HINDI humihingi ng pondo sa pambansang pamahalaan ang mga tinatawag na GOCCs/GFIs upang patakbuhin ang operasyon nito bilang isang institusyon. Sa halip ito ang gatasan ng pamahalaan upang tustusan ang marami nitong programa mula kalusugan hangang serbisyong bayan. Karaniwan sa GOCCs/GFIs ang may transaksyon sa pambansang pamahalaan hindi upang humingi ng ayuda kundi ang tumulong at magbigay ng pondo. Sinusunod nito ang alituntunin kung paano binuo ang isang opisina upang malaman ni Mang Juan na may ganitong uri ng opisina ang pamahalaan. Bukas ito sa lahat ng uri ng transaksyon at may taunang pag-audit ang COA sa lahat ng pinasukang transaksyon maging sa pangaraw-araw na ginagawang pagpapagasolina hangang sa lahat na tinatangap ng mga kawani.
Sa pagpasa ng batas na RA 10149 o ang GOCCs Governance Act of 2011, maganda ang layunin na magkaroon ng tuwirang ahensya na titingin sa operasyon ng mga GOCCs/GFIs upang makita kung may pagmamalabis. Maganda ang layunin, subalit palpak ang kaganapan dahil marami sa ginagawa ang hindi na naipapatupad dahil kailangan ng basbas sa puno ng Balite sa Malacanan. Ito ang ginagawang dahilan ng GCG sa pagkabalam ng maraming pag-aayos sa halip na tuwiran ang pagpapatupad. Resulta pagtagal ng mga transaksyon nag-aantala sa mga pagbabago. May mga korporasyon nabuwag, may tumatag dahil sa lapit sa mga taga GCG lalo’t sa mga appointee/s na tuwirang inilagay ng mga namumuno sa bansa. At yung mga natira mula sa dating pangulo, hayun sinibak at kinondena kahit walang anomalya.
Sa pagpasok ng Inferior Davao Group, may negatibong pananaw si Totoy Kulambo sa mga GOCCs/GFIs na may mataas na sahod kumpara sa mga LGUs at Line Agency. At kagyat na naglahad na walang mangyayaring pagtaas ng mga sweldo sa mga korporasyong ito. Sa dami ng sinabi ni TK, ito ang nag-iisang naganap. Masasabi ang nabuong kaisipan na mataas ang mga sahod na tinatangap ng mga taga GOCCs/GFIs may magkahalong tama at mali. Tama dahil patuloy na malaki ang pagitan ng mga sahod ng mga bosing, lalo yung mga naitalaga ni TK kumpara sa mga rank-and-file. Bukod sa mataas na sahod saksakan ng dami ang natangap na mga allowances lalo sa mga pagpupulong na dinadaluhan. Sa dalas ng pulong, parang langit na ang layo nito sa mga tinatangap ng mga kawani.
Hindi pa pinag-uusapan kung saan-saan ginagawa ang mga pulong. Napakasasarap ng mga buhay ng mga ito na todo serbisyo ang binibigay ng mga rank-and-file employees na tumatayong mga secretariat. Maraming takits at iya’y totoo, subalit kabaligtaran ito sa rank-and-file employees na umaasa lang sa sahod. Sa mga datos na nakalap, umaabot sa higit na P16M kada taon ang kinikita ng mga bosing sa malalaking korporasyon ng pamahalaan. Liban dito, may benepisyong tinatangap sa ibang korapsyon este korporasyon na kinabibilangan bilang kinatawan ng kanilang opisina. Diba, hayahay ang buhay.
Samantala, may sumasahod na kawani ng mga korporasyon na P16K o higit sa buwanang sahod. Mula ng pumasok ang GCG sa eksena noong 2011, napaka walang puso nitong ipinako ang mga sahod ng mga rank-and-file na kinain ng implasyon o pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang halaga nito. Walang umentong naganap noon hangang ngayon sa patuloy na pagsusuri upang hindi maging mataas sa paningin kung ibabanga sa sahod ng mga kawani sa LGUs/LAs.
Subalit sa katotohanan, labis na lumayo ang sahod ng mga line agency/ies sa mga GOCCs/GFIs dahil sa ilang ulit na tumaas ang sahod dahil sa SSL. Maraming ulit itong nagyari sa loob ng 10 o 11 taon, samantalang alang galaw ang sahod ng mga taga korporasyon. Oo, hayahay ang buhay ng mga bosing sa mga korporasyon ngunit hindi ang mga rank-and-file na tuwirang nagpapalakad sa mga opisinang ito. Hindi na nga mag-abot ang sahod sa pangangailangan.
Sa hiling ng mga kawani ng GOCCs/GFIs sa Governance Commission, nagpasa ito ng pakete na magbibigay umento sa sahod ng mga rank-and-file sa tangapan ng puno ng Balite sa Malacanan. Subalit, tila hindi ito maibibigay ng sabihin ni Haring Shokey na walang aasahang umento sa sahod ang mga ito. Gayung dumaan sa pag-aaral ng mismong ahensya na inatasan ng batas na mag-aral sa kagalingan ng mga korporasyon, para saan pa ang GCG? Ang masakit, nadamay sa maling kaisipan ng buwang ng Davao na mataas ang sahod ng taga GOCC/GFIs gayung kalahati lang ito katotohanan. Sa ngayon, masasabing mataas na ang sahod ng line agency/ies kumpara sa mga GOCCs/GFIs gayong umaasa ito sa appropriation.
Sa hinihintay na umentong walang katiyakan, ibig ipabatid ng mga kawani ng GOCCs/GFIs na walang ilalabas na pondo ang pamahalaan kung papayagan nito ang kanilang kahilingan. Sa halip ito’y manggagaling sa sariling pondo ng mga korporasyon. Nais nilang ipabatid, na ang mga GOCCs/GFIs ang nag-aambag sa kaban bayan upang magamit sa mga programa ng pamahalaan. Malungkot man sabihin, na ang mga pondong inaambag ng mga korporasyo’y hindi malinaw kung saan napupunta o nagagamit. At ang hinihinging umento’y tuwirang magagamit ng mga pamilya ng mga obrero sa pag-aaral, pagkain at pangkalusugan ng pamilya, ito ang ipinagkakait ng pamahalaang walang puso.
Hindi pa tapos ang laban ng mga taga GOCCs/GFIs sa ngalan ng KAMAGGFI, patuloy na umaapela kay TK na imulat ang pikit na mata na hindi kailangan kargahin ng mga rank-and-file ang magarbong benepisyo ng mga opisyal. Umaapela’t hindi nanlilimos na matangap ang tamang kompensasyon sa ambag na pagpapanatiling naka angat ang pamahalaan sa kabila ng mga katiwalian. Umaapela’t hindi limos na panahon na upang matangap ang umento sa pinakitang katapatan sa pamahalaan kahit sa loob ng 10 taon na walang umento’t patuloy na nagsilbing may dignidad at kagalingan. Hindi kinakitaan ng katamaran sa halip pagsisikap na masilbihan ang bayan at mag-ambag sa kaban ng bayan para sa kapanatagan.
Sa walang pusong namumuno buksan ang mata ng matanaw na napapanahon nang bigyan umento ang mga kawani na matagal ng walang natikmang kalinga sa pamahalaan. Magsasagawa ng isang Black Friday Protest ang mahigit na 200K kawani ng GOCCs/GFIs upang muling ipaabot ang hinaing na umento sa puno ng Balite sa Malacanan. Sana’y tamaan ng kidlat ang natutulog na si TK ng magising at hakbangan ang umentong 10 taon na ipinagkait.
Maraming Salamat po!!!
The post Walang puso appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: