
NASA P18-bilyon lang ang tinatayang kailangan para mapahusay ang serbisyo ng internet sa bansa kaya sisiw lang ito kung mababayaran ng mga Marcos ang P203 bilyon na atraso sa buwis.
Ito ang inilahad ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson na dahilan kaya niya sinasang-ayunan ang paghabol ng pamahalaan sa hindi nabayarang estate tax ng pamilya Marcos na maaaring magamit para pondohan ang mga pangunahing proyekto para sa mga Pilipino, kabilang na ang national broadband plan (NBP).
“‘Pag nagawa ‘yon (NBP) magiging steady ‘yung ating internet service. Sa kasamaang palad, lagi kong pinu-pursue ‘yon—P18-billion. Kayang-kayang hugutin ‘yon sa ibang mga ahensya na alam ko naman hindi magagamit sa tama. Ang problema na naman implementation,” sabi ni Lacson sa harap ng mga residente sa Malibay, Pasay City na kanyang nakadayalogo nitong Sabado.
Ayon sa senador na nagsulong sa budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT), kung siya ang pagbibigyan na mamuno sa ehekutibong sangay ng pamahalaan na may kapangyarihan para sa implementasyon ng mga programang ito ay titiyakin niyang maibibigay ang pondong kinakailangan.
Aniya, nasa P900-milyon lamang ang inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) para sa NBP, malayo sa hinihingi nila para maipatupad ang nasabing proyekto. Dahil dito, hindi nasimulan ng DICT ang pagpapagawa ng fiber optic backbone na kailangan para mapabilis ang serbisyo ng internet sa buong bansa.
Isa sa mga prayoridad na proyekto ni Lacson ang pagpapalakas ng internet sa bansa upang maipatupad na ang plano niyang digitalization, na magiging daan din aniya para mabilis na masingil ang mga hindi nakakabayad ng buwis, at magamit ito sa iba pang mahahalagang proyekto na makakatulong sa publiko.
“Isipin mo P23-billion estate tax, umabot na ng P203-billion kasi sa tagal. Kasi every year, nadadagdagan ’yon, five percent… Bakit hindi pa rin nakokolekta?… Napabayaan nang napabayaan… Kung tayo digitalized hindi aabot sa ganoon, nabayaran na,” saad ni Lacson.
Tinutukoy ni Lacson ang estate tax na diumano’y utang ng pamilya ng kanyang katunggali na si dating senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na sinubukan ngunit hindi pa rin nasisingil ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa loob ng 25-taon.
Ang planong digitalization ni Lacson para sa lahat ng mga transaksyon sa gobyerno ay bahagi ng kanyang misyon para sugpuin ang pagnanakaw at katiwalian sa gobyerno. Naniniwala siyang kung ganap na itong maipatutupad ay mas mapapaigting pa ang pagkolekta ng buwis at hindi na kakailanganin ng bansa na mangutang.
Ayon kay Lacson, makakatulong din ito upang makasabay na ang Pilipinas sa mga kalapit nating bansa na ang pamumuhunan sa NBP o digitalization program ay hindi lamang nagdulot ng pag-angat ng kanilang ekonomiya ngunit malaki rin rin ang natitipid nila sa pondo ng kanilang mga pamahalaan.
The post Ping: Mas mabilis na internet kayang pondohan kapag nasingil bilyong atraso sa buwis ng mga Marcos appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: