Facebook

Drug rehab center sa bawat probinsya, nais ni Bong Go

Nananatiling nakatutok sa pagpuksa sa iligal na droga sa bansa, inihaing muli ni Senator Christopher “Bong” Go ang Senate bill No. 428 na magtatatag ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa bawat lalawigan sa buong Pilipinas.

Binanggit ang mga kahanga-hangang natamo ng bansa sa paglaban ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga, binigyang-diin ni Go na kailangang ipagpatuloy ng gobyerno ang kampanya o giyera sa droga.

Idinagdag niya na dahil sa giyera sa droga, natugunan ang iba pang mga isyu, tulad ng kriminalidad at katiwalian.

“Kapag nako-contain mo ‘yung illegal drugs, kasama na diyan ‘yung criminality at ‘yung korapsyon. ‘Pag lumala ‘yung drugs, babalik ‘yung criminality, at tataas ‘yung korapsyon — makorap na po ‘yung tao,” iginiit ni Go.

“Nakita naman po sa datos na napakarami na po talaga ang nasira ang buhay nang dahil sa iligal na droga. Huwag po natin sayangin ang inyong bukas at gumawa na lang po ng tama. Kaya kung kailangan niyo po ng tulong, sabihan niyo lang po kami,” paliwanag ni Go.

Noong Pebrero 2022, iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency ang kabuuang 331,694 suspek na naaresto sa 229,868 drug war operations na isinagawa mula noong Hulyo 2016.

Sa bilang ng mga naarestong sindikato, iniulat ng PDEA ang kabuuang 15,096 na high-value target. Nasamsam din ng mga awtoridad ang iligal na droga na nagkakahalagang P89.29 bilyon sa buong bansa, kabilang ang P76.17 bilyong halaga ng shabu.

Sa kabila ng mga tagumpay na ito, sinabi ni Go, pinuno ng Senate committee on health and demography, na ang pagsugpo sa mga krimen na may kinalaman sa droga ay hindi nalulutas ang lahat.

Dapat ding ituon aniya ang atensyon sa rehabilitasyon at pagrekober ng mga biktima ng illegal drugs.

“Isa sa mga ipinagbilin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa akin ay ang ipagpatuloy ang laban kontra sa iligal na droga, pati na rin ang laban sa korapsyon at kriminalidad. Umaasa tayo na sa bagong administrasyon ay mas mapalakas pa ang kampanyang ito upang tuluyang mabigyan ng mas ligtas at komportableng buhay ang mga Pilipino,” ayon sa senador.

Sa ilalim ng panukala, nais ni Go na magtayo ng drug rehabilitation center sa bawat lalawigan, sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health.

Ang mga center ang mangangalaga, manggagamot, magpapahusay sa kanilang pisikal, sikolohikal at panlipunang kakayahan upang makayanan ang mga karaniwang problema. Magbibigay rin ito ng after-care, follow-up at social reintegration services, bukod sa iba pa.

“Ang mga adik sa droga ay dapat tratuhin bilang mga biktima na nangangailangan ng tulong medikal, sikolohikal, at espirituwal, na may layuning muling maisama sa lipunan bilang malusog at produktibong mga mamamayan,” ani Go.

“Dapat bigyan natin sila ng pagkakataon ng panibagong buhay,” idiniin niya.

Para mas mapalakas ang kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga, naghain din si Go ng Magna Carta of benefits para sa mga opisyal at tauhan ng PDEA. Bilang tagapangulo ng Senate committee on sports, inihain din niya ang Philippine National Games (PNG) Bill para hikayatin ang mga Pilipino na makisali sa palakasan kaysa sa bisyo tulad ng iligal na droga.

The post Drug rehab center sa bawat probinsya, nais ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Drug rehab center sa bawat probinsya, nais ni Bong Go Drug rehab center sa bawat probinsya, nais ni Bong Go Reviewed by misfitgympal on Hulyo 19, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.