HINDI kami nagulat, nagtaka, o nagulumihan kahit bahagya nang ilabas ang opisyal na pahayag ng punong tanggapan sa The Hague, Netherlands na tuloy ang International Criminal Court (ICC) sa pormal na imbestigasyon sa sakdal na crimes against humanity na iniharap noong 2017 ni Sonny Trillanes at Gary Alejano laban kay Rodrigo Duterte at mga kasapakat na kinabibilangan nina Dick Gordon, Bato dela Rosa, Jose Calida, Vitalino Aguirre, at iba pa.
Ito ang kinatatakutan ni Duterte at mga kasapakat. Nanginginig si Duterte at mga kasama sa takot dahil uungkatin ng ICC ang madugo ngunit bigong digmaan kontra droga kung saan sa pagitan ng 16,000 hanggang 30,00 ang nasawi mula ng maupo siya noong 2016 hanggang 2019 nang tumiwalag ang Filipinas sa ICC. Batay sa kanilang mga pahayag, hindi handa si Duterte at mga kasapakat na salagin ang pananalasa ng siyasat ng ICC. Hindi nila mabibili ang ICC.
Ipinahayag noong Miyerkoles na binibigyan daan ng PreTrial Chamber ang rekomendasyon ni Fatou Bensouda, retiradong punong taga-usig, na magkaroon ng pormal na imbestigasyon ang ICC hinggil sa mga paglabag ng gobyernong Duterte sa karapatang pantao ng maraming Filipino. Sa Final Report na inilabas noong ika-14 ng Hunyo, o bisperas ng pagreretiro, iginiit ni Bensouda na may matibay na batayan na si Duterte at kasapakat ang pasimuno ng maramihang patayan sa mga sangkot sa giyera kontra droga.
Inirekomenda ni Bensouda ang pormal na imbestigasyon sa mga alegasyon ng pinangunahan at sinuportahan ng gobyerno ni Duterte ang mga patayan. Hindi limitado ang imbestigasyon sa panahon ng pangulo si Duterte ng bansa. Sisiyasatin ang pinaggagawa ni Duterte noong alkalde at bise-alkalde siya ng Davao City mula 2010 hanggang 2016. Bubusisiin ng ICC ang mga patayan ng ginawa umano ng mga ilegal na grupo na tinawag na Davao Death Squads (DDS).
Malalaman ng buong mundo ang mga kalupitan, kabuktutan, at kasamaan ni Duterte, mga kasapakat, at DDS. Malaking disgrasya ito sa tsansa ng grupong Davao na mahalal ang kanilang mga kandidato sa 2022. Tiyak ang matinding upak at banat sa kanila at iindahin nila ng todo ang epekto ng mga bira.
Malamang na maraming pulitiko ang sumakay sa isyung ito. Sampu sampera ang kanilang opinyon na akala mo sila ang may karapatan na maghusga, maghari, at magpahayag ng opinyon sa usapino. Huwag magtaka kung sumakay ang mga katulad ni Ping Lacson, Manny Pacquiao, Tito Sotto, Isko Moreno, Dick Gordon, Grace Poe, Imee Marcos, maging si Leni Robredo at iba pa. Pati ang kanilang mga kasapakat na mga talking head ay maglilitawan din. Wala silang karapatan.
Ang dalawang mambabatas na Sonny Trillanes at Gary Alejano ang nag-umpisa ng sakdal na crimes agtainst humanity kay Duterte at mga kasapakat. Naisip nila ito sa huling bahagi ng 2016 at isinampa noong mga Abril, 2017. Ito ang panahon na kasagsagan ang mga patayan at EJKs. Nasa tugatog ng kapangyarihan si Duterte at nagagawa niya ang bawat naisin.
Humingi ng suporta si Trillanes at Alejano sa mga kapwa lider sa pulitika ngunit nakakabinging katahimikan ang isinukli sa kanila. Dumistansiya kahit ang kapwa lider oposisyon sa takot na pag-initan sila ni Duterte. Ininsulto sila ni Ping Lacson na mauuwi umano ang sakdal sa basurahan. Suntok sa buwan iyan, ani JV Ejercito. Hindi nila akalain na sumulong ang asunto at tanging si Sonny Trillanes at Gary Alejano ang mga nanguna.
***
HINDI naintindihan ni Herminio Roque Jr. (iyan ang tunay niyang pangalan) ang kamalasan na dumapo sa kanya. Sa buong akala niya, pagkakaiba ng opinyon ang pagtutol sa nominasyon niya bilang kasapi sa pamunuan ng International Law Commission (ILC), isang tanging sangay ng United Nations na nag-aaral sa takbo ng batas sa buong mundo. Malinaw ang kalatas sa kanya: Hindi siya karapat-dapat na maupo sa ILC at kung pipilitin ng kung sinong makapangyarihan na iluklok siya doon, magdadala lang ng problema si Roque sa ILC.
Hindi biro-biro ang nangyari kay Roque at nasalamin ang matinding pagkasuklam sa kanya. Mahigit 200 organisasyon sa Filipinas ang naglabas ng kani-kanilang pahayag ng paninindigan na tumututol sa nominasyon ni Rodrigo Duterte sa kanya sa ILC. Libu-libo naman netizen ang nagpadala ng kani-kanilang kalatas at petisyon na humaharang sa kanyang nominasyon. Sa maikli, kalaban ni Roque ang halos lahat ng matinong tao at organisasyon sa bansa.
Pinakamatindi ang mensahe ng UP Academic Executive Committee na tuwirang winasak si Roque. Kahit hindi tuwiran, sinabi ng kalatas ng UP Academic Community na huwad na tagatanggol ng karapatang pantao. Hindi tunay na abogado ng human rights at nagpapanggap lamang. Problema ni Herminio Roque Jr. ang ilaban ang kanyang nominasyon, ngunit kapag tinanggap ng ILC, ang ILC may problema.
May himig panunumbat ang sagot ni Roque sa mga paratang at kalatas ng mga tumututol lalo na ang UP Academic Community na kumakatawan sa kabuuan ng University of the Philippines, ang pangunahing pamantasan ng bansa kung saan nagturo ng international law si Roque ng halos dalawang dekada. Sa ganang kanya, naging batayan ang pagkakaiba ng opinyon niya at komunidad ng UP sa pagtutol sa kanilang nominasyon.
Dahil nasaktan ang kanyang pride at ego, ikinatwiran ni Herminio Roque Jr. na hindi kinilala ng komunidad ang dalawang dekada ng kanyang serbisyo sa UP bilang isang guro at public interest lawyer. Nakikita namin na hindi nakatulog si Roque ng ilang gabi dahil sa sakit at pait ng kalatas ng komunidad ng UP. Isinuka si Herminio Roque Jr. ng mismong komunidad na nagluwal at naglilok sa kanya bilang isang abogado at lingkod bayan. Hindi namin alam kung may mukha siyang ihaharap sa Filipinas at buong mundo.
Ipinangangalandakan ni Roque na biktima siya ng maling paggamit ng kapangyarihan ng UP Academic Community sa kanya. Hindi totoo na biktima si Roque. Walang dapat sisihin kundi ang sarili sa kanyang paiba-ibang paninindigan sa karapatang pantao. Kahit inaruga siya ng UP bilang isang mananaggol ng karapatang pantao, dagliang bumaligtad si Roque dahil sa kalansing ng salapi at kapangyarihan. Ambisyoso si Roque. Tinalo siya ng sobrang ambisyon sa poder at kasakiman sa salapi.
***
MGA PILING SALITA: “Iyan lang ang nagawa ko. Hawakan ang kamay ng anak ko noong gabing patayin siya.” – Nanette Castillo, ina ni Aldrin Castillo na isa sa mga pinatay kaugnay sa Oplan Tokhang ni Duterte
“The academic community that has nurtured his legal career all through the years does not respect him. It sees him a fake human rights defender. It’s a pity Harry Roque does not see it that way. He still possesses the illusion that he’s a human rights defender when he’s not. It’s not a matter of differences of political beliefs as Harry would like to project. The fact is that UP academic community sees him an enemy, an incoherent opportunist, who would sell his soul for a few pieces of gold.” – PL, netizen
***
Email:bootsfra@yahoo.com
The post Tuloy ang ICC appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: