Facebook

Ospital ng probinsya ng Quezon nagpapabaya, mga labi ng mga pumanaw sa Covid-19 naaagnas na!

NAKABABAHALA ang sitwasyon sa Quezon Medical Center, isang pampublikong ospital na pinapatakbo ng lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Quezon, kung saan ang mga labi ng mga pumanaw sa Covid-19 ay pawang nakatiwangwang lamang sa mga pasilyo at naaagnas na dahil sa hindi maayos na pagaasikaso ng pamumunuan ng nabanggit na ospital.

Batay sa mga larawan na ipinadala ng isang maaasahang impormante, ang mga bangkay ay ipinasok lamang sa mga body bags at hinahayaang mabulok sa naturang ground floor ng Annex Building ng Quezon Medical Center.

Ayon sa saksi, hindi na kaayaaya ang kalagayan sa nasabing pampublikong pasilidad na kung saan sa unang palapag na mismo ng ospital nakalagak ang mga nabubulok na labi katabi ang mga kwarto na kasalukuyan ginagamit bilang silid para sa CT Scan, 2D Echo, at blood bank.

Sa ikalawang palapag naman, na kung saan tanaw na tanaw ang mga labi, ay umabot na ang umaalingasaw na amoy ng mga naaagnas na mga patay. Dito din sa palapag na ito matatagpuan ang stay-in quarters ng mga nurses na naka-duty at mga silid para sa mga nagpopositibo at nagpapagaling sa Covid-19.

Sa third floor naman, kung saan tanaw pa rin ang dugyot na sitwasyon sa ibaba ng gusali, ay matataggpuan ang mga opisina tulad ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), Department of Health (DOH), at ilan pang tanggapan.

Maituturing na isang malaking kahihiyaan at dagok sa pangasiwaan ng ospital, lalu na sa lokal na pamahalaan ng probinsya ng Quezon ang kapabayaan na ito. Ayon sa DILG-DOH Joint Memorandum Circular No. 1 Series of 2020, hindi maaaring patagalin ng higit labing-dalawang oras ang labi ng isang taong pumanaw sa sakit na COVID-19 bago isagawa ang pagsunog o pag-cremate dito dahil sa lubos itong nakapanghahawa. At kung walang kamag anak ang kukuha sa mga labi, inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng agarang pagproseso ng libing o cremation.

Ayon sa isang insider, nagpatawag naman ng pagpupulong ang gobernador ng probinsya na si Governor Danilo Suarez hinggil sa nabanggit na sitwasyon sa Quezon Medical Center. Ngunit ikinadismaya ng nasabing insider na natapos ang pagpupulong na tila walang malinaw at kongkretong solusyon na nailatag. Sa nasabing pagpupulong, tila nagmukhang amateur o walang alam ang Gobernador sa susunod na hakbang na kanyang tatahakin, dagdag pa ng insider.

Batay sa pinakabagong report ng probinsya ng Quezon para sa ika-12 ng Setyembre, nakapagtala ng panibagong 153 COVID cases ang probinsya:

Catanauan – 6, Dolores – 1, Guamaca – 20, Patnanungan – 5, Polilo – 3, Sariaya – 12, Tagkawayan – 6, Burdeus – 7, Calauag – 7, Candelaria – 10, Dolores – 2, Gen Nakar – 4, Infanta – 11, Lucena – 30, Pagbilao – 11, Real – 14, at San Antonio – 4.

Sa kabuoang tala, umaabot na sa 18, 701 ang gumaling sa sakit habang 1,079 naman ang nasawi dahil sa COVID-19 sa probinsya ng Quezon.

The post Ospital ng probinsya ng Quezon nagpapabaya, mga labi ng mga pumanaw sa Covid-19 naaagnas na! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Ospital ng probinsya ng Quezon nagpapabaya, mga labi ng mga pumanaw sa Covid-19 naaagnas na! Ospital ng probinsya ng Quezon nagpapabaya, mga labi ng mga pumanaw sa Covid-19 naaagnas na! Reviewed by misfitgympal on Setyembre 13, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.