
SIMULA ng buksan ang gate hinggil sa mga nagnanais na tumakbo sa halalan ’22, tila bumagal ang mundo ni Mang Juan hinggil sa ibang usapin. May pagkakataon na maging ang pandemya’y naisantabi dahil sa isyu ng bayan, ang eleksyon, mula sa pinakamataas na pwesto hanggang sa konsehal ng bayan. Marami ang nagsumite ng kanilang intensyon at ito ang pinakamalaking balita sa araw-araw na kung sino ang mga naghain ng interes sa pagtakbo sa posisyong nagbibigay serbisyo kay Mang Juan.
At mula sa paghahain ng intensyon, umuugong ang mga balita hingil sa mga ginagawang gimmick tulad ng-iikot, negosasyon, motorcade / caravan at kung anu-ano pa na umaakit sa atensyon ni Mang Juan. At kung sino ang malakas humakot tila nakauungos ito sa laban na mukha maraming magdadala ng boto nito sa halalan.
Sa kabilang banda ng balita, patuloy ang paghihintay ng media sa pakipot na kandidato na naghain ng interes sa pagka alkalde ng isang lungsod. Subalit patuloy na itinutulak ng mga alipores na ayaw bumaba sa pwesto upang pumalit sa isang politikong naghain ng sertipiko sa pagtakbo sa panguluhan ngunit walang intensyon at naghihintay sa pagtilaok ng manok na magpasya bago ang huling araw ng palitan sa pwestong ibig.
Sa kaayusang ito, malinaw na naisantabi ang mahalagang usaping bayan na tila sinasadya ng hindi ito makaapekto sa kandidato ng kasalukuyang rehimen. Inilihis ang malaking isyung bayan hingil sa pag-alis ng mga korporasyong pinapatakbo ng Malampaya, hinggil sa enerhiya ng bansa. Nakakadismaya maging ang media’y hindi binandera ang balitang may bilyon – bilyong pisong halaga na maaaring maging pasanin ng bayan sa kinabukasan. Mas tinuonan ang kalokohan ng mga politiko gayung hindi pa ito ang tamang oras na gawin ang mga pangangalap ng boto.
Sa paglisan ng mga korporasyon na may kakayahan na magpatakbo ng Malampaya tila ‘di batid ni Mang Juan kung kanino nasalin ang pagpapatakbo nito, sa isang kroni ng Dabaw na hindi sumusunod sa mga tuntunin ng batas partikular sa “Procurement Law” na magtakda at mag-aalam ng kakayahan ng kumpanya sa teknolohiya maging ang katayuang pampinansyal. Sinisiguro sa batas na hindi talo ang pamahalaan sa transaksyong ito. Ang tanong bakit hindi ito naging malaking balita o usaping bayan? O dahil sa lapit ng may ari na si Dennis da Menace sa may tangan ng kapangyarihan?
Sumunod na isyung bumulaga kay Mang Juan ang napakataas na karagdagang presyo ng petrolyo. Parang Malampaya na pabulong na bumalot ito sa bayan dahil hindi nag-ingay ang mga tsuper na pumapasada sa kasalukuyan. Sabi ng tsuper na nakausap, binulaga sila ng pagtaas ng presyo ng petrolyo gayung mahina ang pasada sa ngayong panahon. Halos walang mananakay at ito ang balitang sumalubong sa kanila. Hindi na malaman kung makapag-uwi ng pagkain sa bahay dahil inuuna na ang pagpapa-gas. Hindi pa usapin ang boundary na karaniwang kulang sa kawalan ng pasahero at mahal ng petrolyo. At pagdating sa bahay, walang pangsaing sa kawalan ng bigas, ulam at pangatong dahil sa taas ng presyo. Ang kalagayang ito’y tila hindi isyu sa DTI upang magpalabas ng mga tauhan na susubaybay sa presyo ng mga bilihin sanhi ng pagtaas ng presyo ng petrolyo? O sadyang kampante dahil sa bonus tangan ninyo?
Tunghayan ang isyung hilaw na napabalita, ang pagtatapos ng paghawak ng Smartmatic sa darating na halalan pambansa. Winakasan na ang paghawak ng kumpanyang ito sa pagbabasbas sa kung sinong kandidato ang ipapanalo sa halalan. Ngunit huwag magpakampante Mang Juan, ang nanalong papalit sa nasabing kumpanya’y galing sa napaka bwenas na lungsod sa bansa. Hindi ang may ari ng nakakuha ng Malampaya na si Dennis da Menace, ang kapatid nito na nagmamay-ari ng F2 Logistics.
Napakapalad ng mga mamang ito, dahil hanggang sa kahuli-hulihang taon ni Totoy Kulambo sa pwesto, patuloy ang pagkamal ng mga kontrata sa pamahalaan gayung hindi kalakihan ang mga puhunan. At walang pag-aalinlangan ang COMELEC na ibigay ang kontrata sa kumpanya nito kahit kaduda-duda at pansinin. Mukhang mahirap tangihan ang reseta na tangan ng may ari nito. Subalit, hindi ito naging malaking balita sa bansa gayung nakatali ang tuon ni Mang Juan sa halalan. O’ sadyang isinantabi ang usapin at ibandera ang bangit ni TK na mananagot kung sino man ang masangkot sa magaganap na dayaan sa ’22. Ano masasabi ni Mang Juan sa bwenas ng Dabaw?
Hindi na tatalakayin ang mala baliteng ugat sa usapin ng Pharmally na pinagtatalunan ng Senado at ni Totoy Kulambo. Sa ganang usapin batid na ni Mang Juan at magkikita na lang ang mga magkakatunggali pagbaba sa pwesto.
Hindi maitatatwa na pili ang mga isyu na nais mapag-usapan sa media o sadyang hindi inilalabas ang mga mahahalagang usapin kay Mang Juan. Binubulag ito sa isyu ng bayan na hinaharap upang hindi hanapin sa mga taong lumalapit para mahalal. Walang pagdududa na hindi ganap na nagpapaalam kay Mang Juan ang mga usaping pambayan. At sa halalan ang labanan ng personalidad ang usapin at ‘di ang isyung bayan. Ayaw nilang mamulat si Mang Jua’y sa usapin bayan dahil sa tingin nila’y isa lamang itong manghahalal at walang alam sa ibang larangan.
Subalit hindi maitatago ang usapin na pasan at ramdam at hindi batayan ang karunungan upang maitago ito ng lubusan. Ang usaping pasan ni Mang Juan ang magmumulat dito lalo sa marami ninyong kalokohan. Ang usapin ng taas presyo’y dama ng bayan kahit hindi bangitin sa mga balita sa radio, TV at peryodiko. Ang pagliit ng pagkaing isinusubo ang nagsasabi na may usapin sa kabuhayan ang bayan higit ng pamilyang may dinaramdam.
Ang mga papogi points na balita’y panlinlang kay Mang Juan ng hindi matuonan ang isyu ng kabuhayan. Ang pagbubukas ng ekonomiya, ang pagtigil sa pagsusuot ng faceshield at kung anu- anong pampabangong balita’y lumang tugtugin na ingay ang dating sa mamamayan na naghahanap ng kasagutan sa kagutuman. Tanong na kailan may hindi natutugunan ng pamahalaan simula ng ito’y maupo puno ng Balite ng Malacañang. Ang mga isyung nakalutang na bumabalot sa kabuhayan ng mamamaya’y tila hindi isyu sa mga nakaupo at tumatakbo sa halalan. Ang kanilang isyu’y ang maluklok sa pwesto at bahala si Mang Juan sa kinabukasan…
Maraming Salamat po!!
The post Hindi isyu appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: