SETYEMBRE ng nagpasya si Leni Robredo na sasabak sa panguluhan sa halalan sa 2022. Dahil hindi agad nagpasya at nagmuni-muni ng ilang buwan kung sasabak o hindi sa 2022, wala halos fund-raising o party rebuilding ang kanyang kampo. “People’s campaign,” o kampanya ng sambayanan, ang kanilang sandalan sa kawalan ng malinaw na organisasyon na nagpapatakbo sa kanyang kampanya. Aasa sa kusang palo ng sambayanan na nais tumulong sa kampanya.
Gayunpaman, nagulat ang bansa nang matagumpay na naidaos ang Pink Motorcade Caravan noong Sabado. Libu-libong sasakyan ng mga kapanalig – ordinaryong kotse, SUV, dyip, tricycle, bisikleta, at kahit bangka – ang lumabas sa mga pangunahing kalsada at baybay-dagat ng Metro Manila, 25 lalawigan at ilang siyudad upang ipahayag ang kanilang suporta sa kandidatura ni Leni. Ipinagmalaki ng kampo ni Leni na hindi organisado ang pagkilos. Kung susuriin, pag-amin ito ng kanyang kampo na hindi sila handa sa malaking pagkilos. Kusang-lumabas ang sambayanan dahil hindi sila natutuwa sa pamamalakad ni Rodrigo Duterte.
Sumiklab sa social media ang biglaang pagkilos at pawang nag-ulat ang mga kasali at nagmatyag nga mga kaganapan sa motorcade. Natakpan ang miting ni BBM at Sara Duterte na naganap sa Cebu City sasabay ng kasagsagan ng motorcade. Hindi nakahuma kahit katiting ang mga tagasuporta at troll ni Sara at BBM sa daluyong ng suporta sa kandidatura ni Leni. Iba ngayon ang sitwasyon; nawalan ng puwang ang mga troll at fake news na nagpanalo kay Duterte noong 2016. Mistulang mga dagang napeste sa mundong ibabaw ang mga troll ni Duterte at BBM.
Iisa ang buod ng aming pananaw sa pagkilos. Hindi ito basta pagpapahayag ng suporta kay Leni Robredo. Isa itong pag-aalsa ng panggitnang uri laban sa kawalan ng kakayahan, kabuktutan, kabastusan, kabalintunaan, at kababuyan ng gobyernong Duterte. Hindi basta galit ang kanilang nararamdaman laban kay Duterte at sindikato. Kinakatawan ni Duterte ang pwersa ng kadiliman sa bansa. Bumagsak ang pambansang kabuhayan dahil sa laganap na korapsyon at kawalan ng kakayahan ng mga namamahala.
Bagaman malaking tagumpay ang motorcade bilang isang babala ng nabubuong himagsikan kontra Duterte, isang katanungan kung kaya ng puwersa ng demokrasya na sustenahan ito hanggang sa halalan ng Mayo, 2022. Isang hamon kung kakayanin na papag-alabin ang apoy ng pagtutol hanggang halalan. Isang hamon kung kaya ng panggitnang uri na padausdusan ang kilusan ng pagtutol sa mga nasa “laylayan ng lipunan,” o ang mga mahihirap at walang lakas.
Ngayon, hindi pa sumasagot ang mga kalaban ni Leni Robredo, o ang mga kumakatawan sa pwersa ng awtoryanismo. Hindi pa nagbabalak sina BBM, Mane, Isko, Ping at Bato kung ano ang gagawin. Isa sa mga posibilidad ang pagsasama nina BBM at Sara. Nang makita nila na masigabo ang motorcade ni Leni at totoong may Pink Army ang Pangalawang Pangulo, maaaring magsama ang dalawang ambisyosong pulitiko kahit hindi malinaw kung sino ang ibabaw at ilalim sa kanila. Sa kasalukuyan, naibalita na hindi tatakbo sa mas mataas ng tungkulin si Sara bagaman maaaring magbago ng isip ang sumpunging alkalde.
Batay sa ikinumpisal sa amin ng isang lider ng kampo ni BBM, nakasalalay sa dalawang bagay ang estratehiya ni BBM sa halalan: Una, ang kanilang koneksyon sa mga opisyales ng barangay at pamahalaang lokal; pangalawa, sa malaking bahagi ng social media. Malakas ang loob ni BBM sapagkat may malaking bahagi ng dinambong na yaman ng kanyang diktador na ama ang hindi nakilala at nakuha ng gobyerno. Hindi mabilang kung magkano, ngunit maaaring umabot ng ilang bilyong piso. Bukod diyan, nakikipagmabutihan siya sa China para tulungan siya.
Hindi nangingiming gamitin ni BBM ang ninakaw na bilyones upang bilhin ang mga opisyales ng barangay at pamahalaang lokal lalo na ang mga gobernador at alkalde ng mga probinsya at siyudad. Hindi malayong gagapangin sila ni BBM habang umiinit ang kampanya. Ito ang paraan niya upang magkaroon ng laban. Kailangan niya ng sariling network na pangangampanya.
Hindi sa pagbuo ng network natatapos ang usapan. Alam ni BBM na halos 70% ng mga botante ay mga millennial, o nasa kategorya ng edad 18 taon hanggang 40, kaya sila ang susunod na puntirya. Halos wala silang kabatiran sa ginawa ng diktaduryang Marcos tulad ng matinding pandarambong, malawakang paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan, at pagwasak sa bansa. Kaya, sisiguraduhin niya na pagkakalat ng santambak na fake news sa social media upang malinlang at malansi ang sambayanan.
Gagamitin nila ang Youtube, Instagram, Tiktok, Facebook, at iba pa ikalat ng lason ng mga kasinungalingan at huwad na balita. Ngayon pa lang, ipinipilit niyang ipalulon sa sambayanan ang kasinungalingan na nagkaroon ng kasaganaan at “ginintuang panahon” noong diktadurya ni Marcos. Hindi nila sinasabi na pinatalsik si Marcos sa mapayapang himagsikan sa EDSA noong 1986. Hindi niya inamin na bahag ang buntot na tumakbo si Marcos at pamilya upang makaiwas sa ngitngit ng sambayanan noong mga panahon na iyon.
Sa maikli, nakabatay sa panlilinlang at panlalansi ang kampanya ni BBM. Hindi ito nakabatay sa katotohanan. Kung sakaling palarin at manalo siya sa 2022, hindi paglilingkod sa sambayanan ang mangyayari. Nais lamang niyang linisin ang maruming pangalan ng ama at pamilya. Walang maaasahan kay BBM kundi luha at dalamhati.
Sa kanilang banda, kahit nasa tamang panig ng kasaysayan si Leni, hindi garantiya na mananalo siya sa 2022. Isang malaking hamon na mauwi ang pag-aalsa ng panggitnang uri sa boto ng mga mahihirap na kababayan. Hindi nakapaglayag mag-isa ang panggitnang uri upang magdala ng panalo kay Leni. Kailangan kasama nila ang mga mahihirap at walang lakas.
Kailangan makontra nila ang paggapang ni BBM sa mga opisyales ng barangay at pamahalaang lokal. Kailangan gumawa ng sariling paraan ang kampo ni Leni upang sila ang makakuha ng boto sa ibaba at hindi ang kampo ni BBM. Kailangan nilang kontrahin si BBM sa social media. Hindi kasinungalingan ang pangontra sa panloloko ni BBM sa socmed kundi katotohanan lang.
***
MGA PILING SALITA: “The middle class is the most feared class by the establishment. They are the class that is most politicized and most capable in leading the lower class to challenge the status quo. Like a spark plug, they ignite the revolutionary fire of the masses to go up in arms against their oppressors. No wonder, tyrants target them for imprisonment or execution to suppress rebellions.” – Sahid Sinsuat Glang, netizen, retiradong lingkod bayan at sugo
“What we witnessed today was not just support for Madam Leni’s presidential bid in 2022. What we saw was more than Leni’s candidacy, but the confirmation of the undeniable polarization of our society between the democratic forces against the forces of authoritarianism – or populism, if you wish. Sustaining the momentum until May, 2022 is a big issue. But this polarization will go beyond 2022. Never underestimate the sovereign right of our people to decide for themselves.” – PL, netizen
The post ‘Kampanya ng sambayanan’ appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: