WALANG bagong tala ng mga datos kung sisilipin ang mga website na nagbibigay impormasyon hinggil sa taya ng ekonomiya ng bansa. Tila hindi kaayaaya ang tahakin ng ekonomiya ng bansa sa papasok na huling bahagi ng taong kasalukuyan. Pawang mga dating datos at walang pagbabagong nagaganap sa paggalaw ng kabuhayan ng bansa, sa halip, pawang usapin ng politika at politikong nagpapaunahan mapansin ng media at mabalita. Wala nang pinag-uusapang pag-unlad kundi ang mga baho ng mga politikong karibal ng ano mang panig.
Nariyan na nagkalat ang baho ng kalabang politiko upang maging mabango kahit na itsurang dugyot o lupa habang nagsasalita. Nariyan ang mga bantaan na hindi bibigyan ng pondo kung hindi mag papa-audit, at nariyan na ‘di wag bigyan at kaya naman mangalap ng panggastos para sa aming operasyon’. Napakasakit sa loob ang ganitong balita na hindi masikmura ni Mang Juan, lalo’t galing sa mga politikong nasa poder na dapat ang inaasikaso’y ang kagalingan ng bayan at mamamayan. Walang naglalahad kung ano ang kalagayan ng ekonomiya ng bayan at ni Mang Juan, pero ang tiyak, kampante ang mga buhay at kabuhayan ng mga nagbabangayang ito, lalo’t ang mga negosyo nito’y nakatali sa pangangailangan ng balana—ang pangkalusugan.
Minsan sa buhay ng mga Pilipino na maturingan ang bansa na isang Rising Tiger Economy, sa ngayon, mukhang nadale ito ng mga mangangaso at napana na nang magkaroon ito ng sakit at hindi na kaya pa nitong magmalaki na isa tigre. Isa nang sakiting kuting ang ekonomiya ng bayan ni Mang Juan. Walang maipagmamalaking usaping ekonomiya sa kawalan ng tamang giya sa bansa na sadyang naisantabi dahil sa maling programa na nakasentro sa lahat ng uri ng laban, na wala napanalunan.
Sadsad sa lahat ng laban. Ang masaklap nito, tila nagbabalak umulit sa pagtakbo sa nalalapit na halalan na parang bingi kahit dinig na sa mga usapan at dama ang paghihikahos ni Mang Juan. Sa pagtaya kahit aso ang ilaban, walang panalo dahil ang kabuhayan ng bayan ni Mang Juan’y dumausdos tungo sa kumunoy ng kahirapan at kawalan ng pag-asa. Si Fredie na lang ang boboto dito dahil sa kantang ‘bulag, pipi at bingi’. Ah, baka hindi na nga eh.
Sa pagtaya ng National Economic Development Authority (NEDA) sa ekonomiya ng bansa, ang inaasahang GDP na 6% – 7% GDP’y malamang na bababa sa 3% – 4% dahil sa world record na pinakamahabang lockdown. Walang magawa ang mga ekonomista kundi itago ang katotohanan na hindi maganda ang takbo ng kabuhayan sa bansa. Batid nila na umaabot sa P210B ang nawawala sa kabang bayan sa dalawang linggong lockdown sa NCR+ bubbles.
Hindi pa usapin dito ang ayuda na galing sa pamahalaan, at isama pa bilyong dolyares na inutang na si Mang Juan at kanyang kaapo-apohan ang magbabayad pagdating ng panahon. Hindi malaman kung paano sasabihin kay Mang Juan ang kalagayang ito at dadaanin na lamang sa pag-imprenta ng salapi upang masabing lumulutang ang ekonomiyang ampaw.. Sa paghahanap nga ng mga datos hinggil sa kalagayan ng ekonomiya ng bansa, puro lumang datos ang makikita at mukhang sinasadya na sa kadahilanang pabulusok ang takbo nito at makaapekto sa balakin ni Totoy Kulambo na pagtakbo. Huwag itago at alam na ni Mang Juan dahil sa kalam ng sikmura nito.
Sa pagbago ng hakbang mula sa mga QQQ patungo sa granular lockdown, malinaw na walang pondong maiabot kay Mang Juan ang pambansang pamahalaan, at hayaan ang LGUs na gumawa ng paraan sa pagbibigay ayuda sa mga pamilyang isasailalim sa lockdown. Taas ang kamay ni TK pero hindi ang yabang kahit walang pang-abot sa mga nangangailangan.
Sa pinag-uusapang ekonomiya, tila walang dapat pag-usapan dahil walang direksyon ang pamahalaang sa anumang aspeto ng pagpapatakbo ng bansa. Walang ginagawang mga balak o plano kung paano ibabangon ang kabuhayan ni Mang Juan. Nahan ang build build build project, nahan ang mga negosyo ng mga kaibigang Tsekwa, nahan si Mike Yang, nasaan ang among si XI? Wala, wala, wala. At sa buwis ni Mang Juan, magtiyaga at tila walang mga balakid kung paano pagalawin ang ekonomiya ng bansa. Talo nga sa lahat ng laban, anong kabuhayan ang pag-uusapan? O sapat na ang takits ng mga economic managers kung kaya’t sige na lang at ilipat na sa ibang bansa ang mga yaman na maaaring bulatlat? Magtira ng konti upang masabing bukas ang tala para sa mga nag-uusisa.
Sa pagsasaliksik, iilan-ilang negosyo ang gumagalaw sa bansa, ang BPO naghihingalo sa laban sa krisis na kinakaharap dahil ang mga negosyong sineserbisyuha’y mga naisara sa kawalan ng ayudang nakukuha nito sa pamahalaan. May isang maiinit na negosyo ang tinatangkilik ng kalalakihang Pilipino, ang online gambling, kung saan makikita sa mga sulok ng bansa ang pag-uumpukan ng mga nanonood at tumataya sa sabong, karera o tong-its. Ito ang ekonomiya na hindi pang matagalan.
Walang bagong puhunan na inilalagak sa bansa, sa halip, parang imbudo na hinihigop ang pera ng mga Pilipino na umaasa sa mga biglaang salapi na hindi kayang ipambuhay ng pamilya. At ang karampot na kita’y isinasapalaran sa walang katiyakang pagkakakitaan. Tila bumabalik ang kasaysayan na sugal ang libangan ng bayan para sustentuhan ang pamahalaan. Ang bagsak na ekonomiya ang sugal aasahan, ano ba yan?
Sa huling pagtaya sa ekonomiya ng bansa, ito’y tila isang pasyenteng nasa ICU na kailangan ng mabuting pagbabantay ng mga dalubhasa upang makabawi at maibalik sa isang ward room. Nangangailangan ito ng lahat ng uri ng gamot na padadaanin sa mga ugat na tila mamamatay dahil sa kapabayaan. Ang maling paghawak o pagdadala dito ng mga humahawak ang may sala at masasabing ang dahilan ng pagbagsak nito. Ang sakit na dumapo’y magagamot, subalit ang pagpapabaya’t pang-aabuso ang nagtulak na halos ikamatay nito.
Huwag umasa sa mga albularyong sariling layon at pakinabang ang habol. Malala ang kalagayan ng pambansang ekonomiya, walang datos, walang ibig magpaliwanag kung ano ang tunay na taya nito. Subalit, sapat nang sabihin na tama na ang isang anim na taon sa mga hangal ng Dabaw….
Maraming Salamat po!!!
The post Walang datos appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: