
Madamdaming binalikan ni Manila Mayor Francisko ‘Isko Moreno’ Domagoso ang hirap na dinanas sa pagsisipok ng palay at pagtitibag ng bato upang kumita ng salapi sa pagbisita niya sa Barangay Landing, Pilar, Bataan nitong Miyerkoles, Oktubre 10.
Masayang nakipagkuwentuhan si Yorme Isko – kandidatong presidente ng Aksyon Demokratiko – sa mga dating kasama sa trabaho sa bukid, kabarkada, at ginunita ang mga taon ng kabataan niya sa lugar.
Dinalaw ng alkalde ang walang panandang libingan ng kanyang lola at pinuntahan ang bahay-kubo na tinirhan noon na kasama ang mga pinsan.
Tuwing bakasyon, binibisita ni Isko, noon ay edad 11 hanggang 14 anyos ang kanyang lolo at lola at kasama ang mga pinsan, nagsisipok sila ng palay sa bukid.
“Malaki na sa ‘kin ang 75 piso kada araw na sweldo. Pero sobrang kati sa kamay at braso ng palay. But I am thankful that I was able to earn money more than I earn from collecting garbage in Manila,” kuwento ni Yorme habang ipinakikita sa media ang aktuwal na pagsipok ng palay.
Kasama si Doc Willie Ong, katiket na kandidatong bise presidente, mga kandidatong senador Almira Gutoc, dating konsehal Jopet Sison at Dr. Carl Balita, malugod silang tinanggap ni Pilar Mayor Charlie Pizarro, na naghanda ng maliit na programa sa covered court ng Brgy. Landing.
Pinagkaguluhan ng residente, kabataan at mga bata si Yorme Isko na sumisigaw ng ‘Isko, Isko, Isko’ na nagkakatuwa sa pagpapakuha ng litrato.
Naiiyak ang alkalde nang ipakita ang isang video-interview ng mga kakilala sa barangay at isa sa unang ininterbyu ang 52-anyos na si Romeo Santos, 52, na umamin na inasar at binatukan niya ang noong ay batang si Isko.
“Palibhasa’y pogi, si Scott (Isko) po ang nakakatawag ng pansin ng mga kababaihan tuwing naglalaro siya ng pool. Magaling din siya sa pool kaya nananalo. Magaslaw din siya at malikot kaya binabatukan ko na lang siya,” kuwento ni Santos na humingi ng patawad sa ginawa, 30 taon na ang nakalipas.
“Scott” ang palayaw niya kay Isko dahil iyon ang pangalang nakasulat sa madalas na isuot na lumang-lumang short pants.
Napakabait at mabuting kaibigan si Isko, kuwento ni Jonathan Magano na kasing-edad ng alkalde na laging kasama sa pagsisipok ng palay.
Sa okasyong iyon, tinanggap at malugod na pinasalamatan ni Yorme Isko ang isang resolusyon ng Sangguniang Bayan na kinikilala siya na “anak ng bayan ng Pilar.”
Kasabay nito, labis na pinasalamatan ni Moreno si Mayor Pizarro at ang buong Sanggunian sa di-niya-malilimutang utang na loob sa tulong na ibinigay sa kanyang ina, Rosario Moreno, na tumira sa Barangay Landing sa panahong matindi ang masamang epekto ng COVID-19 sa Metro Manila.
Yumao si Nanay Chayong noong nakaraang taon, isang araw bago ang ika-46 na taong kaarawan ng alkalde noong Okt. 24, 2020.
Sa harap ng mga residente, sinabi ni Isko na basta mangarap at magsikap na puno ng pag-asa at tiwala sa awa ng Diyos, ang mga bata ay pwedeng maging isang “Isko” rin balang araw.
“So, imaginin mo, pwede pala, posible pala. Huwag kayong mawawalan ng pag-asa. Baka ‘yung mga anak ninyo, maging Isko rin. Dahil tayong lahat ay may Isko sa buhay. Ang Isko ay simbolo ng pagsubok at dahil hindi tayo sumusuko, nakararaos tayo,” sabi ng alkalde.
Una sa pagbisita sa Brgy. Landing, si Yorme Isko sa Puerto Rivas fish port sa Balanga City at nakipagkuwentuhan sa mga mangingisda at magsasaka upang alamin ang mga hinaing at pangangailangan nila.
Nagbigay-galang din ang alkalde kina Bataan Governor Albert “Abet” Garcia at Balanga Bishop Ruperto Santos.
Pinasalamatan ng gobernador si Yorme Isko at ang lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila sa pagtayo ng cold chain facility para doon maimbak ang mga bakuna kontra COVID-19.
Sabi ni Garcia, tumulong si Yorme Isko upang mabilis na makakuha sila ng bakuna.
“Maraming salamat kay Yorme Isko, siya ang gumawa ng paraan upang makakuha tayo ng gamot laban sa COVID-19,” sabi ni Gov. Garcia.
The post NAGSIPOK AKO NG PALAY PARA MABUHAY!: ISKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: