
WALANG sulingan ang mga ilegalista sa lalawigan ng Cavite! Para silang mga dagang hilong-talilong, walang mapagbalingan sa paghahanap ng padrino para maipagpatuloy ang kanilang raket at labag sa batas na pinagkikitaan.
Ganito ang naging senaryo na nag-umpisa nang salakayin ng elemento ng Criminal Investigation ang Detection Group (CIDG), Provincial Office ang isa sa pinakamakaling saklaan sa nasabing lalawigan na matatagpuan sa munisipalidad ng Tanza noong gabi ng June 14, 2022.
Ngunit ang raid sa saklaan na ino-operate ng notoryus ding drug pusher na sina alias Jun Guinto at police scalawag na alias Sgt Francisco sa Brgy. Daang Amaya II na nagresulta sa pagkadakip sa may 18 sugarol ay mistulang apoy na kumalat sa iba’t- ibang mga lugar sa naturang lalawigan.
Bakit kanyo? Aba ang dati ay mga untouchable na sakla dens na pinatatakbo din nina alias Boy Guinto at Sgt. Francisco maging sa siyudad ng Imus, mga bayan ng Indang at Noveleta ay pinatigil na rin sa kanilang operasyon.
Kaya ang dalawang dati ay kinikilalang astig sa Cavite na sakla maintainers na sina alias Jun Guinto at Sgt Francisco ay nagmukhang basang-sisiw sa kanilang pinoprotektahang kapitalista.
Dahil nga sa tablado na, etsapwera ang kanilang gambling at drug money na lingguhang ipinamumudmod sa ilang himpilan ng kapulisan sa Cavite, hanggang sa PNP Region 4A, Canlubang, Laguna at Camp Crame, Quezon City, ay maliwanag ang mensahe: magsitigil silang lahat sa pinaggagawang kabulastugan.
Batay sa ating police insider, ang utos na pagpapatigil sa operasyon ng sakla ay nagmula sa tanggapan na rin ni Gov. Junvic Remulla, kaya nakasalalay na din sa opisina ng gobernador kung kailan muling itutuloy ang pasakla nina alias Boy Guinto at Sgt. Francisco.
Dahil din sa mga naturang insidente ay nagkabukuhan na sina alias Jun Guinto at Sgt. Francisco ay kapwa mga broker lamang pala ng ilang mga “bigatin” sa tanggapan ni Gov. Remulla?
Dahil din sa pagkakabuwag ng saklaan na nasa tabi lamang ng kapilya ng Iglesia ni Cristo sa Brgy. Daang Amaya II ay lubhang nagalit kina CIDG Cavite Provincial Officer, P/LtCol. Ryan Dexter Andulan ang ilang “kadikit” ni Gov. Remulla, kaya lahat na “palaro” sa Cavite ay tuluyan na ring ipinitigil….. pansamantala?
Humanap kayo mga KASIKRETA ng larawan toro na kalimitan ay itinatanghal sa “ Corrida de Torros” sa mga bansang Espanya, Mexico at iba pang bansang Latino at yaon ang maari nating pagkumparahan sa anyo ng ilang mga protektor nina alias Boy Guinto at Sgt Francisco.
“Umuusok ang teynga at ilong” sa galit sa mga operatiba ng CIDG Provincial Office ng naturang tsuwarewap ni Gov. Remulla kaya sa gitna ng pagpupuyos ng kalooban ay agad na inatasan ng nagpapakilalang “governor’s aide” si Cavite PNP Provincial Director P/Col. Arnold Abad na ipatigil na ang lahat na operasyon ng anumang uri ng iligal na pasugal sa Cavite.
Ang siste nito, hindi ang aide kuno ni Gov ang siyang personal na tumawag sa opisina ni Col. Abad, kundi alalay lamang ng alalay naman ni Remulla?
In fairness naman kay Gov. Remulla, naniniwala ang inyong lingkod na baka di pa alam nito ang mga kababalaghang ginagawa ng ilan nitong pinagkakatiwalaan?
Kaya naman ang noong una ay inaakala nating “moro-moro sakla raid sa Cavite, ay isa na ngayong kontrobersyal na police operation pagkat ang nasagasaang sakla den ay pinatatakbo nga nina alias Boy Guinto at Sgt Francisco na lumilitaw na “dummy” lamang kuno ng alyado ni Gov Remulla?
Liban sa puesto pijo o permanenteng saklaan ay hawak din ni alias Boy Guinto at Sgt. Francisco ang mga saklaan sa mga burol ng patay na kilala ding saklang-patay sa lahat na siyudad at bayan sa Probinsya ng Cavite.
Ngunit maging ang saklaan nga sa burol ng mga patay ay ipinatigil sa atas din ng tanggapan ng gobernador sa kapulisan? Bakit wala tayong naririnig na aksyon mula sa tanggapan ni PNP Region 4A Director, PBG Antonio Yarra?
Kahit literal na “gulo ang tabakuhan” ng mga pasugalan sa Cavite, dapat lamang na maging vigilant at tutulan ng ating mga KASIKRETA ang pagbabalik ng raket nina alias Boy Guinto at Sgt. Francisco!
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.
The post GULO ANG “TABAKUHAN” SA CAVITE! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: