
Muling idiniin ni Senator Christopher “Bong” Go ang pangangailangang maipasa ang Senate Bill No. 205, na kilala rin bilang Department of Disaster Resilience Act.
Ang nasabing panukala ang lilikha ng isang highly specialized agency na ang tungkulin ay tiyakin ang adaptive, disaster-resilient at ligtas na mga komunidad.
Sa kanyang video message sa relief activity para sa 821 recovering typhoon victims sa Marikina City kamakailan, umapela si Senador Go sa mga kapwa mambabatas na suportahan ang nasabing panukala na ang layon ay pag-isahin at pabilisin ang lahat ng responsibilidad kaugnay ng paghahanda at tugon sa sakuna.
“Bago pa dumating ang bagyo, mayroon na hong makikipag-coordinate sa LGUs, preposition of goods at ilikas po ang mga kababayan natin sa ligtas na lugar. At pag-alis ng bagyo, restoration of normalcy kaagad, maibalik kaagad sa normal ang pamumuhay ng mga kababayan natin. ‘Yan po ang layunin ng Department of Disaster Resilience,” paliwanag ni Go.
“Madalas pong tamaan ng bagyo, lindol at iba pang kalamidad ang ating bansa. Kailangan na talaga nating i-scale up ang preparedness to resiliency against disasters,” dagdag ng senador.
Habang patuloy niyang inuuna ang kaligtasan ng bawat Pilipino sa panahon ng krisis, umapela rin si Go sa publiko na gawing pangunahing prayoridad ang kalusugan.
Nanawagan siya na tulungan ang bansa na makamit ang proteksyon sa populasyon sa pamamagitan ng paglahok sa pambansang programa ng pagbabakuna.
Nanawagan din ang senador sa mga lokal na opisyal na palakasin pa ang kanilang mga pagsisikap sa pagbabakuna sa kanilang komunidad at tiyakin na ang mga dapat na mabakunahan sa nasasakupan ay makatatanggap ng kumpletong dosis ng bakuna at mga booster shot laban sa COVID-19.
“Itong mga bakuna na ito ay libre lang at pinaghirapan po ito ng gobyerno. Kaya nakikiusap po ako mga kababayan ko, mga residente ng Marikina City at mga opisyales nito, na patatagin niyo pa lalo na ang pagbabakuna sa bawat komunidad diyan sa inyo,” apela ni Go.
Si Go, pinuno ng Senate committee on health, ay nag-alok din ng karagdagang tulong medikal sa mga nangangailangan ng pangangalagang medikal.
Hinimok niya ang mga ito na bisitahin ang alinman sa 151 Malasakit Centers sa buong bansa, 31 dito ay nasa Metro Manila, kabilang ang isa sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC) sa Marikina.
Ang Malasakit Centers Act of 2019 ay isa lamang sa maraming hakbang na itinulak ni Go sa Senado upang matiyak na ang mga mahihirap na pasyente ay may maginhawang access sa mga medical assistance program ng gobyerno.
The post DDR bill ipipilit ni Bong Go sa next Congress appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: