Facebook

Mas ligtas na kalsada, iwas disgrasya sa NCAP

INSPIRASYON SA BUHAY: “…Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos…” (Roma 12:2, Ang Tanging Daan Bibliya).

***

MAS LIGTAS NA KALSADA, IWAS DIGRASYA SA NCAP… Kamakailan lang ay inilunsad ang programang No Contact Apprehension Program o NCAP sa Quezon City. Maraming usap-usapan at katanungan nga ukol sa pagpapatupad ng NCAP, ano nga ba talaga ang benepisyo nito sa taumbayan? May pakinabang ba ang mga motorista dito o ika nga ay puro bayad lang ba ng multa?

***

Ang NCAP ay ipinapatupad upang mai-digitize ang traffic management ng isang lungsod. Una itong ginamit sa EDSA ng MMDA at kailan lang ay matagumpay na ipinatutupad sa ibang lungsod tulad ng Parañaque, Valenzuela, at Maynila. Ayon sa datos na nakalap ng iba’t ibang LGU na gumagamit nito, malaki ang epekto ng NCAP sa mga lugar kung saan sila ipinapatupad.

***

Ayon sa data mismo ng NCAP, bumaba ang kaso ng paglabag sa batas trapiko sa Parañaque mula 111 kada CCTV camera kada araw noong 2018 hanggang sa 11 na violations na lamang kada CCTV camera ngayong 2021. Ito ay kumakatawan sa 82% na pagbaba ng mga violations sa naturang lungsod. Halos 100 violations bawat camera ha, yan ang nabago matapos ang isang taon. Mayroong higit kumulang na trentang CCTV cameras na nakakalat sa siyudad kaya’t isipin niyo na kung gaano kadaming paglabag sa batas trapiko ang nabawas dito.

***

Ganito din ang naranasan ng Valenzuela ng sinimulan ang NCAP noong 2019. Bumaba sa 16 violations na lang kada camera kada araw ngayong 2021 mula sa 45 violations kada camera kada araw noong 2019. Ito ay 74% na pagbawas sa mga insidente ng paglabag sa batas trapiko. May nakikita na din na pagbabago sa mga traffic violations sa Maynila.

***

Hindi maikakaila na malaki ang epekto ng NCAP sa takbo ng trapiko. Kaya naman ang makabagong sistemang ito ay importanteng maipatupad na sa Lungsod ng Quezon dahil ito ang may pinakamaraming residente sa buong bansa. Ayon din sa MMDA noong 2020, nanguna ang Quezon City sa pagkakaroon ng mahigit sa 50,000 na pinsala dulot ng mga aksidenteng pantrapiko at karamihan ng aksidente na nagaganap ng ala-1 hanggang alas-2 ng madaling-araw ay nagreresulta sa kamatayan. Sa laki nga din nito ay kailangan ng napakaraming traffic enforcer para mabantayan kada intersection. Malaking tulong na mai-digitize ang traffic management. Kailangan ding mabigyan ng karampatang proteksyon laban sa mga aksidente na dulot ng mga pasaway na drayber ang publikong dumadaan o nagmamaneho dito.

***

Itong sistema na nag aayos ng trapiko ay ipinapatupad na din sa ibang lugar sa buong mundo tulad ng London at mga iba’t-ibang estado sa Amerika. Nakakadismayang isipin na ang iba sa ating mga kababayan na imbis suportahan ang pagbabagong mag-aayos sa sistemang pantrapiko na magliligtas hindi lang sa mga sasakyan kundi higit pa ay magliligtas din sa buhay ng tao, ay pilit na pinipigilan at bagkus ay lalo pang kinokontra.

***

Mayroon namang palugit na isang buwan ang pamahalaang panglungsod ng Quezon sa mga drayber upang makita ang magandang dulot ng makabagong sistema na NCAP bago nila ito husgahan. Sabi nga ni mayora, bawal ang pasaway na drayber sa Quezon City at ang matatakot lang sa sistemang ito ay ang mga lumalabag sa batas trapiko. Ang NCAP ay hindi balak pagkakitaan ng Quezon City. Bagkus ay mas matutuwa pa nga ang pamahalaang lungsod pag wala ng natitikitan sa paglabag ng batas trapiko dahil ito mangangahulugan na lahat ng drayber sa siyudad ay may disiplina na.

The post Mas ligtas na kalsada, iwas disgrasya sa NCAP appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Mas ligtas na kalsada, iwas disgrasya sa NCAP Mas ligtas na kalsada, iwas disgrasya sa NCAP Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 02, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.