
TATLONG araw na bakasyon ang ginugol ng inyong lingkod sa isang ekslusibong beach resort sa bayan ng Nasugbu kasama ang pamilya ng isa sa matalik kong kaibigan nang magbalikbayan mula sa Estados Unidos. Ang kaibigan din nating ito ang madalas naming pasyalan sa Amerika tuwing magbabakasyon ang inyong lingkod doon.
Mula Batangas City ay malayong-malayo na ang itsura ng mga kalsadang dinaraanan namin ngayon patungong Nasugbu: maluwang, kongkreto at maginhawang maglakbay, kumpara noong 1992 na makipot, lubak-lubak at nakakapagod magbiyahe na kalsada patungo sa naturang munisipalidad bago sila tumulak patungong United States.
Parang napakaikli ng mahigit sa 30 taong nakalipas, nang magbiyahe din kami sa parehong kalsada na dinaanan namin noon patungo sa di pa gaanong kagandahang mga beach resort.
Lumisan ang aking kaibigan patungo sa USA habang nasa kasagsagan noon ang kampanyahan para sa 1992 elections.
Sa eleksyong yaon ay nagwagi ang bagito pa lamang sa pulitika at kareretirong AFP Lt. General Eduardo R. Ermita bilang kongresista ng Unang Distrito ng Batangas.
Isa pa lamang provincial reporter ang inyong lingkod ng isang daily newspaper kaya nasubaybayan natin kung papaanong pinag-ukulan ng pansin ni Ermita ang pagpapaunlad ng kanyang distrito.
Tinutukan ni Ermita ang pagpapaayos ng mga lansangan, paglulunsad ng proyektong pang-estruktura, agrikultukal at iba pang pagawaing pambayan sa tulong ng kaalyado nitong si ex-President Fidel V. Ramos. Naging mabilis ang pagsulong ng kaunlaran ng mga bayan ng Taal, Lemery, Calaca, Calatagan, Balayan, Lian, Tuy at Nasugbu.
Ang mga nagawa ni Ed Ermita sa panahon ng kanyang termino bilang kinatawan sa kongreso ay nanatili sa isip at laging maaalala ng kanyang mga kababayan.
Nakatulong din si Ermita sa kanyang mga kadistrito nang maluklok ito sa gabinete ng pamahalaang Ramos at ex-President Gloria Macapagal- Arroyo.
Ang mga tulong at biyayang naibigay ni Ermita sa kanyang mga kadistrito ay siyang matibay na patunay ng magandang liderato ng amang Ermita na taglay ngayon ng anak na bunsong si Lisa sa kanyang pagpalaot sa pulitika bilang kandidato sa pagka-kongresista.
Ang kaibahan nga lamang ni Lisa ay may sarilli itong hukbo ng tagasuporta na boluntaryong mga mamamayan, mga dating tagapagtaguyod ng kanyang ama na walang kapaguran na sumusuporta sa kanyang kampanya.
Katulad ng kanyang ama ay wala ding malaking pondo pinansyal na gugulin para sa kanyang kandidatura si Lisa, sapagkat sa panahon ng kanyang paglilingkod ay di nabahiran ng korapsyon ang kanyang serbisyo sa pamahalaan.
Nagtrabaho ito sa opisina ng Department of National Defense, naging opisyal ng ilang tanggapan sa Malakanyang at iba pang sensitibong pwesto at naging malinis ang kanyang pangalan sa kanyang paglilingkod.
Isang relihiyosang katoliko at lider ng mga kababaihan si Lisa. Siya ay isang masunuring anak patunay ay ang pagsunod nito sa napagkasunduan ng kanilang pamilya na isa lamang sa mga Ermita ang tatakbo sa pagka-kinatawan ng kanilang distrito.
Gayunman ang desisyon ng mga Ermita ay sinuway ni Eric Buhain, bayaw ni Lisa at asawa ng nakatatanda nitong kapatid na out-going 1st district Congresswoman Eileen Ermita.
Hindi kataka-taka na balewalain ni Buhain ang kasunduan ng pamilya Ermita sapagkat siya ay isang estranghero sa Batangas at maituturing na sampid lamang.
Dapat ay malaman ng mga mamamayan kung totoong si Buhain ay napaulat na muntikanan nang patalksikin bilang Chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) noon dahil sa maanomalyang liderato sa kapanahunan ni Presidente Gloria Macapagal- Arroyo?
May ilan pang idenedetalye sa SIKRETA na diumano ay may mga iba pang anomalya ding naganap sa pinaglipatan kay Buhain na Games and Amusement Board (GAB) kung saan ito ay nanungkulan din bilang Chairman?
May mga ulat pa din tungkol sa imoralidad ng isang mataas na opisyal ng PSC at GAB na pakikipagrelasyon sa kanyang empleyada at pambubuntis pa sa kamag-anak ng maybahay nito. Nakarating kaya ito sa kaalaman ni Boss Eric? Subaybayan ang karugtong.
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.
The post Pulitika at kapalaran ng mag-amang Ermita appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: