SINISUGURO na ni Philippine National Police (PNP) Directorate for Operations, Major Gen. Rhodel O. Sermonia, ang pagtatapos sa pakikipaglaban sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ito raw ang bunga ng sama-samang pagkilos ng lahat ng sangay ng pamahalaan sa pagsusulong ng “whole-of-nation approach” para wakasan na ang limang-dekadang insureksiyon ng CPP-NPA-NDF bago pa matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa June 30, 2022.
Malaking bagay din dito, para kay Sermonia, ang determinasyong ipinakita ng Administrasyong Duterte upang masolusyunan ang problema ng insureksiyon. At sa ika-limang taon ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay ramdam na ang unti-unting pananagumpay sa pamamagitan ng pagsasabatas ng anti-terror bill at ang pagbansag sa mga CPP-NPA bilang mga terorista, at maging ang mandato ng Executive Order 70 na nagtatag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.
Ipinunto rin ni Sermonia na ang pagtatagumpay laban sa CPP-NPA-NDF ay dahil na rin sa mahusay na paninindigan ni Pangulong Duterte na wakasan na ang paghanari-harian ng mga komunistang-terorista.
Ang pagkakatatag aniya ng NTF-ELCAC, ay isang pinaka-mahalagang pamana ni Pangulong Duterte, na nagpagaan sa mga pulis na makipag-tulungan sa mga Filipino na pahinain at pilayan ang hanay ng CPP-NPA-NDF sa malalayong lugar sa pamamagitan ng “massive police-community relations.”
Halos abot-kamay na nga ang tinatawag niyang ‘decisive victory’. Marami na ang naniniwala sa programa ng ating pamahalaan. Kaya marami na rin ang sumusukong mga rebelde.
Sa legal namang opensiba ng Administrasyong Duterte, gaya ng Anti-Terror Law, maging ang pinansiyal na kapasidad ng komunistang-terorista ay nalansag.
Malaki rin daw ang naitulong ng pagiimplementa ng Barangay Development Program (BDP) at pagtatatag ng Global Coalition ng Lingkod Bayan Advocacy Support Groups bilang mga ‘force multipliers.’
“Tuloy-tuloy na ito hanggang maramdaman ng ating mga kababayan ang malasakit ng ating Pangulo,”ang tinuran ni Sermonia.
Todo na nga ang taya ng heneral at ang kailangan na lamang, ay “strong finish” upang madama ng bawat Filipino ang “decisive victory” na pamana ni Pangulong Duterte.
The post Todo taya na si Sermonia appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: