
Walang Undas kasi may Covid pa. Wala rin munang Pasko kasi may Covid pa. Ano kamo, wala ring eleksyon? — Angel F. Jose
PASAKALYE:
Text message . . .
Nagbanta ang mga pribadong ospital na kakalas na sa Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) matapos mabaon na ito sa utang sa kanila.
Sinabi ni Private Hospitals Association Inc. (PHAI) president Dr. JOSE DE GRANO na bantulot na ang kanilang hanay na ituloy pa ang ugnayan sa PhilHealth. Katuwiran niya, mas maiging malugi na lang sila kaysa tuluyang magsara dahil sa patuloy na pagtangging magbayad ng nasabing tanggapan ng pamahalaan para sa serbisyo, paggamit ng laboratoryo, gamot at iba pang serbisyo sa mga pasyenteng gamit at PhilHealth cards sa pagpapagamot sa kanila.
Sa tala ng PHAI, aabot na sa PhP13-bilyong halaga ng reimbursement claims ang hindi pa natutugunan ng PhilHealth sa kabila pa makailang ulit nilang pakikipag-usap sa pamunuan ng nasabing ahensiyang nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health (DoH).
* * *
NAGLILITAWAN na ang dismuladong pangangampanya ng mga nagnanais na tumakbo sa ating halalan sa susunod na taon sa Mayo.
Nar’yan ang anak ng isang dating senador at asawa nitong senador sa ngayon na tahimik lang daw pero sumisigaw ang kanyang mga nagawa bilang kalihim sa ilalim ng program ang Build Build Build ng adminsitrasyong DUTERTE.
May isa namang nagsasabing nais niya raw tulungan ang mga kapos-palad sa pamamagitan ng pagsulong ng mas malaking ayudang PhP10,000 kaysa sa kapiranggot na PhP2,000 hanggang PhP8,000 pinamamahagi ng pamahalaan para sa mga apektadong pamilya ng pinairal na mga lockdown sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon naman sa kasalukyang senador, prayoridad daw niyang pagtuunan ng pansin ang edukasyon ng mga kabataan. Aniya, ang kabataang henerasyon daw ang kinabukasan ng ating bansa kaya kailangang matiyak na mabibigyan sila ng magandang edukason para maging handa sa pagharap sa mga problemang susuungin kapag nakapagtapos na sila ng kaniulang pag-aaral.
Isang dating hepe ng PHILIPPINE NATIONAL POLICE (PNP) ang nagsasabing matinong pamumuno ang kailangan upang malipol ang korapsyon at kriminalidad at magresulta ito sa katiwasayan ng ating bansa. Nakilala kasi ang dating heneral at ngayo’y beteranong senador bilang tagasiwalat ng mga anomaly sa ating pamahalaan.
Sumusubok ding umagaw ng pansin ang dating artista subalit nanungkulan bilang serbisyo publiko sa mahabang panahon at ang sigaw niya ay kaya nating makamit ang anumang mithiin basta’t may tiyaga, may dibdib at hindi tumitigil sa pagpupunyagi.
At mayroon pang nagsabing nagawa niya na ang lahat ng binabalak ng mga kandidatong tatakbo sa susunod na taon at napatunayan ito sa dati niyang pamamahala sa pinakamayamang lungsod sa Kalakhang Maynila.
Ngayon, sa tingin n’yo, sino’ng may karapatan maging pangulo?
* * *
PARA sa inyong komento o suhestyon, reklamo o kahilingan, magpadala lamang ng mensahe o impormasyon sa aking email na filespolice@yahoo.com.ph o dili kaya’y i-text n’yo na lang ako sa aking cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!
The post Sino’ng dapat maging pangulo? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: