NAAAGNAS na umano ang mga nasawi sa COVID-19 sa isang ospital na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Quezon.
Nabatid mula sa isang maaasahang impormante na ang mga bangkay ng mga nasawi sa coronavirus disease sa Quezon Medical Center ay nakatiwangwang umano sa mga pasilyo at nagsisimula ng maagnas dahil sa hindi umano maayos na pag-aasikaso ng pamunuan ng nabanggit na ospital.
Sa mga larawang ipinadala ng isang impormante, ang mga bangkay ay nakasilid na lamang sa mga body bags at iniwan sa ground floor ng annex building ng Quezon Medical Center.
Ayon sa ilang mga saksi, hindi na umano maganda ang kalagayan sa nasabing pampublikong pasilidad, kung saan sa unang palapag na mismo ng ospital nakalagak ang mga nagsisimula ng mabulok na bangkay ng mga nasawi sa COVID-19 na katabi ang mga silid na ginagamit para sa CT Scan, 2D Echo, blood bank.
Tanaw rin mula 2nd floor ng ospital ang mga bangkay na nasa body bags at abot na rin sa nasabing palapag ang umaalingasaw na amoy ng mga ito. Sa 2nd flr. din naroroon ang stay-in quarters ng mga nurses na naka-duty at ang silid ng mga nagpopositibo at nagpapagaling sa Covid-19.
Maging sa ikatlong palapag ng ospital kung saan kita rin ang pasilyong kinalalagyan ng mga bangkay ay abot na rin ang mabahong amoy na dulot nito. Dito rin matatagpuan ang mga opisina ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), Department of Health (DOH) at ilan pang tanggapan.
Ayon sa impormante ay maituturing na isang malaking kahihiyan at dagok sa pangasiwaan ng ospital, lalo na sa lokal na pamahalaan ng probinsya ng Quezon ang kapabayaan na ito.
Sinasaad sa DILG-DOH Joint Memorandum Circular No. 1 Series of 2020, hindi maaaring patagalin ng higit labing-dalawang oras ang labi ng isang taong pumanaw sa sakit na COVID-19 bago isagawa ang pagsunog o pag-cremate dito dahil sa lubos itong nakapanghahawa. At kung walang kamag-anak ang kukuha sa mga labi, ang mga lokal na pamahalaan ay magsasagawa ng agarang pagproseso ng libing o cremation.
Nabatid mula pa sa impormante na nagpatawag na ng pulong ang gobernador ng probinsya na si Gov. Danilo Suarez kaugnay ng sitwasyon sa Quezon Medical Center. Pero wala umanong malinaw at kongkretong solusyon na nailatag sa nasabing pulong. Nagmistula umanong amateur o walang alam ang gobernador sa mga gagawing hakbang at mga susunod pang hakbang.
Base sa pinakahuling datos ng probinsya ng Quezon nitong Sept.12, nakapagtala ng bagong 153 COVID cases ang probinsya.Ito ay sa mga sumusunod: Catanauan – 6, Dolores – 1, Guamaca – 20, Patnanungan – 5, Polilo – 3, Sariaya – 12, Tagkawayan – 6, Burdeus – 7, Calauag – 7, Candelaria – 10, Dolores – 2, Gen Nakar – 4, Infanta – 11, Lucena – 30, Pagbilao – 11, Real – 14 at San Antonio – 4.
Sa kabuuan ay umabot na sa 18, 701 ang gumaling sa sakit habang 1,079 naman ang nasawi dahil sa COVID-19 sa probinsya ng Quezon.
Ang mga labi ng mga nasawi sa COVID-19 sa Quezon Medical Center na tanaw mula 2nd at 3rd floor ng pagamutan.
The post Ospital sa Quezon province, nagpabaya: Mga namatay sa Covid-19, naaagnas na appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: