PINASALAMATAN at pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglagda para ganap nang maging batas ang Republic Act No. 11589 na nagbibigay ng mandato sa Bureau of Fire Protection na isaayos o palakasin ang fire protection modernization program sa bansa.
Si Go ang principal author at co-sponsor ng Senate Bill No. 1832 kung saan ibinase ang batas.
“As the principal author of the bill, I just want to thank the President for signing into law the BFP Modernization Act. This is one of the priority bills I filed in my first month as Senator,” ani Go.
Sa pagsasabatas ng kanyang panukala, sinabi ni Go na maipagpapatuloy na ng pamahalaan ang modernisasyon at mapalalakas ang kakayahan ng fire bureau lalo’t nakasalalay dito ang buhay at ari-arian ng mga Filipino.
“Importante po na mabigyan ng suporta ang modernization ng ating Bureau of Fire Protection dahil napakaimportante ng tungkulin na ginagampanan nila upang makapagligtas ng buhay,” ani Go.
“Halos linggo-linggo po akong bumababa sa mga nasusunugan. Nakikita ko po ang hirap ng ating mga kababayang nasunugan. Kahit isang bahay lang po ang masunog, damay po pati ang kapitbahay. Maraming pamilya ang apektado. Kaya po dapat lang na palakasin ang kapasidad ng BFP sa pagresponde sa sunog,”idinagdag ng senador.
Sa ilalim ng RA 11589, mandato ng BFP na i-develop at iimplementa ang fire protection modernization program, kabilang na rio ang pagbili ng mga modernong kagamitan na pamatay-sunog, pagpapalakas ng mga tauhan at paglulunsad ng specialized training ng mga tauhan.
“Hindi lamang po ang pag-modernize ng ating equipment ang makatutulong sa paglaban sa mga sunog. Mahalaga rin dito ang fire safety education. ‘Yung atin dito, kung papaano i-prevent at maturuan ang mga kababayan natin kung papaano ba maiiwasan ang mga sunog,” ipinunto ni Go.
“‘Yung mga maliliit na bahay, bantayan at turuan rin natin para maiwasan ang ganitong insidente. Kadalasan dito sa mga maliliit talaga at mga liblib na lugar nagkakasunog,” anang senador.
Tiniyak ni Go na kahit anumang problema ang hinaharap—sunog, lindol, baha, pagputok ng bulkan o kahit anong klaseng krisis—ay nakahanda siyang tumulong at magserbisyo.
‘Huwag kayo mawawalan ng pag-asa dahil hindi kayo pababayaan ng gobyerno na palaging nagmamalasakit sa inyo,” idiniin ni Go.
The post Isa sa priority bills ni Bong Go… BFP MODERNIZATION ACT, ISINABATAS NA NI PDU30 appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: