KUMAMADA pa ng tatlong gintong medalya ang mga pambato ng Swim League Philippines-BEST sa ikalawang araw ng aksiyon nitong Sabado sa 2021 Philippine Swimming Inc. National Selection Bubble sa world-class New Clark City Aquatic Center sa Capas, Tarlac.
Kinampay ni John Niel Paderes, 2019 UAAP multi-medalist at Palarong Pambansa record holder, ang ikalawang gintong medalya sa torneo na nagsisilbing tryouts para sa pagpili ng miyembro ng Philippine Team nang pagbidahan ang men’s 200-meter backstroke sa tyempong 2:14.94 laban kina Jose Arcilla (2:17.14) at kasangga sa BEST na si Johan Cabana (2:21.52),
Sa opening day ng paligsahan na inorganisa ng PSI at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) nitong Biyernes, nakopo ng 1p-any mula sa University of Santo Tomas ang gintong medalya sa men’s 100-meter backstroke sa bilis na 59.60 segundo kontra kina Bernard Abril ng Tarlac (1:04.17) at ni Cabana (1:04.12).
Iwinaksi naman ni National junior standout Micaela Jasmine Mojdeh ang naging kabiguan sa women’s 1500-meter dahil sa sirang timing divice nang daigin ang karibal sa women’s 400-meter Individual Medley sa oras na 5:23.63. Naungusan niya si Giana Garcia ng DASH (5:38.73).
Doble ang selebrasyon ni Mojdeh na nakamit ang unang gintong medalya sa torneo at lagpasan ang qualifying time sa naturang event na 5:30.17.
“Masayang-masaya po si Jaz. Talagang ipinakita niya yung determinasyon niya kahit limitado ang training ng grupo dahil sa pandemya. Hopefully, po maganda rin ang oras na makuha ng iba pang member,” pahayag ni Joan, ina ni Mojdeh at founder ng SLP-BEST.
Itinuturing ‘ Swim Beast’ sa junior level bunsod nang dominanteng kampanya kabilang ang pagiging National junior at Palarong Pambansa record holder, nakopo ng 15-anyos at Grade 10 student ng Brent International School of Manila, ang kabuuang apat na medalya sa torneo kabilang ang nasungkit na silver medal sa women’s 1500-meter freestyle (18:58.71) at 100-butterfly (1:03.90) at bronze medal sa 400-meter free style.
Ginulat naman ng 18-anyos na si Jordan Ken Lobos ang mga liyamadong karibal nang ibigay ang ikatlong ginto para sa SLP-BEST nang angkinin ang men’s 100-meter breastroke sa bilis na 1:04.66. Ginapi ng 2019 Palarong Pambansa multi-gold medal winner mula sa Calayan Educational Foundation School sa Lucena City ang mga paboritong sina Sam Alcos (1:05.84) at Rian Marco Tirol (1:05.96).
Sa iba pang resulta, nagwagi si national mainstay Miguel Barreto sa men’s 200-meter freestyle sa tyempong 1:56.74 laban kina SEA Games campaigner Sacho Ilustre (1:59.10) at Marco Daos (1:59.29).(Danny Simon)
The post GOLD PA MORE KINA MOJDEH AT PADERAS NG SLP-BEST SA NATS SELECTION SWIMFEST appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: