Facebook

ICC, maaring magpataw ng parusa pag di humarap si Duterte

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ang lahat ng ating mga gawa, hayag man o lihim, mabuti man o masama, ay ipagsusulit natin sa Diyos…” (Mangangaral 12:14, Ang Tanging Daan Bibliya).

***

ICC, MAAARING MAG-UTOS NG KULONG SA PANGULONG DUTERTE KUNG DI SIYA HAHARAP SA IMBESTIGASYON: Puwede ngang hindi harapin ng Pangulong Duterte ang imbestigasyong gagawin ng International Criminal Court tugkol sa sinasabing “crime against humanity of murder” at mga extra-judicial killings sa madugong kampanya ng kaniyang gobyerno kontra droga, pero pag ginawa niya iyon, tiyak papatawan siya ng ICC ng parusang pagkakabilanggo.

Ayon sa mga dalubhasa sa batas na nakausap ng Kakampi Mo Ang Batas noong Huwebes, ika-16 ng Setyembre 2021, mangyayari ito kasi, pag hindi ipaglalaban ng Pangulo ang kaniyang panig, tanging ang mga katibayan lamang ng mga nagrereklamo na napatay ang kanilang mga kamag-anak sa drugs war in Duterte ang maihaharap sa ICC.

Pag nagkataon, dahil ang mga ebidensiya lamang ng mga nagrereklamo ang papasok sa ICC, at walang katibayan sa panig niya, walang ibang sisihin ang Pangulo kung masesentensiyahan siya ng ICC kundi ang kaniyang sarili lamang.

Noong gabi ng Miyerkules, Setyembre 15,2021, lumabas ang mga ulat mula sa The Hague sa Netherlands, ang lugar sa Europa kung saan nakatayo ang headquarters ng ICC, na nakakita ang mga prosecutors o mga taga-usig ng International Criminal Court ng sapat na batayan upang magbukas ang pandaigdigang hukuman ng isang imbestigasyon.

Kinatigan ng mga hukom ng ICC ang nasabing imbestigasyon ng mga prosecutors. Ayon sa mga ulat, kinilala ng mga ICC judges na may posibleng krimen ng “murder as a crime against humanity” ang naganap sa Pilipinas, hindi na lamang noong panahong pangulo na si Duterte ng bansa kundi maging noong mayor pa lamang siya sa Davao City.

***

ICC, ITUTULOY ANG IMBESTIGASYON SA DRUGS WAR NG PANGULONG DIGONG: Pinayagan ng mga hukom ang imbestigasyon sa mga patayang naganap sa Pilipinas sa pagitan ng November 01, 20211 hanggang March 17, 2019. Sa mga balitang nakarating sa Kakampi Mo Ang Batas, lumilitaw na naniniwala ang mga ICC judges na, sa wikang Ingles, “the so-called ‘war on drugs’ campaign cannot be seen as a legitimate law enforcement operation but it actually amounted to a systematic attack on civilians.”

Sa Pilipino, ganito po ang iniulat na pahayag ng ICC judges: ang tinaguriang “digmaan kontra droga” ay hindi maituturing na lehitimong pagkilos ng mga alagad ng batas, kundi isa itong marahas at pinagplanuhang paglusob sa mga sibilyang Pilipino.

Nilinaw din ng ICC judges na bagamat opisyal na kumawala ang Pilipinas mula sa ICC noong 2019, nananatili pa din ang karapatan ng ICC na imbestigahan at litisin ang mga pagpatay sa panahong ang bansa ay kasapi pa ng pandaigdigang hukuman. Ipinahayag ng ICC na ang mga lilitisin nitong mga pagpatay ay naganap sa pagitan ng mga panahong mayor at pangulo na si Duterte.

Bilang tugon ng Pangulong Duterte sa pagbubukas ng ICC ng isang pormal na imbestigasyon sa kaniyang mabalasik na war on drugs, muling ipinahayag ng Malacanang na hindi haharap ang Pangulo sa nasabing imbestigasyon o paglilitis.

Inulit din mga tagapagsalita ng Pangulo na hindi na kasi bahagi ng ICC ang Pilipinas ngayon, at, dahil diyan, wala ng karapatan ang ICC na litisin si Duterte. Pero, agad namang nagpayo ang ilang mga dalubhasa na huwag basta na lamang babalewalain ng Pangulo ang gagawing imbestigasyon laban sa kaniyang war on drugs.

***

Mawawala kasi ang pagkakataon ng Pangulo na pabulaanan ang mga akusasyon laban sa kaniya, ayon sa mga legal experts. Mas makakabuti sa Pangulo na makibahagi sa ICC trial, upang kahit papaano ay makapag-sumite siya ng mga patunay na hindi isang murder as a crime against humanity ang naganap kundi isang legitimate government operation na ang layunin ay puksain ang sumpa ng droga sa bansa.

Ang magiging imbestigasyon ng ICC laban sa gobyernong Duterte tungkol sa drugs war nito ay nauna ng inirekomenda ng noon ay ICC Prosecutor Fatou Bensauda. Hindi na konektado si Bensauda sa ICC ngayon, matapos ang panahon ng kaniyang panunungkulan bilang taga-usigng hukuman.

Ginawa ni Bensouda ang rekomendasyon laban sa gobyernong Duterte gamit ang mga pahayag ng mga pamilya ng mga taong sinasabing nabiktima ng extra-judicial killings sa Pilipinas, at maging ng mga opisyal na dokumento na inilabas ng gobyernong Pilipino.

Binanggit din ni Bensauda sa kaniyang rekomendasyon na hindi itinanggi ng mga opisyales ng gobyernong Duterte ang mga pagpatay, bagkus, sinasabi nilang napatay ang mga sangkot sa pagtutulak ng droga dahil ang mga ito ay “nanlaban”. Ang problema lamang sa pahayag na ito ng mga authoridad sa Pilipinas, dagdag pa ni Bensauda, may mga matibay na ebidensiya nagpapakita na hindi lumaban ang mga biktima kundi napatay sila ng walang awa.

***

ANG LAHAT NG GAWA NG TAO IPAGSUSULIT NIYA SA DIYOS: Sa panig naman ng mga nagmamatyag ng mga kalakaran sa kasaysayan ng Pilipinas, naniniwala silang pagpapatotoo ang nagaganap ngayon sa ICC at sa imbestigasyong isasagawa nito laban sa gobyernong Duterte tungkol sa mga pagpatay dahil sa kampanya sa droga.

Ipinunto ng mga political observers na noon pa man ay pinag-iingat na ang lahat ng tao sa katotohanang walang anumang gawa ang tao, hayag man o lihim, mabuti man o masama, na hindi tutuusin ng Diyos sa Kaniyang panahon.

Dapat maunawaan ng mga tao na ang mga hindi nakikinig at hindi sumusunod sa mga utos ng Diyos, at nagpapasasa sa kapangyarihang naipagkaloob sa kanila, ay papatawan ng tatlong parusa, kasama ang kanilang mga anak hanggang sa ika-apat na salinhali. Ang tatlong parusa ng Diyos ay ang buhay na mahirap, magulo, at laging bigo sa lahat ng bagay; ang parusa ng apoy sa Araw ng Panginoon, at, huli, ang parusa ng apoy at uod sa buhay na walang hanggan.

***

REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, https://ift.tt/3jq7483, https://ift.tt/2Vmhld1, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.

The post ICC, maaring magpataw ng parusa pag di humarap si Duterte appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
ICC, maaring magpataw ng parusa pag di humarap si Duterte ICC, maaring magpataw ng parusa pag di humarap si Duterte Reviewed by misfitgympal on Setyembre 16, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.