Pagpapalawak sa COVID-19 vaccine rollout at probisyon ng insentibo ng mga bakunado, apela ni Sen. Go
MULING umapela si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa pamahalaan na pag-aralan ang posibilidad na palawakin pa ang rollout ng vaccination program sa mas malawak na populasyon upang mas mabilis na maprotektahan ang populasyon mula sa COVID-19.
“Yung mga nais nang magpabakuna, huwag nating pabayaan at pag-hintayin pa dahil baka maunahan pa ng COVID-19 ang pagbabakuna nila. Pabilisin na natin ang rollout para mas maraming Pilipino ang maproteksyunan. Tutal, tuluy-tuloy naman ang pagdating ng mga bakuna sa bansa. Balansehin natin ang lahat,” apela ni Go,
Suportado rin ni Go ang kahilingan ng Union of Local Authorities of the Philippines ULAP), na pinamumunuan ni Quirino Governor at ULAP President Dakila Cua, na payagan ang mga local government units (LGUs) na mabakunahan ang kanilang mga constituents kahit hindi pa kasama ang mga ito sa prioritization scheme ng pamahalaan.
Apela pa ni Go, dapat din dagdagan pa ang awareness campaigns at ang probisyon ng insentibo sa mga fully-vaccinated individual para mabawasan ang vaccine hesitancy ng mga tao, partikular na yaong mga nasa malalayo at mga underserved na komunidad.
“Umaapela ako sa ating gobyerno na pag-aralan na ang posibilidad na palawakin lalo ang ating vaccination roll-out sa mas maraming Pilipino bukod pa sa mga kabilang na sa eligible priority groups. Hangga’t kaya ng supply ng ating mga bakuna, baka maaaring buksan na ang rollout sa publiko,” pagpapatuloy pa ni Go, chairman ng Senate Committee on Health.
Sa isang panayam nitong Sabado, sinuportahan din naman ng senador ang paglikha ng vaccine bubbles, dahil makatutulong aniya ang pagbabawas ng restriksiyon sa mga taong fully- vaccinated na, para tuluyan nang mawala ang hesitasyon ng mga mamamayan sa vaccination program.
“I agree sa pag-uusapang—kung maging legal sana ito—magawan ng paraan ‘yung ‘vaccine bubble’ … bigyan (natin) ng insentibo ‘yung mga kababayan natin na ‘pag bakunado, maging mas maluwag ang restrictions sa kanila para maengganyo (‘yung iba) na magpabakuna rin,” aniya pa.
Iminungkahi pa ni Go na bumuo ang pamahalaan at pribadong sektor ng mga creative approaches para mahikayat ang mga Pinoy na magpabakuna na at mapataas ang tiwala ng mga komunidad sa vaccination program.
“Maaaring pwede na silang kumain at pumasyal sa labas, makatrabaho, at makagalaw nang wala masyadong restrictions para rin po ma-enganyo at tumaas ang vaccine confidence. ’Yung mga pribadong sektor may sarili ring mga inisyatibo tulad ng pagbibigay ng discounts. Welcome ang lahat ng ito,” ani Go.
Binigyang-diin pa ni Go na kung mas maraming mamamayan ang mababakunahan, mas mabilis na makakamit ng bansa ang population protection at malaunan ay herd immunity, na magreresulta sa pagbabalik sa normal ng sitwasyon sa bansa.
“Kung patuloy na bababa ang bilang ng magkakasakit at tataas naman ang bilang ng bakunado, mas mabilis pa nating maibabangon ang ating ekonomiya at mas makakabalik na tayo sa normal na pamumuhay pagdating ng panahon,” aniya pa. “Kung i-expand na natin ang rollout sa publiko, dapat na walang prejudice naman ito sa kabilang sa mga naunang priority groups. Pero kung merong ayaw magpabakuna na kabilang sa mga nasa priority list ngayon, ibigay na natin sa may gusto dahil habulan po ito.” (Mylene Alfonso)
The post Pagpapalawak sa COVID-19 vaccine rollout at probisyon ng insentibo ng mga bakunado, apela ni Sen. Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: