Facebook

Plataporma ng Lacson-Sotto tandem sa agrikultura klaro, ‘di boladas

Klarong-klaro at walang halong boladas ang plataporma ni Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson at ka-tandem na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III para maiahon ang sektor ng agrikultura na pinahandusay ng pandemya at talamak na importasyon ng mga pagkain.

Sa kanilang pagdalaw sa Lungsod ng Tuguegarao sa lalawigan ng Cagayan, tiniyak ng tambalang Lacson-Sotto sa mga botante at residente na tanging sila lamang ang may malinaw na plataporma pagdating sa naturang sektor.

“Maririnig niyo naman ‘yung ibang mga kandidato sasabihin ‘agricultural modernization, we will ensure food security.’ Hindi ba naririnig niyo ‘yon? Sinasabi ba nila sa inyo kung papaano? Hindi. Kami mayroong plano,” banggit ni Sotto sa isang town hall meeting na ginanap sa lungsod.

Matapos nito ay inilahad ni Sotto ang mga programa nila ni Lacson para sa sektor ng agrikultura.

“Ito ang program namin. Sa ngayon, ang binibili ng national government sa inyo—ng Department of Agriculture at national government—sa mga magsasakang tulad niyo wala pang two percent o two percent. Hindi ba, tama? Okay,” ayon kay Sotto.

“‘Pag kami, at ito matagal ko nang sinasabi, kailangan bilihin ng gobyerno sa presyo ninyo sa farmgate price ang mga produkto ng mga magsasaka—50 percent ng produkto ninyo dapat bilhin ng gobyerno sa tamang presyo,” ayon kay Sotto.

Ayon pa kay Sotto, malinaw na pabor sa mga magsasakang Pinoy ang resulta ng programang ito.

“Mag-i-stabilize ang presyo at, oo, medyo tatamaan ‘yung mga middlemen, tatamaan ang mga traders, pero hindi magtataas ang presyo masyado, ano? Malaki ang kita ng mga magsasaka pero ‘yung consumer hindi masyadong mamamahalan kasi tama ang magiging presyo,” banggit ni Sotto.

“We did not pluck this out of thin air. Ito po nagagawa na namin ngayon. Papaano? Mayroon pong kapartido si Ping – si Senator Lacson – na gobernador ng Davao del Norte. Siya si Governor Edwin Jubahib, dati pong konduktor ng bus, pero nakakaintindi ng pagsasaka,” kuwento pa ni Sotto.

“Alam niyo ang ginagawa niya sa Davao del Norte? As we speak… Ang ginagawa niya 100 percent ng produkto o output ng magsasaka binibili ng provincial government sa presyo ng magsasaka. At ‘yung provincial government ang nag-ma-market sa palengke, nilalagyan lang ng patong na two percent para makuha ‘yung mga nagtitinda,” bunyag ng Senate President.

Dahil sa pagkadismaya sa Department of Agriculture (DA) sa usapin ng importasyon, hindi napigilan ni Sotto na ibulalas ang maaaring pamalit na pangalan sa ahensya.

“’Yung Department of Agriculture dapat palitan na natin ‘yun gawin nating Department of Importation. Walang ginawa kundi mag-import e. Bakit? Tapos ‘yung mga magsasaka hindi tutulungan,” diin ni Sotto.

Sa kasunod na town hall meeting na dinaluhan ni Lacson sa bayan ng Sanchez Mira, Martes ng hapon, kanyang inanunsyo na sa ilalim ng kanilang pamumuno ay matitigil ang pagiging import-dependent ng DA na hindi nakakatulong sa pagpapaunlad ng ating mga magsasaka at mangingisda.

“’Yung Department of Agriculture parang nagkaroon ng import-dependent mentality. Kapag kinapos ang sibuyas, import ng sibuyas; kinapos ‘yung bawang, import ng bawang—lalong namamatay ‘yung ating mga magsasaka. Ito ang dapat nating i-correct,” sabi ni Lacson.

“Tatlo lamang ang dapat tugunan ng ating pamahalaan—basic, ano—through the Department of Agriculture para tulungan ang ating mga farmer. Ito ‘yung patubig o irrigation, ‘yung binhi o ‘yung seeds, at saka fertilizers,” dagdag pa ng presidential candidate.

 

The post Plataporma ng Lacson-Sotto tandem sa agrikultura klaro, ‘di boladas appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Plataporma ng Lacson-Sotto tandem sa agrikultura klaro, ‘di boladas Plataporma ng Lacson-Sotto tandem sa agrikultura klaro, ‘di boladas Reviewed by misfitgympal on Marso 16, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.