Facebook

Malaking dagok ang pagkamatay ni Ka Oris

ANG pagkamatay ni “Ka Oris” o George Maldos, taga-pagsalita ng New People’s Army (NPA) National Operations Command at taga-pagsalita rin ng National Democratic Front ng Mindanao ay malaking kawalan para sa komunistang-teroristang samahan.

Sa mga ordinaryong Filipinong gaya natin, marahil, ay di natin kawalan ang pagkakapaslang kay Maldos at di natin panghihinayangan ang pangyayari dahil si Ka Oris ay isang ‘most wanted’ na CPP-NPA-NDF lider. Siguradong may mga napaslang din siya na mga sibilyang di umaayon sa kagustuhan ng kanilang samahan.

Di rin natin panghihinayangan ang mga bala, maging mga bombang pinakawalan ng ating sandatahang militar sa pakikipagbakbakan sa tropa nila Ka Oris ng siya ay mapaslang. Dahil tagumpay itong maituturing at nawakasan na ang paghahari-harian ng komunistang-terorista sa lugar at bulubunduking iyon sa Bukidnon.

Panghihinayangan ba natin ang kamatayan ng isang mamamatay na tao. Nagpahirap sa ating mga kababayan sa ating mga kabundukan, sumira ng mga ari-arian upang kikilan lamang ang nagmamay-ari nito. Isang lider ng komunistang-teroristang samahan na nagrerecruit ng mga kabataan at sapilitang ginagawang mga ‘child warriors. Nagpahirap sa ating mga magsasaka at mga mangingisda at ang iba pa nga ay talagang kinitilan niya ng buhay habang ang karamihan ay sinadlak sa lalong paghihirap sa buhay.

Maaari, para sa CPP-NPA-NDF, malaking kawalan si Ka Oris. Nalagasan na naman sila ng lider para sa ipinaglalabanang walang kabuluhang idelohiya na ilang dekada na nilang isinusulong ng pilit, ngunit di mapagtagumpayan.

Bakit di na lamang kasi sila magsisuko at magbalik-loob sa pamahalaan gaya ng ibang mga dating rebeldeng kanilang kasamahan. Ngayon, ang mga ito ay nakabalik sa normal na pamumuhay at kasama ng lipunan na tanging kapayapaan lamang ang asam.

Hindi ba’t napakasarap mamuhay sa kapaligirang payapa at may kasaganaan. Bakit ipipilit ang maling idelohiya kung hindi naman ito tanggap ng karamihan. Nasasayang lamang ang kanilang mga buhay sa maling paniniwala.

Bukas naman ang mga palad ng pamahalaan para sa kanila. Nagbibigay pa nga ng pag-asa para sa kanilang pagbabagong buhay. Magsama-sama na lang tayo sa pagharap at paghahanap ng mapayapang lipunan. Filipino para sa Filipino nang walang patayan.

The post Malaking dagok ang pagkamatay ni Ka Oris appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Malaking dagok ang pagkamatay ni Ka Oris Malaking dagok ang pagkamatay ni Ka Oris Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 09, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.