula sa Pangulo.
Ipinunto ng pangulo na nasasayang lamang ang oras ng mga ipinapatawag na opisyales ng kaniyang gobyerno dahil marami sa kanila ang di naman natatanong ng mga mambabatas.
Agad nagdulot ang pahayag na ito ng Pangulong Duterte ng matitinding puna mula sa iba’t ibang sektor ng lipunang Pilipino. Ipinuntonila na, ayon sa opisyal na pasya ng Kataas-taasang Hukuman sa kasong “Senate of the Philippines, et. al. vs. Executive Secretary Eduardo Ermita”, na naitala bilang G.R. No. 169777 noong April 20, 2006.
Sa pasyang ito, kailangang liwanagin muna ng pangulo ng bansa (ang Pangulong Arroyo noong mga panahong iyon) ang mga dahilan ng Malacanang o ng Office of the President kung bakit ayaw ng pangulong padaluhin sa mga imbestigasyon ng Kongreso at Senado ang isang Cabinet Secretary, o ang iba pang mga opisyales ng gobyerno.
***
SC, MAY PASYANG NAG-UUTOS SA PANGULO NG BANSA NA LIWANAGIN KUNG BAKIT PINAGBABAWALAN NIYA ANG KANIYANG GABINETE NA HUMARAP SA SENADO: Kung hindi makakapagbigay ng mabigat na dahilan ang pangulo sa kaniyang pagbabawal sa pagharap ng kaniyang Gabinete sa mga legislative inquiries, hindi magiging legal ang kaniyang pagbabawal. Ayon sa Korte Suprema, kailangang ibatay ng pangulo ang kaniyang pagbabawal sa pagharap ng mga Cabinet Secretaries sa mga isyung may kinalaman sa military o diplomatic secrets, closed-door Cabinet meetings, at mga katulad na dahilan.
Sa talumpati ng Pangulong Duterte kaninang umaga, walang ganitong mga dahilan ang kaniyang ibinigay, at gaya ng mga naglabasang ulat sa media, lumilitaw na ang tanging dahilan ng ninanais niyang pagbabawal ay ang pagiging sayang ng mga oras na ginugugol ng mga opisyales ng Malacanang sa paghihintay na sila ay matanong.
Sinabi din ng Pangulo ang ganito: “We do not question the authority and the power of the Senate to investigate in aid of legislation. But alam mo kasi, nakita ko na pinapatawag ninyo almost so many persons and yet you only able to put the resource person for five, six, seven hours, ‘yung iba naghihintay na wala namang silbi, and yet the subpoenas are repeated every hearing at pinapatawag sila and they get most of the DOH officials in these morning hearings, they are all there doing nothing…”
Idinagdag din niya ang mga sumusunod: “Mahirap ‘yang ganyan pinapatawag niyo, pabalik-balik tapos di naman niyo nayu-utilize ang testimony… This time, I will require every Cabinet member to clear with me any invitation and if I think, that he will be called for walang silbi except to harass, to be berated in front of the republic, eh hintuin ko na yan at pagbawalan ko na …”
Sa mga nagmamasid sa mga balita, ito ay reaksiyon ng Pangulo sa nagaganap na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa 2020 Audit Report ng Commission on Audit. Ayon sa report na ito, nawaldas ang halos P67 bilyong pisong pondo ng Department of Health, o DOH, na nakalaan upang labanan ang COVID 19 pandemic sa Pilipinas.
Lumilitaw sa Senate investigation na pinamumunuan ni Blue Ribbon Chairman Senator Richard Gordon, at nilalahukan nina Senators Panfilo Lacson at Franklin Drilon. Sa pagdinig ng Senado kahapon, Lunes, lumitaw na nagamit sa overprice ang halos P47 bilyong pisong bahagi ng DOH COVID 19 funds na ibinili ng mga COVID 19 supplies.
***
PAGBABAWAL NG PANGULO SA GABINETE NA HUMARAP SA SENATE HEARINGS, DAPAT MAY MATINDING BATAYAN: Sa kaso ng Duterte adviser na si Pangulong Arroyo noong 2006, naglunsad ang Senado, sa ilalim noon ni Senate President Franklin Drilon at ng namayapa ng Senador Juan M. Flavier, ng isang imbestigasyon sa nailulat sa naging privilege speech ng dating Senador Juan Ponce Enrile.
Ayon noon kay Enrile, nagkaroon ng korapsiyon sa proyekto ng gobyernong Arroyo sa North Luzon Railways Corporation, dahil sa mga overpriced materials na binili ng Arroyo government sa isang ahensiya ng Chinese government, ang China National Machinery and Equipment Group.
Sa nasabing imbestigasyon, ipinatawag ng Senado ang mga mataaas na opisyales ng Pangulong Arroyo upang hingan ng liwanag sa mga pagbubunyag ni Enrile. Doon inilabas ni Arroyo ang kaniyang Executive Order 646, kung saan ipinagbawal niya sa kaniyang mga Cabinet secretaries ang humarap sa nasabing mga imbestigasyon kung wala siyang clearance. Pareho ang mga pagbabawal na ito ni Arroyo noong 2006 sa mga pagbabawal ni Duterte ngayong 2021.
Sa kaniyang desisyon noon, niliwanag ng Korte Suprema na hindi akma sa Saligang Batas ang ginawang pagbabawal ni Arroyo sa kaniyang Executive Order 464. Bagamat kinikilala ng hukuman na may karapatan nga ang ehekutibo na huwag magbigay ng mga impormasyon sa mga imbestigasyon ng Senado at Kongreso, mayroon namang maliwanag na kondisyon ang pagbabawal na ito.
Gamit ang mga desisyon ng US Supreme Court at ng Philippine Supreme Court, sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na kailangang ipakita ng pangulo ng bansa na may tunay na mabigat na dahilan sa kaniyang pagbabawal. Ang kinikilalang mabibigat na dahil na magpapahintulot sa pangulo na ipagbawal ang pagharap ng kaniyang mga Cabinet Secretaries sa Kongreso ay kung mga state, military, at diplomatic secrets ang pag-uusapan, o di kaya ay yung mga bagay na tinalakay sa sinasabing closed-door Cabinet meetings.
Kung walang ganitong dahilan ang pagbabatayan ng pangulo sa kaniyang pagbabawal, o di kaya ay ang pagbabawal ay ibabatay lamang sa sinasabi ng pangulo, labag sa batas ang kaniyang gagawing pagtanggi, dagdag pa ng Korte.
***
REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, https://ift.tt/3jq7483, https://ift.tt/2Vmhld1, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.
The post Pagbabawal sa Gabinete na humarap sa Senado, ‘di ayon sa batas appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: