Facebook

Maling pagbasa

WALANG matinong pagbasa sa martsa ng kasaysayan ang kampo ni Rodrigo Duterte. Sa kanilang maling akala, magagawa nila ng ganoon kasimple at kadali ang bawat nais nila. Kaya madali nila naisubo bilang plataporma de gobyerno ang agarang paglipol sa mga taong sangkot umano sa ilegal na droga.

Labis na pinalaki ang usapin ng droga noong kampanya sa halalan ng 2016. Dahil hindi nasuri ng ganap ng mga mamamayan ang iba’t ibang anggulo ng isyu, magaan na nanalo si Duterte. Umpisa ito ng kalbaryo ng sambayanang Filipino. Hindi ito maintindihan ng maraming Filipino na ang buong akala langit ang gobyerno ni Duterte at super-galing siya.

Hindi nagtagal, nag-umpisa ang mga galamay ni Duterte na paslangin ng maramihan ang mga taong pinaghinalaan na sangkot sa droga. Ginamit ang mga pulis at barangay. Nilansi ang marami na sumuko, ngunit biglang papatayin ng walang paliwanag. Walang nagawa ang marami kundi magmatyag habang inuubos sila ng mga bataan ni Duterte. Walang pangingibaw ng batas. Si Duterte ang batas.

Mabuti at naisip ni Sonny Trillanes at Gary Alejano na dalhin ang isyu sa International Criminal Court (ICC). Noong huling tatlong buwan ng 2016, naisip ni Trillanes at Alejano na hindi susulong ang bansa kung puro patayan ang gagawin ni Duterte. Naisip nila na isakdal si Duterte, ngunit alam nila na walang mangyayari kung sa hukumang lokal lamang.

Sumagi sa kanilang isipan na dalhin ito sa ICC, ang pandaidigang hukuman ng itinatag sa ilalim ng tratadong Rome Statute. Sa ICC dinadala ang mga isyu ng war crimes, genocide, ethnic cleansing, at crimes against humanity ng mga abusadong lider. Ang ICC ang huling baraha kapag pumalpak na ang sistemang legal ng isang bansa. Hind basta malulutong makaw ang isyu na dadalhin nila sa ICC. Hindi nabibili ang ICC.

Naisip ang crimes against humanity bilang sakdal sa mga unang lider ng Nazi Germany na sumailalim sa Nuremberg Trials noong 1945. Nilitis ng isang hukuman na binuo ng nanalong puwersa ang mga pangunahing lider ng Nazi Germany. Tampok na akusasyon sa mga lider Nazi na pinangunahan noon ni Hermann Goehring. pangalawa kay Adolf Hitler, ang pagpaslang sa tinatayang anim na milyon na Hudyo noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Labindalawa sa 27 akusado sa Nuremberg Trials ang nahatulan ng kamatayan. Binitay sila.

Bago ang crimes against humanity noon. Naisip ng mga manananggol sa international law na litisin ang mga lider ng Nazi Germany sa kanilang mga krimen sa mga sibilyan, partikular ang mga Hudyo sa Europa na sistematikong pinuksa sa utos ni Adolf Hitler.

Sa sumunod na panahon, sinakop ng crimes against humanity ang mga pinapatay, binibigyan sa matinding torture (bugbog), ginagawang alipin, ipinapatapon sa ibang lugar (deportation), at isinasailalim ng hindi makataong trato. Hindi ito tulad ng ibang war crimes (krimen sa giyera), maaaring gawin ang crimes against humanity kahit sa panahon ng katahimikan at madalas na sibilyan ang biktima.

Ginamit ito sa pag-usig at paglitis ng International Criminal Tribunal for Yugoslavia (ICTY) kay Slobodan Milosevic, ang lider ng Serbia na pumuksa at nagtaboy sa populasyon Albaniko sa Kosova, isang bahagi ng nabuwag na Yugoslavia. Siya ang itinuturing na responsable sa pagpatay sa halos 300,000 Bosnian sa tinawag na “ethnic cleansing” sa dating Yugoslavia. Nilitis si Milosevic mula 2002 at natapos ito ng namatay siya sa sakit (atake sa puso) sa kulungan noong 2006.

Dahil sa mga karanasan sa Pangalawang Digmaang Pandaigdig at Yugoslavia, binuo ng maraming bansa ang Rome Statute, ang tratado na nagbigay daan sa pagsilang noong 2002 ng International Criminal Court (ICC). Ito ang pandaigdigang hukuman na lumilitis sa mga lider ng bansa na isinakdal ng crimes against humanity.

Kasapi ang Filipinas sa Rome Statute, ngunit binawi ito ni Rodrigo Duterte noong ika-19 ng Marso, 2019 na matapos akusahan nina Sonny Trillanes at Gary Alejano ng crimes against humanity noon 2017 dahil sa madugo ngunit nabigong digmaan kontra droga. Inakala ni Duterte na hindi itutuloy ng ICC ang pagsulong ng sakdal ngunit nabigo siya.

***

INAKALA ni Duterte at mga tagapayo na basta lamang ang usapin ng maraming pagpatay. Hindi niya alam ang pag-inog na panahon ng sistemang pangkatarungan sa buong mundo. Lipas na sa panahon ang mga patayan. Lumawak na ang sistemang pangkatarungan at hindi basta pumapatay ng walang pag-uusig sa huli.

Tahimik na uminog ang mundo at inilagay ang mga batas at kalakaran na ang pangunahing layunin ay gawing moog ang kaayusang pangmundo ang karapatang pantao. Nagkulang ng unawa si Duterte at mga kakampi na ito na nga ang martsa ng kasaysayan. Maaari kang pumapatay ngunit pagbabayaran mo ito. Ito ang bagong mundo.

Nagtanong ang maraming netizen sa amin kung ano ang maaasahan sa ICC at kung talagang uusigin si Duterte at mga kasapakat sa kanilang malawakang pagpatay sa ilalim ng madugo ngunit bigo giyera kontra droga. Ipinangangalandakan kasi ni Harry Roque na matutulog lamang ang kasi kahit walang naman siyang batayan o sapat na pag-unawa sa isyu.

Maraming hindi inaasahan ang maaaring mangyari sa pormal na imbestigasyon ng ICC. Noong 1946, ginulat ang mga akusado sa unang Nuremberg Trials nang iharap sa kanila ang mga film clips at larawan ng mga Hudyo na pinuksa sa iba’t ibang concentration camp ng Nazi Germany sa mga nasakop na bansa sa Europa tulad ng Poland at Czechoslovakia. Marami sa mga nilitis na lider Nazi ang hindi makapaniwala, napahagulgol ng iyak, at bumagligtad at nasuka ng makita nila ang mga hindi makataong pagpatay at pambubugbog sa mga Hudyo.

Matindi ang nangyari kay Milosevic sa ICTY. Sa buong panahon na sumailalim siya ng paglilitis, nagsulputan ang maraming saksi na karamihan ay sibilyan at pawang naglahad ng karanasan sa “ethnic cleansing” ng puwersa ng Serbia. Kahit si Milosevic ay nagulat sa mga testimonya at lalim ng kanilang hinaharap na ebidensya kontra Milosevic at puwersa ng Serbia.

Hindi makabago ang teknolohiya sa panahon ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Hindi maihahambing sa kasalukuyang teknolohiya ang lagay ng teknolohiya noong mabuwag ang Yugoslavia noong mga 1990. Ngunit nagsulputan ang mga ebidensiya na nagdiin sa mga lider Nazi, at Milosevic at mga kasama ng crimes against humanity. Lingid sa kaalaman, tuloy tuloy ang dokumentasyon ng kanilang krimen. Iniharap ang mga iyon sa takdang panahon at forum.

Iyan ng nakikita namin sa mga susunod na panahon. Palihim na kinalap at ng binuo ng mga pamilya ng mga biktima ng EJK, Commission on Human Rights (hindi ito hawak ni Duterte), civil society at komunidad ng mga NGO, at iba pang organisasyon na may komitment sa karapatang pantao, lokal o pandaigdigan, ang mga dokumentasyon at ebidensya upang idiin si Duterte at mga kasapakat sa crimes against humanity.

The post Maling pagbasa appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Maling pagbasa Maling pagbasa Reviewed by misfitgympal on Setyembre 16, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.