Fake news!
Ganito ang opisyal na pahayag ni Rose Lin, isang negosyanteng tatakbo bilang kongresista ng ika-5 Distrito sa Quezon City matapos ikabit ang Pharmally Biological sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na sangkot sa multi-bilyong anomalya sa pagbili ng medical supply laban sa COVID-19 noong nakaraang taon.
Sa pahayag, sinabi ni Lin na walang katotohanan na sister company ng Pharmally Biological ang Pharmally Pharmaceutical na nakakopo ng bilyong halaga ng kontrata sa gobyerno.
“Nakarating po sa akin, sa pamamagitan ng aking mga tagasuporta, ang malisyosong pagpapakalat ng mga akusasyon at maling impormasyon laban sa inyong lingkod, sa kabila ng aking pagpupursiging maging maayos, malinis, at marangal ang ating pangangampanya,” ayon kay Lin.
Pinabulaanan din ni Lin na pawang may koneksiyon siya sa Pharmally Pharmaceutical na iniimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee sa multi-bilyon anomalya.
“Hindi rin po ako direktor, opisyal o shareholder po nito. Wala rin po akong kontrata na pinasok sa gobynero para mag-supply ng PPE. Ako poay karaniwang mamamayan lamang. Lahat ng akusasyon sa akin at sa aking pamilya ay puro haka-haka lamang,” aniya.
Sa kanyang pagharap sa ginanap na pagdinig ng Blue Ribbon, sinabi ni Lin na sinusuportahan niya ang layunin ng komite upang lumabas ang katotohanan at malinis ang pangalan ng kanyang pamilya na pilit iniuugnay sa anomalya at droga.
“Full support po ako sa layunin ng Blue Ribbon Committee na imbestigahan ang pag-gastos ng Gobyerno ng pondo sa laban sa Covid-19. Ngunit may ilang sektor na ang layunin ay samantalahin ang pagdinig na ito upang ako at ang aking pamilya ay siraan,” aniya.
Sinabi ni Lin na ilang araw nang lumalabas sa social media na sinisiraan ang dangal nito at pamilya na pilit siyiang iniuugnay sa korapsiyon ng Pharmally Phamaceutical na iniimbestigahan ng Senado.
“Lahat po ng mga akusasyon laban sa akin at sa aking pamilya ay haka-haka lamang,” patapos ng kandidato na may malinis na hangarin sa paglilingkod sa mamamayan ng Quezon City.
Ayon kay Lin, wala itong ibang intensiyon sa pagtakbo sa ika-limang distrito ng ating lungsod kundi makatulong sa mamamayan sa pamamagitan ng malinis at marangal na paglilingkod.
“Tanging intensiyon ko lamang po ay makatulong sa mga taong nasa sitwasyon ngayon na aking pinagmulan,” aniya.
Sinabi pa ni Lin na sa panahon ng pulitika, maraming maglalabasan na pekeng balita o fake news upang siraan ang mabuting kandidato kabilang ang paninira sa kanilang kalaban.
“Alam ko po na sa panahon ng pulitika, maraming akusasyon at paninirang katulad nito ang darating pa. Ngunit, uulitin ko po, hindi ako konektado sa Pharmally Pharmaceutical Corporation,” aniya.
“Wala po akong itinatago, kaya balik ako nang balik sa Senado upang humarap sa Blue Ribbon at mapatunayan na wala akong kasalanan,” patapos ni Lin.
The post Wala akong kontrata sa gobyerno, fake news ‘yan – Rose Lin appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: