WALA na talagang atrasan ang pagtakbo nina Senators Panfilo Lacson at Vicente Sotto III sa 2022 elections.
Aba’y pinagbigyan ng dalawa ang mga humihimok sa kanila na sumabak muli sa matinding laban matapos ilunsad ang kanilang kandidatura para sa susunod na taon.
Ibabalik daw nila ang kaayusan sa bansa, kumpiyansa sa mga institusyon, at wawakasan ang mga mali sa gobyerno.
Si Lacson ang tatakbong Pangulo habang Bise naman si Sotto.
Kung hindi ako nagkakamali, sila ang unang tandem na naglunsad ng kandidatura ngayong taon.
Sa Oktubre 1 pa ang filing of Certificates of Candidacy (COC) pero mas maigi na ring nagdeklara sila para hindi raw magkalituhan.
Sa pamamagitan nito, malalaman nila kung gaano kalakas ang suporta ng masa sa kanila.
Ayon mismo kay Sotto, panahon na para itama ang mga mali at ito na raw ang simula.
Sabi naman ni Lacson, ang tamang pamumuno ay dapat pangunahan ng leadership by example at hindi lang sa salita kundi sa gawa.
Wala raw lider na magtatagumpay kung hindi niya isinasabuhay o ginagawa kung ano ang kanyang mga tinuturo.
Si Pia Guanio, long-time co-host ni Sotto sa noontime show na “Eat Bulaga!”, ang naging host ng pre-taped show na inilabas kamakailan sa telebisyon, radyo, at online news platforms nationwide.
Dala nina Lacson at Sotto ang tagline na “Katapangan, Katapatan at Kakayahan” (Loyalty, Integrity at Ability) na ibabase raw sa kanilang deka-dekadang karanasan sa serbisyo publiko.
Nagsimula si Lacson sa kanyang government career noong 1971 bilang intelligence officer at kalauna’y naging hepe ng Philippine National Police (PNP) mula 1999 hanggang 2001.
Si Sotto naman na dating aktor at music producer ay unang pumasok sa public service noong 1988 bilang Quezon City vice mayor.
Makaraan ang isang termino sa lokal na pamahalaan, naging senador siya noong 1992.
Hindi naglaon, itinalaga rin siya bilang chairman ng Dangerous Drugs Board sa ilalim ng Arroyo administration.
Nang bumalik naman siya sa Senado taong 2010, naging Senate President si Sotto at isa sa mga mambabatas na nanungkulan nang matagal sa chamber.
Sina Lacson at Sotto na bahagi raw ng “Macho bloc” sa Upper House ay suportado ng Nationalist People’s Coalition (NPC) na konektado naman kina late billionaire Eduardo “Danding” Cojuangco at business tycoon Ramon Ang.
Ang tambalang Lacson-Sotto ay inendorso raw ng Partido para sa Demokratikong Reporma.
Dahil sila ang unang naglunsad, aba’y malamang ay sila rin ang unang maghahain ng kandidatura sa susunod na buwan.
Hindi biro ang laban nina Lacson at Sotto dahil kung matutuloy sina Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio, dating Sen. Bongbong Marcos, at Vice President Leni Robredo ay kabilang ang mga ito sa mga presidentiables na makakasagupa nila.
Hindi pa kasama riyan sina Senators Bong Go, Manny Pacquiao, at Dick Gordon, at Manila Mayor Isko Moreno na kung pagbabasehan ang mga ikinikilos ay target din ang matataas na posisyon.
May mga nagsasabi naman na hindi makabubuti sa PDP-Laban ang pagkakabiyak nito sa dalawang paksiyon.
Well, ilang linggo na lang ay aarangkada na rin naman ang filing ng COC pero marami pang posibleng mangyari.
Kaya abangers na lang muna siguro tayo!
The post LACSON-SOTTO TANDEM SA 2022 POLLS TIYAK DARAAN SA BUTAS NG KARAYOM! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: