NAPATUNAYANG muli na si Quezon City Mayor Joy Belmonte pa rin ang siyang pinagkakatiwalaan ng mga taga-lungsod na mamumuno at magsagawa ng mga programa at mga polisiya na makabubuti sa lahat ng mamamayan ng Quezon City.
Sa inilabas na ‘independent survey’ na isinagawa ng RP-Mission and Development Foundation Inc. nitong September 6, 2021, nangunguna pa rin ang pangalan ni Mayor Joy sa mga pinagkakatiwalaang opisyal ng lungsod.
Kung gaganapin nga raw ang halalan sa ngayon, para sa pagka-punong-lungsod, limamput-pitong prosiyento (57%) ng mga botante ay mananatiling iboboto pa rin ang nag-iisang anak na babae ng dating Quezon City Mayor at House of Representative Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte.
Malayong pumangalawa kay Mayor Joy ang dating punong-lungsod na si Herbert Bautista na may dalawamput-apat na porsiyento (24%) lamang.
Ang mapagtuligsang kongresista na si Anakkalusugan Partylist Representative Michael “Mike” Defensor ay nasa malayong pangatlong posisyon lamang, nang makakuha ito ng labing-apat na porsiyento (14%) lang sa nasabing survey.
Matatandaang inakusahan ni Defensor kamakailan lamang ang pamunuan ni Belmonte ng ibat-ibang katiwalian sa paghawak ng mga pondo para sa pandemyang dulot ng virus na Covid-19 at inatasan ang Commission on Audit (CoA) na tingnan at imbestigahan ang kanyang mga alegasyon.
Para naman kay Atty. Orlando Casimiro, hepe ng Legal Department ng Quezon City, ang mga patutsada ni Defensor ay pamumulitika lamang dahil nais nitong maging mayor ng lungsod.
“Papalapit na ang eleksiyon, muling naglabasan na naman ang mga walang katotohanang alegasyon tungkol sa lokal na pamahalaan ng Quezon City, na pinapakalat ng mga nais kumandidato sa darating na halalan. Gusto rin po naming ipaalala na ang CoA mismo ang mabusising sumusuri ng ating mga gastusin, at sa kanilang audit nakita nila na lahat po ng ating mga transaksyon ay above board at binigyan pa tayo ng pinakamataas na marka sa buong kasaysayan ng QC. Tayo po ang unang administrasyon sa lungsod na nabigyan ng karangalan na ito dahil sa ating istriktong pagsunod sa mga polisiya at sa kultura ng maayos na pamamalakad na ating ginagampanan mula noon pang manungkulan si Mayor Belmonte.,” paliwanag ni Casimiro.
NO. 1 DIN SA MM
Isa pang naunang survey ng RP-Mission and Development Foundation Inc. ukol naman sa pagganap ng mga mayor sa kanilang mga tungkulin, nangunguna din si Mayor Joy Belmonte sa lahat ng mga mayor sa Metro Manila.
Ang nasabing “NCR Mayors: Performance Survey 2022 Elections: Voters Preference for NCR Mayors” ayon sa foundation ay ginawa noong August 1 hanggang 10, kung saan 5,750 katao ang tinanong sa survey.
Lumabas na resulta na 86% ng mga taga-National Capital Region (NCR) o Metro Manila ay tiwalang nagagampanan ni Mayor Belmonte ang kanyang mga sinumpaang tungkulin.
Pumangalawa sa Mayora sa nasabing survey si Manila Mayor Isko Moreno (85%) at pangatlo naman si Pasig City Mayor Vico Sotto (83%).
The post MAYOR BELMONTE NO.1 PA RIN SA QC appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: