Ni ARCHIE LIAO
WALANG takot na nagbuyangyang ang magaling at award-winning theater actor at director na si Vince TaƱada sa film adaptation ng kanyang Palanca-award winning masterpiece na “Ang Bangkay” na nagkaroon ng special screening sa Red Carpet Cinema sa Shangrila Mall kamakailan.
Bilang isang artist, naniniwala si Vince na tulad ng malayang pagkukuwento sa kanyang mga dula sa teatro, kasama sa ebolusyon ng sining ang pagiging mapagpalaya.
Kaya naman kaakibat ng kanyang kagustuhan na ilantad ang balakyot na katauhan ni Segismundo, walang takot din siyang nagbuyangyang sa pelikula.
Ani Vince, ang mga eksena ng hubaran sa pelikula ay hindi bastos kundi kailangan mismo sa naratibo ng kanyang obra.
Tulad ng kanyang award-winning play kung saan ito hinalaw, sobrang mapangahas talaga ang tema ng moral decay at incest sa pelikula.
Aniya, napapanahon din ang kuwento dahil tumatalakay ito sa tema ng tagisan ng kasamaan at kabutihan at maging ng laban ng liwanag at dilim.
Nilinaw din ng artistic director ng Philippine Stagers Foundation na kathang isip lang ang kuwento ng “Ang Bangkay.”
May mga kritiko kasing naghahambing sa kanyang pelikula sa obrang “Kisapmata” ni Mike de Leon na tungkol din sa incest.
Masaya si Vince na ang kanyang mga obrang dati ay sa teatro lamang napapanood tulad ng Joe, the Musical , Katips at Ang Bangkay ay napapanood na sa puting tabing.
Ang Bangkay ay kuwento ng isang patriarkal at mapagmanipulang embalmasador na may maitim na balak sa kanyang birheng anak.
Kasama sa pelikula sina Mercedes Cabral bilang Yaya Miding, Vean Olmido bilang Isabel, Johnrey Rivas bilang Lemuel, Lili Montelibano bilang Oryang, Juan Calma bilang Luisito at Sarah Javier bilang yumaong asawa ni Segismundo (Vince).
Ang pelikula ay iprinudyus ng Philippine Stagers Foundation sa pakikipagtulungan ng Outpost Visual at Toledo Medical Companies Inc.
The post Vince walang takot nagbuyangyang sa pelikula appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: