Facebook

Kahit 4 lang ang miyembro: P4.1B budget ng Quezon, ipinasa ng Konseho

MABILISANG inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon ang nakabinbing 2021 Annual Budget kahit apat lamang ang dumalong miembro nito sa isang special session noong Sabado.

Sa pagpupursige ni Bokal Donaldo “Jet” Suarez na anak ni Quezon Governor Danilo Suarez, ipinasa ng konseho ang 2021 revised provincial annual budget na P4,157,830,020.

Una dito, binuo ng konseho kasama si Vice- Governor Samuel Nantes ang kapulungan bilang committee-as-a-whole noong umaga ng Sabado at makatanghali ay isinagawa ang special session.

Bukod kay Suarez, dumalo din ang tatlong niyang kaalyado sa Minority Bloc na sina Bokal Alona Obispo, Yna Liwanag at Rhodora Tan.

Kaagad idinaos ng mga ito ang marathon committee hearing at special session matapos na ang walong Bokal na bumubuo ng Majority Bloc ay pinatawan ng 60- day suspension noong Nov. 11, ng Department of Interior and Local Government (DILG) base sa kautusan ng Office of the President kung saan nagsampa ng demandang abuse of authority, oppression at grave misconduct.

Ang ika-13 Bokal na si Reynan Arrogancia na kabilang din sa majority bloc ngunit di nakasama sa suspension ay hindi dumalo sa nasabing committee hearing at special session kung saan ipinasa din ang provincial annual investment plan para sa 2022 na nagkakahalaga ng P5,331,658,038 na siyang pagbabasehan sa proposed annual budget para sa susunod na taon.

Ayon kay Ubana na tumatayong leader ng Majority bloc, wala sa kanila ang pagkukulang kung bakit hindi naipasa ang panukalang 2021 annual budget. Sinunod lamang umano nila ang mga proseso at alituntunin na itinakda ng batas hinggil sa pagtitiyak na magagastos ng tama ang salapi ng bayan.

Malinaw aniya na batay sa kanilang ginawang pag-aaral, mayroong mga probisyon sa Annual Proposed Budget na hindi tumutugma sa orihinal na Annual Investment Plan na nauna ng naaprubahan ng konseho.

Una, may nakita umano sila na halos P200M-P300M na disconnected o hindi tugma sa orihinal na plano na dapat pagka gastusan ng pondo.

Pangalawa, hindi detalyado ang malaking bahagi ng proposed budget lump sum. Nakasaad sa Budgetary Regulation na dapat detalyado ang lahat ng gastusin, anumang proyekto, at saang bayan o barangay ito gagamitin.

Pangatlo, hindi umano tugma ang nakapaloob na mungkahing budget doon sa mensahe ng gobernador (Executive Message). Nakasaad sa mensahe na “this budget seeks to provide response and recovery for Covid”. Subalit nang bulatlatin ang nilalaman nito ay nakita nila na halos lahat ng provincial hospital ay nabawasan pa ng halos 40% ang MOOE (maintenance and other operating expenses), samantalang ang halos lahat ng ospital sa probinsiya at may karga naman na halos P40M pondo para sa dagdag na casual, job order, sa ilalim ng Governor’s Office.

Sapat ng mga dahilan ito, ayon kay Ubana, para hindi nila ipasa ang naturang budget proposal.

Mayroon din aniyang sapat na panahon ang Office of the Governor para baguhin o gawan ng revision ang na disapproved na budget proposal at mabigyan ito ng pagkakataon na maaprubahan subalit hindi ito ginawa ng gobernador at sa halip ay inakusahan pa ang konseho ng pamumulitika.

Sinabi ni Ubana na ang paghahain ng kaso para sa kanilang suspension ay malinaw na paraan ng gobernador upang pilayin sila at hindi tuluyang magampanan ang kanilang tungkulin na bantayan at siguraduhing nagagastos ng tama ang pera ng bayan.

The post Kahit 4 lang ang miyembro: P4.1B budget ng Quezon, ipinasa ng Konseho appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Kahit 4 lang ang miyembro: P4.1B budget ng Quezon, ipinasa ng Konseho Kahit 4 lang ang miyembro: P4.1B budget ng Quezon, ipinasa ng Konseho Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 13, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.