Facebook

UNAHIN ANG TAO PARA UMASENSO: YORME ISKO

WALA namang sekreto, sabi ni Manila Mayor Francisko ‘Isko Moreno’ Domagoso – kandidatong presidente ng Aksyon Demokratiko – kung paano niya naibalik ang ningning at dangal ng Lungsod ng Maynila.

Inuna niya ang pangangailangan ng tao, paliwanag ni Yorme Isko kay Cabuyao City Mayor Rommel Gecolea bilang sagot sa mainit na pagtanggap sa kanya at katiket na kandidatong bise presidente Dr. Willie Ong, mga kandidatong senador, Samira Gutoc, dating konsehal ng Quezon City Jopet Sison at entrepreneur Dr. Carl Balita.

Binisita ni Isko ang Cabuyao sa Laguna bilang bahagi ng “Listening Tour” nitong Biyernes Okt. 10 upang makinig at ilahad ang plataporma de gobyerno ng Aksiyon Demokratiko kung siya at ang katiket sa pagka-bise presidente ang magwawagi sa halalan sa Mayo 2022.

Sa harap ng maraming tagapakinig, sinabi ni Mayor Gecolea na isang mabuting modelo si Yorme Isko na namulat at lumaki sa kahirapan na nagawang maiangat ang sarili at magtagumpay sa buhay dahil sa pagsisikap at pagtitiwala sa sariling talino at kakayahan.

Ipinaliwanag ni Yorme na paborito niya si Prime Minister Lee Kuan Yew na mas inunang bigyan ng trabaho, pabahay at edukasyon ang mga kababayan na naging susi kaya napakaunlad ngayon ng Singapore.

Aniya, 50 taon ang nakalipas, tao lamang ang mayroon sa Singapore.

“…Dugyot ang Singapore, walang tubig, walang ginto, Tao lang ang meron ang Singapore. Ginawa ni Lee Kwan Yew, inuna ang tao. Binigyan niya ng pabahay, binigyan niya ng trabaho, pinag-aral niya lahat ng Singaporeans and the rest is history,” sabi ni Yorme Isko.

Sinang-ayunan ito ni Gecolea na sinabing hindi lang pera ang magpapaunlad sa gobyerno na sinabi, “Tatlo ang gamit natin sa human development index: Edukasyon, Kalusugan at Kabuhayan. Eto ang unang basehan. Ang tao ang uunahin natin, ang tao ang pinakamahalaga. Eh ‘yan ang totoong pag-unlad.”

Sa harap ng nagtitipong mga miyembro ng environmental police, sektor ng kabataang kasapi ng Juan Kabuyaw Movement, senior citizens at mga opisyal ng siyudad, pinuri ni Gecolea ang kalinisan sa Maynila, maayos na pamamahala, pagpapaganda sa mga liwasan at pook-pasyalan at magandang kapaligiran, at ito, aniya “ang magsisilbing inspirasyon upang mapabuti at mapaganda rin ang ating lungsod ng Cabuyao.”

Malinis na ang lugar ng Quiapo, Carriedo Street, Sta. Cruz, C.M. Recto Avenue at Divisoria na dati ay marumi sa nagkalat na manininda at bunga nito, lumuwag ang daloy ng trapiko.

“Yorme Isko nakita ko ‘yung Unibersidad ng Manila, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Alam ninyo pareho ang ating direksyon. Ang unang pinakamahusay na maibibigay at pagmamahal ng magulang eh ‘yung mapag-aral niya ang kanyang mga anak. Itong lahat ng mga batang ito ay anak ko ‘yan. Ako ang padre de pamilya. Pero nais ko rin po sabihin sa inyo na iyan po ay Iskolar ng Cabuyao, Laguna in short IskoCab,”sabi ni Gecolea.

Hinangaan din ng alkalde ng Cabuyao ang kalingang ibinibigay sa mahihirap na residente ng Maynila at ang mabilis na kilos laban sa pandemyang COVID-19, pati ang pagsasamoderno ng lahat ng pasilidad at gamit medikal sa Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Tondo, Sta. Ana Hospital, Justice Abad Santos Medical Center, and Gat Andres Bonifacio Medical Center.

Inaasahang makukumpleto sa Enero 2022 ang 10-palapag na New Ospital ng Maynila at pagtatayo ng College of Medicine ng Pamantasang Lungsod ng Maynila (PLM) sa lumang gusali ng ospital, dagdag dito ang mabilis na pagkatayo ng 44-bed Manila COVID-19 Field Hospital sa Quirino Grandstand na mula pa ng Hunyo ay marami nang nagamot at napagaling na pasyenteng COVID-19.

Ang ginawa ni Yorme Isko, sabi ni Gecolea ang nagpalakas-loob sa kanya kaya kahit maliit lamang ang badyet ng Cabuyao kumpara sa ibang siyudad sa Laguna, “… ako ata ang nakapag-patayo ng pinakamalaking ospital dito.”

Kapuri-puri ang mga taga-Cabuyao, banggit ni Yorme Isko na namumuhay ng may dignidad sa marangal na paggawa.

Aniya, lahat ng paghihirap, lahat ng problema na tumagal ng 30 o 40 taon ay magagawang malutas sa loob lamang ng 48 oras.

“…Totoo po sinabi ni Mayor Mel. Yun namang 30 years problem, 40 years problem gone in 48 hours. Tama sinabi ni mayor, parang imposible pero nangyari, pwede pala, kaya pala,” sabi ni Isko.

Binanggit niya na magagawa ang imposible kung pag-iisipan at gagawin ang higit pa sa makakaya, tulad ng inayos na Jones Bridge sa Maynila.

“It’s not rocket science, kung nagawa sa Australia, nagawa ng Amerika, pwede rin gawin ng Maynila at sa buong bansa. Madaling linisin ang dagat, madaling linisin ang ilog, madaling linisin ang kalsada kasi may science doon,” dugtong pa ni Yorme Isko.

The post UNAHIN ANG TAO PARA UMASENSO: YORME ISKO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
UNAHIN ANG TAO PARA UMASENSO: YORME ISKO UNAHIN ANG TAO PARA UMASENSO: YORME ISKO Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 13, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.